Mga Gamit
Ang siling labuyo, o cayenne pepper sa Ingles ay kilalang halaman dahil sa hindi maikakailang kaanghangan nito. Ang maliit na halaman ng sili ay lumalaki lamang ng hanggang 1.5 na metro. Ano ang mga benepisyo ng siling labuyo sa kalusugan?
Pahaba na hugis-bilog na may matulis na dulo ang itsura ng mga dahon nito. Ang aktibong sangkap na capsaicin ang nagbibigay ng anghang sa halaman. Bukod sa pagbibigay anghang sa pagkain, makikita rin ang capsaicin bilang isa sa mga sangkap ng pepper spray na ginagamit pangdepensa ng sarili.
Mga Benepisyo ng Siling Labuyo
Bagamat hindi mahilig sa maanghang na pagkain ang iba, mayroong ilang benepisyo ang siling labuyo na maaari nilang isaalang-alang:
Benepisyo ng Siling Labuyo: Maraming Bitamina At Mineral Ang Siling Labuyo
Hindi aakalaing ang maliit na prutas na ito ay puno ng bitamina.
Makikita ang vitamin A, B6, C at K kahit sa kaunting gramo ng pulang sili. Bukod pa rito, mayroon din itong copper at potassium.
Sa mga macros naman, naglalaman ito ng 1.3 grams na carbohydrates, 0.3 grams na protina, at 0.1grams ng fat.
88% din ng siling labuyo ay tubig, at mayroon itong tinatayang 6 calories.
Benepisyo ng Siling Labuyo: Nagtatanggal Ito ng Pananakit
Isa sa pinakamagandang sinasabing benepisyo sa kalusugan ng siling labuyo ang kakayahan nitong mag-alis ng pananakit ng katawan. Ito ang dahilan kung bakit ibinebenta ito bilang gels at patches.
Nababawasan ang dami ng “substance P” kapag nilalagay ito. Mahalaga ang substance P sa paghahatid ng masakit na pakiramdam mula nerve endings patungong utak. Pagkatapos ng paunang mainit na pakiramdam, saka lang makararamdam ng ginhawa dahil sa nahintong pain transmission.
Benepisyo ng Siling Labuyo: Nakatutulong sa Pagpapapayat
Isa pa sa magandang katangian ng capsaicin na makikita sa siling labuyo ang pagpapabilis ng metabolism, kaya mas nagpapadali ang pagtunaw ng maraming calories.
Dagdag pa rito, nagbibigay ito ng pakiramdam ng pagkabusog, na pumipigil sa isang tao na kumain nang higit pa sa kinakailangan. Mayroong pag-aaral na nagsasabing kayang palitan ng capsaicin ang white blood cells para maging brown cells na tumutunaw ng taba.
Benepisyo ng Siling Labuyo: Mabuti para sa Daloy ng Dugo
Sinasabing capsaicin ang nagpapababa ng cholesterol sa katawan at pumipigil sa dugo na magdikit-dikit. Mahalaga ang abilidad na ito para maiwasan ang pagkakaroon blood clots na nagsasanhi ng stroke.
Benepisyo ng Siling Labuyo: Nakabubuti sa Pangkalahatang Kalusugan
Bukod sa taglay nitong bitamina, kilala ring naglalaman ng antioxidant ang siling labuyo. Nakatutulong ang antioxidant para maalis ang free radicals na nagiging toxic kapag naiipon.
Mga Pag-iingat at Babala
Bago gumamit ng siling labuyo, mabuting isaalang-alang ang mga sumusunod na paalala:
Ano Ang Dapat Kong Malaman Bago Gumamit ng Siling Labuyo?
Tandaang hindi lamang umeepekto ang init o anghang na taglay ng siling labuyo habang kinakain. Nagbibigay din ng nakakapasong pakiramdam sa balat ang paghawak o pagdampi sa durog na sili.
Kaya ipinapayo ang pagsusuot ng food-preparation gloves sa paghawak ng durog na siling labuyo. Dagdag pa rito na maging maingat sa aksidente na mahawakan ang mata.
Kahit ang mga itinitindang patches na may lamang capsaicin ay sinasabing naghahatid ng tindi ng pananakit at pamamaga. Depende ito sa dami ng capsaicin dito.
Gaano Kaligtas Ang Siling Labuyo?
Ligtas ang paggamit ng kaunting dami ng siling labuyo bilang sangkap sa mga lutong-bahay.
Natatanging Pag-iingat at Babala
Kung nais gamitin ang siling labuyo bilang gamot, mabuting pakipag-ugnayan sa doktor. Sundin din ito kung may iba pang karamdaman, nagdadalang-tao at/o nagpapagatas.
Mga Side Effect at Interaction
Maliban sa nakakapasong pakiramdam tuwing pinapahid, ang pagkain ng siling labuyo ay maaaring magdulot ng karamdaman sa tiyan tulad ng cramps, abdominal pain, at pagtatae.
Dahil dito, hinihikayat na umiwas sa siling labuyo kung may gastrointestinal disorder tulad ng Irritable Bowel Syndrome o IBS.
Sa kasamaang palad, maaaring makaapekto ang capsaicin sa anticoagulants, cocaine, theophylline, at iba pang gamot sa high blood pressure. Bilang pangkalahatang tuntunin, mabuting komunsulta sa doktor kung mayroong allergy, sumusunod sa partikular na diet, o may iniinom na gamot.
Dosage At Forms
Tandaang ang mga sumusunod na dosage at variant ay isinulat upang makatulong at makapagbigay-aral, at hindi bilang pamalit sa payo ng doktor.
Makikita ang capsaicin ng siling labuyo sa mga patches o gels at ointments na maaaring ipahid.
Pakiusap na sundin ang sumusunod na gabay sa paggamit na nakasulat sa pakete, o upang mas ligtas, ang abiso ng doktor. Maaari ding gumawa ng sariling liniment mula sa sili at mantika ayon sa kagustuhan bilang alternatibo.
Paano Gumawa ng Siling Labuyo Liniment
Para makagawa ng liniment, palambutin o ibabad ang siling labuyo sa sapat na mantika hanggang mabalot ang prutas. Isarado nang mahigpit at hayaan ng isang linggo.
Sumunod, tanggalin ang prutas sa pamamagitan ng pagsasala. Itago ang liniment sa bote ng gamot at gamitin kapag nakaramdam ng pananakit at pagkirot sa katawan.
Paalala: Iayon sa kagustuhan ang dami ng mantika at sili batay sa gaano kaanghang ang gustong liniment.
Bagaman hindi karaniwan sa bansa, mayroon pa ring mga cayenne pepper pills, o mga pills na naglalaman ng capsaicin. Gaya ng parating sinasabi, komunsulta muna sa doktor.
Bukod dito, ang paghalo ng siling labuyo sa pagkain ang pinakamabisang iba pang paraan para maisama ito sa regimen. May ibang gustong gamitin ito bilang “chili oil” na ginagawa sa pamamagitan ng pagluto ng siling labuyo sa mantika kasama na ang iba pang kasangkapan tulad ng star anise at bawang. Mayroon pang ibang paraan ng pagluluto nito kaya maging malikhain sa pagtuklas nito.
Key Takeaways
Pinagpala ang Pilipinas dahil masagana ito sa siling labuyo.
Hindi lang ito nagtataglay ng anghang para pasarapin ang pagkain, marami din itong dalang benepisyo: nakakatulong sa pagpapapayat, maraming nakapaloob na antioxidant, nakakatanggal ng pananakit, at mayaman din sa bitamina.
Bagaman natatagpuan naman sa mga pamahid para sa pananakit, ang paghahalo nito sa mga lutong-bahay ang pinakaligtas na paraan upang makuha ang benepisyo ng siling labuyo.
Matuto pa tungkol sa herbal medicine dito.