Malaking pahirap sa mga tao ang arthritis o rayuma dahil pwede nitong maapektuhan ang pang-araw-araw na pagkilos ng isang indibidwal. At bilang tugon sa mga problemang-pagkilos na dala ng rayuma, marami ngayon ang naghahanap sa online ng mga halamang gamot para sa arthritis. Ngunit ang tanong paano nga ba makakatulong ang mga herbal medicine na ito at anu-ano ang mga halamang gamot para sa arthritis?
Bago natin sagutin ang mga katanungan na ito alamin muna natin ang mahahalagang impormasyon tungkol sa pagkakaroon ng rayuma.
Ano Ang Arthritis o Rayuma?
Madalas ang mga adult ang nagkakaroon ng arthritis bilang senyales ng kanilang pagtanda. Kasabay ng paglaki ng kanilang edad ang paghina ng kanilang mga kasukasuan at tuhod. Ito ang sanhi sa pagkakaroon nila ng limitasyon sa paggalaw at paglikha ng mga aktibidad sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Ang arthritis o rayuma ay ang pagkirot at pagsakit ng mga kasukasuhan na madalas maganap sa’ting mga tuhod na nagiging dahilan ng discomfort at mabagal na pagkilos ng isang tao.
Anong Uri Ng Rayuma Ang Madalas Sa Mga Matatanda?
Ayon sa mga doktor at eksperto maraming uri ng rayuma, at dalawa sa mga ito ang pinakamadalas na maranasan ng mga matatanda. Narito ang mga sumusunod:
- Osteoarthritis (OA)
- Rheumatoid arthritis (RA)
Pareho silang nasa category ng arthritis at kapwang nagdudulot ng masakit at makirot na pakiramdam sa tao. Gayunpaman, magkaiba sila ng dahilan kung bakit nadedebelop ang kondisyong ito sa bawat indibidwal.
Kapag sinabi nating osteoarthritis ito ay resulta ng pagnipis at pagkasira ng ating cartilage. Makikita ang cartilage natin sa dulo ng magkarugtong na buto upang maiwasan ang pagkikiskisan nito. Malaki ang papel nito para maging normal ang pagkilos ng isang tao dahil kapag madalas nagagamit at nagagalaw ang mga kasukasuan nagiging sanhi ito para mawasak at maging manipis ang cartilage ng joint.
Kaugnay ng mga nabanggit, madalas ang ating mga tuhod at kasukasuan ang nakakaranas ng osteoarthritis dahil sa palagiang paggamit nito sa ating araw-araw na paggawa at pagkilos.
Ang rheumatoid arthritis naman ay problema sa joints na sanhi ng pag-atake ng immune system ng katawan sa lining ng kasukasuan. Sa kasalukuyan hindi pa rin matukoy ang dahilan kung bakit nagaganap ito.
Binubuo ang kasukasuan o joints ng magkakahugpong buto at nagiging maayos ang paggalaw ng ating mga joints dahil sa suporta ng mga nakapalibot na ligaments, cartilages, synovial membrane, bursa, tendons at synovial fluid. Ayon sa mga doktor sa oras na masira o mawala sa normal na porma ang isa sa mga suportang ito, dito mo mararamdaman ang pananakit.
Anu-Ano Ang Mga Halamang Gamot Para Sa Arthritis?
Ngayon na alam na natin ang ilang mga mahahalagang bagay tungkol sa rayuma, narito na ang mga halamang gamot para sa arthritis na pwede mong gamitin:
Halamang Gamot Para Sa Arthritis: Aloe Vera
Isa ang aloe vera sa pinakakilalang alternative medicine. Ito’y available sa mga anyo ng pills, powede, gels at halaman. Nakilala ang aloe vera dahil sa healing properties na taglay nito na maaaring gamitin bilang treatment sa mga maliliit na skin abrasions, gaya ng sunburn.
Maaaring makatulong ang aloe vera sa joint pain ng isang tao dahil sa taglay na anti-inflammatory properties ng halamang ito. Pwede itong magamit sa pamamagitan ng topical application at oral medication. Subalit kinakailangan pa ng maraming pag-aaral para makumpirma ang mga benepisyo ng aloe vera.