Isa sa pinaka nakakainis na bagay sa pagkakaroon ng mga allergy ay ang pagbahing. Maaaring sobrang nakaka-frustrate ang pagbahing, lalo na kung hindi mo ito mapigilan. Kung minsan maaari itong dahilan ng kahihiyan kapag nangyari ito ng hindi inaasahan. May mabilis na paraan ba kung paano pigilan ang pagbahing? Ano ang maaari mong gawin kapag napapa-bahing ka na?
Bakit ka bumabahing kapag ikaw ay may allergy?
Bago ang lahat, kailangan nating maunawaan kung bakit ang ilang mga tao ay bumabahing kapag inaatake sila ng allergy. Ang pinaka karaniwang dahilan ay ang kondisyon na tinatawag na allergic rhinitis. Ito ay isang kondisyon kung saan ang ilong ng isang tao ay namamaga dahil sa pagiging sensitibo sa isang allergen. Ang mga allergens na ito ay maaaring alikabok, pollen, amag, o kahit na mula sa balahibo ng ilang mga hayop.
Sintomas din ng allergic rhinitis ang runny nose at watery eyes, pangangati sa loob ng ilong pati na rin ang nguso.
Ang allergic rhinitis ay hindi isang seryosong kondisyon. At karamihan sa mga taong mayroon nito ay maaaring makayanan kahit walang gamot. Gayunpaman, maaaring nakakainis na kailangang harapin ang patuloy na pagbahing dulot ng allergic rhinitis. Kaya magandang ideya na malaman kung paano pigilan ang pagbahing.
Paano Pigilan ang Pagbahing: 5 tips na dapat tandaan
Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan kung gusto mong pigilan kaagad ang pagbahing:
-
Umiwas sa allergy triggers
Ang pinakaunang bagay na kailangan mong gawin ay lumayo sa mga allergy trigger. Kung ang isang maalikabok na lugar ay nagdulot sa iyo na magsimulang bumahing, dapat mong subukang lumipat sa isang lugar na may mas malinis na hangin o tugunan ang isyu sa pamamagitan ng mas madalas na paglilinis. Sa ilang mga kaso, maaaring mangahulugan ito na kakailanganin mong magsuot ng mask para maiwasan ang aksidenteng paglanghap ng anumang allergen.
-
Panatilihing malinis ang hangin
Ang isa pang bagay na maaari mong gawin ay panatilihing malinis ang hangin. Maaaring kabilang dito ang pag-on ng air conditioning o kahit isang fan lang. Makakatulong din ang mga air purifier na i-filter ang anumang allergens na maaaring nasa hangin. Para sa ilang mga tao, ang isang humidifier ay makakatulong sa kanila na pigilan ang pagbahing.
-
Uminom ng over-the-counter na gamot
Ang over-the-counter na gamot, tulad ng mga antihistamine, ay mahusay na gumagana laban sa allergic rhinitis. Ang mga ito ay hindi lamang nakakatulong upang kaagad na pigilan ang pagbahing, ngunit maaari rin nilang mapawi ang iba pang mga kaakibat na sintomas tulad ng runny nose at watery eyes.
-
Gumamit ng saline solution
Makakatulong ang saline solution na hugasan ang anumang allergens na maaaring nasa iyong sinuses. Ang mga nasal spray ay gumagana nang maayos para dito, ngunit maaari ding epektibo ang nasal irrigation. Gayunpaman, ang mga nasal spray ay maaaring maging mas convenient dahil madaling magdala ng spray na maaari mong gamitin anumang oras na ikaw ay may atake ng pagbahing o sneezing fit.
-
Hayaan mo na lang
Minsan, wala talagang paraan kung paano pigilan ang pagbahing. Kaya’t ang pinakamahusay na paraan upang gawin ito ay ang hayaang mangyari ito. Ang pagbahing ay maaaring magbigay ng kaginhawahan, at maalis o mailabas din ang mga nakabara na mga daanan ng ilong. Makakatulong din ang pagbahing sa paglabas at pagtanggal ng anumang allergens sa iyong ilong, na mabuti para sa mga allergy mo.
Kaya’t huwag palaging isipin na ang pagbahing ay hindi magandang bagay. Ito ang paraan ng iyong katawan sa pakikitungo sa foreign invaders, at paminsan-minsan ay magandang bumahing ng bigay todo.
Key Takeaways
Pagdating sa paksa kung paano pigilan kaagad ang pagbahing, may iba’t ibang paraan upang gawin ito. Bagama’t hindi banta sa buhay ang allergic rhinitis, nakakainis itong harapin lalo na kung palagi kang bumabahing dahil dito.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tip sa itaas, maaaring makatulong na maibsan ang anumang mga sintomas na nararanasan mo. Kung patuloy kang regular na nakakaranas ng pagbahing, o napansin mo ang anumang hindi pangkaraniwang sintomas, huwag mag-atubiling makipag-usap sa iyong doktor tungkol dito.