Narinig mo na ba ang kasabihan ng mga matatanda na pwedeng magamit bilang gamot sa pasma ang hilot? Marahil hindi lamang ito ang mga bagay na narinig mo tungkol sa paniniwala nila sa pasma, dahil sa dami ng mga naging karanasan nila sa pagharap sa kondisyong ito. Ilan pa sa mga kilalang pananaw nila tungkol sa pasma ay ang hindi pagligo ng pagod, sapagkat pwede itong magresulta ng pamamanhid ng katawan. Habang ang ilan naman sa kanila ay nagsasabi na ang pasma ay mula sa “lamig ng katawan,” o nakukuha ito sa biglaang pagsala ng ating katawan sa mainit at malamig na temperatura. Ngunit ang tanong may katotohanan ba ang lahat ng mga paniniwalang ito?
Basahin at alamin sa artikulong ito ang mga mahahalagang detalye tungkol sa pasma.
Ano Ang Pasma?
Sa salitang Ingles katumbas ng “spasm” ang pasma at kasingkahuluguan ito ng pamimitig at pamamanhid. Ngunit, pagdating naman sa medikal na termino ang pasma ay pwedeng tapatan ng “musculoskeletal spasm,” kung saan sinasabi na pwede kang magkaroon nito kung makakaranas ka ng kapaguran ng kalamnan o muscles dahil sa di-tama o labis na paggamit ng kasukasuan at kalamnan.
Bakit Nagkakaroon Ng Pasma?
Ayon sa mga doktor ang sobra-sobrang pagkilos at pagtratrabaho ang pangunahing rason ng pasma. Dahil madalas ang panginginig ng skeletal muscles ay sanhi ng labis na pagod ng mga kalamnan at pagkakaroon ng electrolyte abnormalities. Nagiging pasmado din tayo kapag hindi sapat ang ating fluid at hindi tayo nakapag-stretching ng katawan bago gumawa ng mga mabibigat na pisikal na aktibidad. Ito rin ang nagiging sanhi para magkaroon tayo ng muscle fatigue.
Lumabas din sa ilang mga pag-aaral na ang pasma ay isang paraan ng ating katawan upang sabihin sa’tin na “pagod” na ito at dapat na munang ipahinga, at kapag naubusan tayo ng fluid sa ‘ting katawan at lakas sa kalamnan nagiging dahilan ito para magkaroon tayo ng forceful contraction.
Dagdag pa rito, pwedeng magdulot ng pasma at makasama sa ating kalusugan kung maghuhugas tayo ng kamay pagkatapos ng ating manual labor dahil maaari itong magresulta ng pamamanhid ng ating katawan.
Narito pa ang ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng pasma na dapat mong malaman:
- Pag-eehersisyo sa mainit na lugar
- Involuntary nerve discharges
- Stress
- Pagkakaroon ng masyadong mataas na intensidad ng pag-eehersisyo
- Restriction sa blood supply o pagkakaroon ng kakauting pagdaloy ng dugo
- Pag-upo sa loob ng mahabang panahon
- Hindi pag-upo ng maayos
Sintomas Ng Pasma
Ang ilan sa mga kilalang sintomas ng pasma ang hindi maipaliwanag na pakiramdam at kirot sa’yong kalamnan at kasukasuan na nagdudulot ng discomfort sa’yo. Maaari ka ring makaranas ng pamamanhid sa bahagi ng iyong katawan na mayroong pasma.
Kadalasan ang ang mga matatanda at atleta ang laging nagkakaroon ng pasma, dahil pagod o stress ang kanilang mga kalamnan at kasukasuan sa pang-araw-araw na aktibidad. Gayunpaman, masasabi pa rin na komon ang pasma sa lahat ng tao. At pwede itong maranasan ng kahit na sino sa atin.
Mga Gamot Sa Pasma
Lagi mong tatandaan na kapag ang pasma ay nakakaantala na sa’yong pang-araw-araw na pamumuhay at paggalaw magpakonsulta na agad sa doktor para sa medikal na atensyon at paggamot. Huwag kakalimutan na maaaring mag-iba ang paggamot sa bawat tao dahil sa pagkakaroon ng magkakaibang medikal na kondisyon at kalagayan.
Narito ang ilan sa mga treatment at gamot sa pasma na pwedeng irekomenda sa’yo ng doktor:
Pagpapahilot o Masahe
Ang pagpapahilot ng katawan ay nakakatulong upang marelaks ang mga kalamnan at kasukasukan at mapawi ang pagod at stress mo. Sa ganitong paraan pwedeng mawala ang pasma sa katawan dahil naipapahinga mo na ang iyong sarili. Nagiging daan din ito para makabawi ka ng lakas at mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon muli ng pasma.
Paggamit Ng Baking Soda
Maaaring makatulong sa’yo ang paggamit ng baking soda lalo na kung nagpapawis ang iyong kamay ng sobra dahil sa pasma. Maaring maglagay ka ng 2 tasang baking soda sa isang tubig na maligamgam at haluin ito hanggang sa matunaw. Pagkatapos nito, ibabad mo ang iyong mga kamay sa loob ng 10 minuto. Sa paraang ito, ikaw ay makakakuha ng mga benepisyo nito gaya ng pagkakamit ng relaxation.
Paggamit Ng Cold At Hot Compress
Ilapat mo ang cold compress sa makirot na bahagi ng katawan upang maginhawaan sa discomfort na dinala ng pasma sa’yo. Kung ikaw naman ay makakaranas ng pamamanhid pwede kang maglapat ng hot compress o heating pad para marelakas ang iyong kalamnan.
Pag-Inom o Paggamit Ng Pain Relievers
Kung sobra na ang naging pagdurusa sa sakit dahil sa pasma pumunta na agad sa doktor para mabigyan ka ng angkop na mga gamot na makakapawi sa’yong nararamdamang sakit.
Paano Maiiwasan Ang Pasma?
Maiiwasan mo ang pasma sa pamamagitan ng pagbibigay sa katawan ng sapat na pahinga at pag-inom ng tubig. Kailangan din na magkaroon ka ng disiplina sa pag-eehersisyo at pag-iingat sa paggawa ng mga mabibigat na gawain upang maiwasan ang muscle fatigue na dahilan ng pasma.
Key Takeaways
Ang pasma ay maaaring madebelop dahil sa labis na paggamit ng kasukasuan at kalamnan. Mahalaga na ipahinga ito para maiwasan ang pagkakaroon nito. Iwasan din na basain ang katawan o kamay lalo na kung kakatapos mo lang sa manual labor. Baka magbunga ito ng pamamanhid. Sa oras din na maging nakakasagabal ang iyong pasma sa pang-araw-araw na buhay kumonsulta agad sa doktor. Doktor lamang ang makapagbibigay ng payo, diagnosis, at gamot sa pasma.
Matuto pa tungkol sa Alternatibong Medisina dito.