Karaniwan sa mga tao ang pagkakaroon ng arthritis bilang bahagi ng kanilang pagtanda. Kaya naman hindi rin maiiwasan ang paghahanap nila ng halamang gamot sa rayuma sa kamay. Sapagkat, isa ang ating mga kamay sa bahagi ng katawan ng tao na maaaring sumakit dahil sa arthritis.
Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga halamang gamot para sa rayuma sa kamay na pwede mong subukang gamitin sa pagpawi ng pananakit. Pero bago ang lahat, tandaan na mas mainam na isangguni muna sa inyong mga doktor ang paggamit ng mga sumusunod na halamang gamot dahil baka mayroong interaction ang mga ito sa inyong mga iniinom.
Ano Ang Rayuma?
Madalas ang mga matatanda ang nagkakaroon ng rayuma bilang senyales ng kanilang pagtanda. Sa rayuma, nagiging mahina ang kanilang mga kasukasuan at tuhod. Ito’y nagiging dahilan ng pagkakaroon ng limitasyon sa kanilang paggalaw at paggawa ng mga gawain sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa pagkakaroon ng arthritis o rayuma, asahan mo ang pagkirot ng iyong mga kasukasuan, maging ang iyong mga paa at kamay. Kadalasan na nagiging sanhi ito ng discomfort ng isang tao at pagbagal ng kanilang pagkilos.
Halamang Gamot Sa Rayuma Sa Kamay
Ang discomfort at pananakit na nararamdaman ng isang taong dahil sa arthritis ay madalas na nagtutulak sa mga indibidwal na maghanap ng mga herbal medicine para sa rayuma. Bukod kasi sa mura, maaari itong makita sa mga tanim na halaman sa bakuran at magamit bilang treatment sa pananakit na nararamdaman dahil sa rayuma.
Narito ang mga halamang gamot na maaaring i-konsiderat sa arthritis na dapat mong malaman:
Thunder God Vine
Ang herbal medicine na ito ay matagal na ginagamit sa mga bansa gaya ng Korea at Japan. Pinaniniwalaan na mabisa itong gamitin sa pagpawi ng pamamaga na sanhi ng rayuma. Dagdag pa, mainam na treatment din daw ito para sa iba pang autoimmune disease.
Luya
Kilala ang luya sa maraming benepisyo sa kalusugan, kaya naman hindi nakapagtataka kung ito ang nagiging “number 1 option” ng mga taong may rayuma bilang kanilang paggamot sa pananakit.
Marami kasing medicinal benefits ang luya at sagana ito sa mga anti-inflammatory properties na pwedeng gamitin sa pagpapabuti ng kalusugan. Ayon sa ilang mga artikulo at pag-aaral, lumabas na ang luya ay maaaring makatulong para maibsan ang pananakit ng kasukasuan, paa, kamay, at kalamnan ng tao.
Para makuha ang mga benepisyo ng luya pwede itong ihalo sa mga pagkain na iyong niluluto, o ilaga ito sa mainit na tubig upang inumin.
Green Tea
Ang green tea ay sikat na inumin na nagtataglay ng antioxidants na tumutulong sa paglaban ng pamamaga, kaya naman maaaring maganda ito sa mga taong may rayuma. Pwedeng magamit ang mga benepisyo sa kalusugan ng green tea sa pamamagitan ng pag-inom nito bilang tsaa.