Mabilis na nauso ang paggamit ng essential oils (EO). Pinatotohanan ng mga gumagamit nito mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na marami nitong benepisyo sa kalusugan. Ngunit may gamot ba ang essential oil para sa sakit ng ulo? Kung oo, anong uri ng essential oil ang mabisa para sa sa sakit ng ulo? Alamin sa artikulong ito ang essential oil para sa sakit ng ulo.
Rosemary
Kilala ang rosemary EO sa mga mahuhusay nitong benepisyo sa buhok. Subalit may ilang ulat ang nagmungkahing ito ay nagpapaginhawa sa sakit ng ulo.
Natuklasan sa isang pag-aaral na ang rosemary ay parehong may anti-inflammatory at peripheral antinociceptive na gawain na nakatutulong upang mawala ang pamamaga at maibsan ang pananakit.
Sa iba pang imbestigasyon, binanggit ng mga mananaliksik na ang rosemary ay isang epektibong gamot para sa mga pananakit ng katawan at ulo, at maging sa pangingisay.
Lavender
Hindi na bago para sa atin ang mga nakapagpapagaling na epekto ng lavender. Dahil sa mga sangkap nitong nakapagpapababa ng stress at nakarerelaks, maraming mga produkto ang gumagamit nito tulad ng mga lotion at tsaa. Kaya kung ikaw nakararanas ng pananakit ng ulo dulot ng stress, maaaring ang lavender ang angkop na essential oil para sa iyo.
Narito ang magandang balita: maganda ring option ang lavender kung nakararanas ng pag-atake ng migraine.
Sa isang pag-aaral, naitala ng mga mananaliksik ang kabuoang 129 na migraine sa mga kalahok nito. Ang 92 sa mga kalahok ay gumaan ang pakiramdam nang langhapin ang lavender EO. Ito ang dahilan upang sabihin ng mga mananaliksik na ang lavender ay maaaring epektibo at ligtas na gamot para sa migraine.
Eucalyptus
Kilala na ang eucalyptus bago pa man maging sikat ang EOs bilang home remedy. Maraming vapor rubs, pain patches, at oil ang naglalaman ng eucalyptus dahil sa nakarerelaks nitong epekto. Nilalanghap din ng mga tao ang eucalyptus essential oil kung sila ay nakararanas ng baradong ilong dahil nakakatulong itong alisin ang bara.
Maaaring mainam na gamitin ang eucalyptus essential oil sa pananakit ng ulo na dulot ng baradong ilong.
Maliban sa pananakit ng ulo na dulot ng baradong ilong, ang eucalyptus ay maaari ding makatulong upang maibsan ang iba pang uri ng sakit sa ulo. Ayon sa isang ulat, ang eucalyptus oil ay ginagamit upang kontrolin ang maraming system ng katawan, tulad ng nervous system, para sa mga problema tulad ng neuralgia at pananakit ng ulo.
Chamomile
Ang mga taong gustong magrelaks at mawala ang kanilang stress ay kadalasang umiinom ng chamomile na tsaa. Ito ay dahil tulad ng lavender, ito ay kilala sa mga nakarerelaks nitong sangkap. Epektibo rin ang chamomile para sa mga nais matulong nang mahimbing.
Dahil dito, kung ikaw ay nakakaranas ng pananakit ng ulo dulot ng stress, pagkabalisa, o kakulangan sa tulog, ang paggamit ng chamomile essential oil ay maaaring makatulong sa iyo.
Gayunpaman, tandaan na wala pang pag-aaral tungkol sa kung paano ang chamomile essential oil ay direktang nakaaapekto sa sakit ng ulo.