backup og meta

Alamin: Mga Posibleng Adverse reaction sa Pag-inom ng Gamot

Alamin: Mga Posibleng Adverse reaction sa Pag-inom ng Gamot

Ang gamot ay ginawa upang makapagpagaling ng anumang sakit. Ngunit kung magkaroon tayo ng adverse reaction sa gamot, magdudulot ito ng mas matinding problema, lalo na kung dahil ito sa allergy. Anong mga allergy ang may reaction sa gamot? Ano ang mga posibleng gamutan para sa allergy?

Allergy sa Gamot vs. Adverse Reaction sa Gamot

Adverse Reaction sa Gamot

Kapag sinabi nating karaniwang adverse reaction sa gamot, ang pinag-uusapan natin ay ang masama at hindi inaasahang epekto ng gamot kahit ibinigay ito sa normal na kondisyon ng paggamit. Kapag nagkaroon ng reaction sa gamot ang isang tao, maaaring ipahinto ng doktor ang paggamit nito, o bawasan ang dose.

Allergy sa Gamot

Sa kabilang banda, ang allergy naman sa gamot ay nagdudulot ng adverse reaction sa gamot, ngunit nangyayari ito dahil nagkakaroon ng abnormal na reaksyon ang ating immune system sa gamutan o sa sangkap nito. Mahalagang tandaang maaari kang maging allergic sa anumang gamot depende sa bumubuo sa iyong immune system. Gayunpaman, may mga gamot na mas nagdudulot ng allergic reaction kumpara sa iba. 

Bakit Nagkakaroon ng Allergy sa Gamot?

Nagkakaroon ng allergy sa gamot dahil ikinokonsidera ng resistensya ang gamot o ang sangkap nito bilang “foreign” o “nakasasama”. Kapag nangyari ito, puwede nating tawaging allergen ang gamot – o isang substance na nagdudulot ng allergic reaction.

Dahil pakiramdam ng immune system ay inaatake ng allergen ang katawan, gagawa ito ng mga substance na tinatawag na “antibodies.” Ang papel ng antibodies na ito ay depensahan ang katawan mula sa inaakalang panganib sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga white blood cell na gumawa ng mga histamine. Itong mga histamine ang gagawa ng mga sintomas ng allergy. 

Mga Gamot na Karaniwang Nagiging Sanhi ng Allergic Reaction

Ngayong malinaw na kung ano ang pinagkaiba ng adverse reaction sa gamot at allergic reaction, isa-isahin naman natin ang mga gamot na karaniwang nagiging sanhi ng mga allergy. 

Antibiotics

Ang antibiotics ay mga gamot na ginagamit para sa mga bacterial infection. Puwedeng patayin ang bacteria o pigilan ang pagdami nito. Kadalasan, inirereseta ito ng doktor pagkatapos makumpirma ng laboratory test o pisikal na eksaminasyon ang pagkakaroon ng impeksyon.

Kung naranasan mo nang maospital at inireseta ng iyong doktor ang intravenous antibiotics, posibleng alam mo na kung paano ito ginagawa. Kailangan muna nilang alamin kung allergic ka ba sa antibiotic.

Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “intradermal skin testing” kung saan naglalagay sila ng kaunting dami ng gamot sa ilalim ng iyong balat. Matapos nito, maghihintay ka ng 20 hanggang 30 minuto upang malaman kung ang lugar kung saan ka tinurukan ay mamamaga o maiirita. Kapag nagkaroon ng reaction, maaaring allergic ka sa gamot na ito.

Mahalaga ang skin testing dahil hindi lamang nagdudulot ng karaniwang adverse reaction sa gamot ang antibiotics, ginigising din nito ang allergy. 

Penicillin

Ang gamot na sinasabi ng maraming allergic sila ay ang penicillin. Gayunpaman, dapat nating linawin na hindi lahat ng taong nagsabing allergic sila sa gamot na ito ay talagang nakaranas ng totoong allergic reaction.

Kung makaranas ka ng karaniwang adverse reaction sa gamot na penicillin, maaaring makaranas ka ng pananakit ng ulo, pagduduwal, pagtatae, at pangangati ng vagina.

Sulfa Drugs

Isa ring antibiotics ang sulfa drugs. Gayunpaman, may taglay itong substance na tinatawag na sulfonamides. Ang magandang pansinin tungkol sa sulfa drugs ay maaaring hindi talaga allergic ang isang tao sa grupo ng sulfonamides o sa sulfur sa pangkalahatan. Allergic lang siya sa sulfa antibiotic drugs.

Halimbawa, may mga gamutan para sa diabetes at arthritis na may sulfonamides at hindi kinakailangang iwasan ito ng mga tao dahil lang sa allergic sila sa sulfa antibiotics. 

Gayunman, nagdudulot pa rin ang sulfa drugs ng adverse reaction sa gamot tulad ng pagduduwal at pagsusuka, pananakit ng ulo, pagkahilo, pagtatae, at pagkahilo at pananamlay.

NSAIDs

Pangunahing ginagamit ang NSAIDs o non-steroidal anti-inflammatory drugs sa pagbawas ng sakit (pain) o lagnat.  Karaniwang halimbawa ng NSAIDs ang ibuprofen, mefenamic acid, aspirin, at naproxen. Kilalang-kilala ang mga ito para sa karaniwang adverse reaction sa gamot mula sa pananakit ng ulo, pagkahilo, pananakit ng tiyan, at ulcers.

Kung mapapansin mo, marami sa mga NSAIDs ay makukuha over-the-counter, kaya’t nakakabili nito ang mga tao kahit walang reseta ng doktor. Bagaman ligtas ito para sa marami, posible pa ring magkaroon ng allergic reaction sa NSAIDs.

Insulin

Ang insulin ay karaniwang gamot na ibinibigay sa pasyenteng may diabetes dahil nakatutulong itong makontrol ang kanilang blood sugar level. Gayunman, maaari itong maging sanhi ng allergic reaction, lalo na kung ito ay galing sa hayop. Kung allergic ka sa insulin, maaaring makaranas ka ng localized o systemic symptoms. Kapag sinabi nating localized, apektado lamang nito ang ilang bahagi ng katawan. Kung systemic naman, buong katawan ang apektado.

Muli, puwede kang magkaroon ng adverse reaction sa gamot kahit hindi sangkot ang iyong immune system. Sa mga pagkakataong iyon, hindi ka makararanas ng allergic reaction.

Mga Senyales at Sintomas ng Allergy sa Gamot

Kung may allergy ka sa ilang gamot, maaari kang makaranas ng mga sintomas sa loob ng isang oras matapos gamitin ang gamot. Minsan, makararanas ka ng mga sintomas matapos ang ilang oras, araw, o ilang linggo.

Ang pinakakaraniwang sintomas ng allergy sa gamot ay:

  • Pangangati at pamamasa ng mata
  • Hives
  • Pantal sa balat
  • Pangangati
  • Pagtulo ng sipon
  • Paghingal
  • Lagnat
  • Kinakapos sa hininga
  • Pamamaga
  • Anaphylaxis

Mga Senyales at Sintomas ng Anaphylaxis

Isang banta sa buhay ang allergic reaction na anaphylaxis. Kadalasan, nagkakaroon ng anaphylaxis sa loob ng ilang minuto matapos gumamit ng gamot. Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Pagsikip ng daluyan ng hangin kaya’t nahihirapang huminga
  • Pagkahilo
  • Pagduduwal o pananakit ng tiyan
  • Pagsusuka o pagtatae
  • Pagbagsak ng blood pressure
  • Seizure
  • Panghihina, mabilis na pulso

Mga Sintomas ng Allergy na Maaari Mong Maranasan sa Loob ng Ilang Araw o Linggo

  • Nephritis o pamamaga ng bato
  • Drug-induced anemia
  • Serum sickness na lilitaw bilang pananakit ng kasukasuan, pamamaga, lagnat, pagduduwal, at mga pantal
  • DRESS o drug rash na may kasamang eosinophilia at systemic symptoms. Lilitaw ito bilang mga pantal na may mataas na bilang ng white blood cell. Sinasabayan din ito ng pamamaga ng mga lymph node.

Anong Dapat Gawin Kapag Nakaranas ng Allergy sa Gamot

Kapag sa tingin mo ay may allergic reaction ka o nakararanas ka ng mga mild na sintomas, kumonsulta sa doktor agad-agad.

Kung magkaroon ka ng malubhang reaction, lalo na kung may kinalaman sa anaphylaxis, magtungo agad sa emergency room.

Gamutan sa Allergy sa Gamot

Ang layunin ng gamutan para sa allergy sa gamot ay bawasan ang mga sintomas, at kung maaari, maiwasan ang malalang reaction. Kabilang sa mga gamutan na ito ay:

  • Mga antihistamine para sa mild na sintomas tulad ng hives, mga pantal, at pangangati
  • Mga bronchodilator upang mapawi ang mga simtomas na mahahalintulad sa asthma tulad ng paghingal at pag-ubo
  • Corticosteroid na puwedeng ipahid sa balat, pinadadaan sa balat, o iniinom.
  • Epinephrine bilang gamot sa anaphylaxis.

Key Takeaways

Muli, magkaiba ang karaniwang adverse reaction sa gamot kumpara sa allergic reaction. Ang mga allergy ay dulot ng ating immune response. At dahil depende sa resistensiya ng tao ang mga allergic reaction, hindi natin alam kung paano tutugon ang tao sa drug allergen. Bagaman mayroon tayong mga gamutan at lunas sa drug allergy, pinakamainam pa ring umiwas sa mga drug allergen.

Matuto pa tungkol sa mga Allergy dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Common drugs that cause allergic reactions
https://www.mdlinx.com/article/common-drugs-that-cause-allergic-reactions/7uUVe5k5dR5iY3mmODkGMP
Accessed July 6, 2020

Drug Allergies
https://acaai.org/allergies/types/drug-allergies
Accessed July 6, 2020

Drug allergies
https://medlineplus.gov/ency/article/000819.htm
Accessed July 6, 2020

Allergen
https://medlineplus.gov/ency/article/002229.htm
Accessed July 6, 2020

Drug allergy
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/drug-allergy/symptoms-causes/syc-20371835
Accessed July 6, 2020

Adverse Drug Events, Adverse Drug Reactions and Medication Errors
https://www.pbm.va.gov/PBM/vacenterformedicationsafety/tools/AdverseDrugReaction.pdf
Accessed July 6, 2020

Adverse drug reactions
https://www.pharmacologyeducation.org/clinical-pharmacology/adverse-drug-reactions
Accessed July 6, 2020

MEDICATIONS AND DRUG ALLERGIC REACTIONS
https://www.aaaai.org/conditions-and-treatments/library/allergy-library/medications-and-drug-allergic-reactions#:~:text=Any%20drug%20has%20the%20potential%20to%20cause%20an%20allergic%20reaction.&text=Symptoms%20of%20adverse%20drug%20reactions,vomiting%2C%20diarrhea%2C%20and%20headaches.&text=Skin%20reactions%20(i.e.%20rashes%2C%20itching,form%20of%20allergic%20drug%20reaction.
Accessed July 6, 2020

Sulfonamide Antibiotic Allergy
https://www.allergy.org.au/patients/drug-allergy/sulfonamide-antibiotic-allergy#:~:text=Sulfonamide%20antibiotics%20can%20cause%20allergic,severe%20type%20of%20allergic%20reaction.
Accessed July 6, 2020

Kasalukuyang Version

08/31/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD

In-update ni: Jaiem Maranan

Narebyung medikal ni

Elfred Landas, MD

General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement