Bukod sa hindi dapat pagligo ng pagod, ang isa pa sa mga laging sinasabi ng mga matatanda ay huwag magbasa ng kamay pagkatapos mag-plantsa ng damit dahil baka magkaroon tayo ng pasma sa ugat. Ngunit ang tanong may katotohanan ba ang pasma sa ugat o isang kathang-isip lamang na sakit ito?
Bago sagutin ang katanungan na ito alamin muna natin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol dito.
Ano Ang Pasma Sa Ugat?
Sa Pilipinas itinuturing na labis na pamamawis ng kamay ang “pasma” at ang pasma sa ugat ay mayroong pagpapakatulad o hawig sa “hyperhidrosis” dahil sa kondisyon na pagkakaroon ng sobrang pagpapawis ng isa sa mga bahagi ng katawan ng tao. Makikita mo kadalasan ang labis na pagpapawis sa ating mga kilikili, singit, kamay at paa dahil aktibo ang mga sweat glands sa bahaging ito.
Dagdag pa rito, “focal hyperhidrosis” ang tawag kung sa isang parte lamang ng katawan ng isang indibidwal ang pinagpapawisan ng sobra at “generalized hyperhidrosis” ay ang tawag sa pamamawis ng tao sa kanyang buong katawan.
Anu-Ano Ang Dahilan Ng Pagkakaroon Nito?
Ang pasma sa ugat ng tao ay pwedeng madebelop habang siya’y lumalaki, at ang hyperhidrosis ay maaaring maipasa ng mga magulang sa kanilang anak.
Narito pa ang ilan sa mga sanhi na dapat mong malaman:
- Pagkakaroon ng tumor at iba pang uri ng kanser
- Problema sa nervous system
- Atake sa puso
- Menopause ng kababaihan
- Diabetes
- Mga problema sa thyroid
- Gout
- Pagkakaroon ng mababang dugo
- Impeksyon
- Pagkakalason sa mercury
Anu-Ano Ang Mga Sintomas Nito?
Sa pagkakaroon natin ng pasma sa ugat maaari na ang unang bagay na ating mapansin ay ang kakaiba at sobrang pagpapawis ng ilang bahagi ng ating katawan, gaya ng kamay.
Para mas magkaroon pa tayo ng kamalayan tungkol sa pasma sa ugat, atin nang alamin ang mga sintomas kaugnay sa kondisyong ito.
Narito ang mga sumusunod:
- Palagiang pagpapawis
- Pamamasa ng mga kamay at talampakan
- Pagiging basa o nagiging mamasa-masa ang damit dahil sa sobrang pawis
Mayroon Bang Epekto Ang Pasma Sa Ugat Sa Mental Health Ng Isang Tao?
Sa ilang mga kaso ang pagkakaroon ng pasma ay pwedeng maging sanhi ng pagkabalisa ng ilang tao, dahil mayroong mga indibidwal na ayaw magkaroon ng physical contact sa kanila lalo na kung pasmado ang kanilang mga kamay. Sa kadahilanang ito, pwedeng bumaba ang kanilang self esteem at maging self-conscious sila.
Mayroon Bang Mga Komplikasyon Dulot Ito?
Ang pagkakaroon ng hyperhidrosis ay pwedeng maging dahilan ng iba’t ibang komplikasyon, at narito ang mga sumusunod na dapat mong malaman:
- Pagkakaroon ng heat rashes
- Impeksyon sa balat
Kailan Ako Dapat Magpatingin Sa Doktor?
Kapag nakita mo na mas lalong lumalala ang iyong pagpapawis, ipinapayo na magpakonsulta na sa doktor para sa medikal na payo at diagnosis. Narito ang mga dapat mong bantayan na sintomas para sa pagpapatingin sa doktor:
- Mas grabeng pagpapawis kumpara sa dati
- Pagkakaroon ng pagpapawis kahit gabi na
- Nagkakaroon ka ng emotional distress tulad ng ayaw mo nang magpakita sa ibang tao
- Nakakapekto na ang iyong pagpapawis sa pang-araw-araw na aktibidad at pamumuhay
Treatment Sa Pasma
Narito ang mga paraan at gamot para maibsan ang nararamdamang sakit dahil sa pasma:
- Pain relievers
- Hilot o masahe
- Pagpapahinga sa bahagi ng katawan na pasmado
Key Takeaways
Ang pasma sa ugat ay pwedeng maging sanhi ng depresyon at pagmulan ng iba’t ibang komplikasyon gaya ng heat rashes, at impeksyon sa balat. Kaya naman hindi mo dapat kalimutan na magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ka ng mas malulubhang sintomas at komplikasyon na mayroong kaugnayan sa pasma sa ugat. Mahalaga na mabigyan ka ng medikal na payo para sa bagay na ito upang malaman mo ang angkop na paggamot.
Matuto pa tungkol sa Alternatibong Medisina dito.