Ang balat ay ang pinakamalaking organ ng katawan. Pinoprotektahan nito ang katawan mula sa mga nakakapinsalang microorganisms, pinipigilan ang sobrang water loss, at kinokontrol ang temperature ng katawan. Dahil ang balat ay palaging nakalantad sa mga elemento, maaari itong maging mahina sa ilang mga kondisyon. Ang mga allergy sa balat ay isang laganap na kondisyon na nangyayari kapag ang immune system ay nagre-react sa isang hindi nakakapinsalang sangkap na napupunta sa balat. Sa artikulong ito, inilalarawan ang mga uri ng allergy sa balat at kung paano maiwasan at gamutin ang mga ito.
Mga Tip sa Pangangalaga sa Balat: Pagsisimula sa Iyong Routine sa Pangangalaga sa Balat
Mga Uri ng Allergy sa Balat
Kadalasan, makikita mo ang allergy sa balat ayon sa mga pagbabago sa texture at hitsura nito. Gayunpaman, maaaring nakakalitong kilalanin ang iba’t ibang mga uri allergy sa balat. Narito ang mga pinakakaraniwang uri ng allergy sa balat at lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa mga ito.
Eczema
Ang eczema o atopic dermatitis, ay sanhi ng isang partikular na uri ng gene na nagiging dahilan ng pagiging sensitibo ng balat. Nangangahulugan ito na ang atopic dermatitis ay karaniwang nagsisimula sa pagkabata. Ang eczema ay maaari ding magkaroon ng mga episode kung saan ito ay umaatake, humuhupa, at pagkatapos ay aatake muli pagkatapos ng ilang oras.
Ito ay isa sa mga uri ng allergy sa balat ay nauugnay sa iba pang mga kondisyon tulad ng allergic rhinitis, allergy sa pagkain, at hika.
Mga Sintomas
Ang mga taong may eczema ay kadalasang nagdurusa mula sa makating pulang pantal. Ang pantal ay maaari ding maging tuyo at nangangaliskis. Kasama sa iba pang mga sintomas ang:
- Kumpol ng mga maumbok na bukol kung saan may umaagos ng malinaw na likido
- Mga pantal sa likod ng mga tuhod at mga siko, bukung-bukong at pulso, itaas na bahagi ng dibdib, leeg, at mukha.
- Pangangati na lumalala sa gabi.
Diagnosis
Ang diagnosis ng eczema ay kinabibilangan ng ilang mga test at pagsusuri, tulad ng:
Mga pattern sa medical history. Magtatanong ang doktor mo tungkol sa iba’t ibang uri ng pagkain na iyong kinakain at sa mga lugar na pinupuntahan. Makakatulong ito sa kanila na matukoy ang mga posibleng pag-trigger ng eczema.
Mga pagsusuri sa balat at dugo. Ang mga pagsusuri tulad ng mga buccal swab, skin biopsy, at blood test ay maaaring magbigay ng mga clue tungkol sa mga allergens na maaaring may epekto sa iyo.
Pantal (Urticaria)
Ang urticaria, a.k.a. pantal, ay isa sa mga uri ng allergy sa balat na nagmumula sa pagkakaroon ng pula o flesh-colored na wheals sa balat. May dalawang pangunahing uri ng urticaria. Ito ay acute or chronic na pantal. Ang urticaria ay acute kapag ang mga wheal ay lumilitaw at nawawala sa balat sa loob ng maikling panahon. Ang urticaria naman ay chronic kapag ang mga pantal ay nananatili sa balat nang higit sa anim na linggo.
Hindi sigurado ang mga doktor kung bakit ang ilang mga kaso ng urticaria ay maaaring tumagal ng ilang oras lamang, habang ang ilan ay tumatagal ng ilang buwan. Gayunpaman, ipinakita ng research na ang urticaria ay resulta ng sagot ng immune system sa isang partikular na allergen. Ang iba pang mga trigger ng pamamantal ay ang pagkamot, alak, init o sikat ng araw, stress, ehersisyo, at ilang mga pain medication.
Sintomas
Ang hives ay iba sa kagat ng insekto, bagama’t magkapareho sila sa hitsura. Makikita mo ang kaibahan ng isang simpleng kagat ng insekto sa hives kung nararanasan mo rin ang mga sumusunod na sintomas:
- Mga wheal na pula o kapareho ng kulay ng iyong balat saan mang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay maaaring nasa iba’t ibang bahagi ng balat, magbago ng hugis, o paulit-ulit na lumalabas.
- Mga wheal na makati.
Isang paraan upang masuri kung ang isang bukol o patch sa balat ay mula sa mga pantal ay alamin kung ang batik ng balat na iyon ay namumuti. Para gawin ito, pindutin ang gitna ng bukol o patch. Kung ito ay pumuti, malamang na ito ay urticaria.
Diagnosis
Maaaring makakita ang isang doktor ng isang kaso ng mga pantal batay sa hitsura lamang. Gayunpaman, maaaring maging nakakalito ang eksaktong dahilan ng mga flare-up. Maaaring suriin ng iyong doktor o allergist ang medical history mo. Kasama ang mga uri ng pagkain na karaniwan mong kinakain, at ang mga lugar sa iyong bahay at lugar ng trabaho. Makakatulong din ang mga skin swabs na matukoy ang mga sanhi ng mga flare-up.
Allergic Contact Dermatitis
Ang allergic contact dermatitis ay isang uri ng eczema na nangyayari kapag ang isang partikular na allergen ay direktang nadikit sa balat. Pinaka-karaniwang mga nauugnay sa allergic contact dermatitis ang mga allergy sa tanso at acrylate. Ang iba pang karaniwang allergens na maaaring magdulot ng allergic contact dermatitis ay ang balsam of Peru, mga halaman tulad ng mangga o poison ivy, at formaldehyde.
Sintomas
Hindi tulad ng atopic dermatitis, ang reaksyon mula sa contact dermatitis ay mas masakit kaysa makati. Ang iba pang mga sintomas ng allergic contact dermatitis ay:
- Pamamaga o burning sensation sa partikular na bahagi ng balat
- Mga pantal na kadalasang lumalabas sa bahagi ng katawan na napadikit sa isang partikular na allergen
- Mga paltos at bukol na kung minsan ay may lumalabas na malinaw na likido
- Makaliskis at tuyong balat
Diagnosis
Magagawa ng mga doktor na masuri ang allergic contact dermatitis sa pamamagitan ng physical examination at medical history. Maaari ding magtanong ang iyong doktor tungkol sa kung gaano katagal o kadalas kang exposed sa araw. Kasama ang kapaligiran sa iyong bahay o lugar ng trabaho, at ang mga produktong ginagamit mo sa iyong balat.
Ang open application test ay maaaring makatulong sa pag kumpirma ng diagnosis. Ito ay ang paglalagay ng isang partikular na produkto sa balat, at pag-alam kung ang partikular na produkto ay nagdudulot ng reaksyon.
Paggamot ng Allergy
Ang pag-unawa sa mga uri ng mga allergy sa balat at mga trigger ay mahalaga para sa treatment na kailangan mo. Minsan, ang pag-iwas sa isang tiyak na allergen ay maaaring makapag-alis ng tuluyan sa allergy sa balat.
Ang isa pang course of treatment ay ang paggamit ng mga cream o ointment para sa mga allergy. Para sa mga biglaang reaksyon, maaaring maging epektibo ang paggamit ng mga antihistamine. Ito ay mga gamot na maaaring magpahinto sa paglala ng allergic reaction.
Pag-iwas sa mga Allergic Reaction
Hindi madali ang pagpigil sa pagbabalik ng mga allergy sa balat. Subukan ang mga tip na ito sa pang-araw-araw na buhay mo:
- Laging mag-ingat sa iyong kinakain, inumin, inaamoy, o hinahawakan. Iwasan ang mga bagay na nagti-trigger ng mga allergy mo.
- Kung hindi ka sigurado kung anong mga partikular na allergen ang sensitibo ka, subukang gumawa ng listahan ng iyong mga aktibidad at pagkain sa bawat araw.
- Panatilihing malinis ang iyong balat sa lahat ng oras. Gumamit ng banayad at fragrance-free na mga sabon at moisturizer.
Ang mga allergy sa balat ay maaaring nakakainis, lalo na kung paulit-ulit itong nangyayari. Ang pag-alam kung ano ang mga uri ng allergy sa balat ay mahalaga sa pagpigil at paggamot sa mga allergic reaction. Kung nagpapatuloy ang pantal, kumunsulta sa iyong doktor.
[embed-health-tool-bmr]