Ang vitamin C o kilala rin sa tawag na ascorbic acid ay vitamins na nalulusaw sa tubig. Nangangahulugan lamang na natutunaw ito sa tubig at napupunta sa mga tisyu ng ating katawan ngunit hindi naiimbak, kaya mahalagang nakakakuha nito araw-araw sa pamamagitan ng pagkain o mga supplement. Sa kabilang banda, gaano nga ba ito kahalaga at para saan ang vitamin na ito?
Vitamin C
Maraming naitutulong ang vitamin na ito sa ating katawan tulad ng pag-absorb ng iron at copper, pagpapanatiling malusog ng balat, buto at mga konektadong tisyu sa ating katawan. Ito ay kailangan din ng ating katawan para sa daluyan ng dugo, cartilage, kalamnan, at collagen sa mga buto. Mahalaga rin ito sa proseso ng paghihilom ng mga sugat sa ating katawan.
Mahalaga din ang vitamin C sa paglaban ng mga impeksyon na maaaring makaapekto sa ating kalusugan. Sa katunayan, isa itong antioxidant na tumutulong sa pagpoprotekta ng mga cell laban sa mga free radical. Ang paglaban na ito ng vitamin C ay makatutulong sa pag-antala o pag-iwas ng mga sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, at iba pang sakit.
Tumutulong din ang vitamin C sa pagkakaroon ng ilang hormone at chemical messengers na ginagamit ng ating utak at nerves.
Sa ilang sabi-sabi naman, napipigilan daw ng vitamin C na magkaroon ng sipon ang isang tao ngunit ito ay hindi pa napapatunayan. Batay sa pag-aaral, maaari lamang nito mabawasan ang haba ng sintomas ng sipon hanggang isa o isa at kalahating araw para sa ilang tao.
Maaari din tayong mapoprotektahan ng vitamin C laban sa sumusunod:
Sakit sa Puso
Bagamat hati ang mga pag-aaral tungkol sa naitutulong ng vitamin na ito pagdating sa pag-iwas ng atake sa puso at/o stroke, sinasabi lamang na nakatutulong ito sa pagprotekta ng mga artery laban sa matinding pagkasira nito. Iminumungkahi na lamang na magkaroon ng sapat na vitamin C upang makuha ang iba pa nitong benepisyo para sa ating katawan.
High Blood Pressure
Batay sa pag-aaral, mababa ang tyansa na magkaroon ng high blood ang mga taong kumakain ng mga pagkaing mayaman sa antioxidant kasama na ang vitamin C kumpara sa mga hindi. Sa katunayan, madalas na inirerekomenda ng mga diet physician sa paggamot at pag-iwas sa matas na presyon ng dugo ay kinabibilangan ng prutas at gulay na mayaman sa antioxidant.
Kanser
Hindi pa sapat ang mga pag-aaral tungkol sa eksaktong maitutulong ng vitamin C pagdating sa kanser. Ganoon pa man, kasama ang bitamina sa mga antioxidant na iniuugnay sa mas mababang rate ng kanser kabilang ang kanser sa balat, cervical dysplasia, at posibleng kanser sa puso.
Nangangailangan pa ng sapat na mga pag-aaral upang lubos na mapatunayan ang benepisyong hatid nito pagdating sa usapin ng kanser.
Osteoarthritis
Mahalaga ang vitamin C upang makagawa ng collagen sa ating katawan na bahagi ng normal na cartilage. Nasisira ang cartilage dahil sa osteoarthritis, na naglalagay ng presyon sa mga buto at kasukasuan. Tinutulungan nitong labanan ang mga free radicals upang iwasan ang pagkasira sa ating katawan.
Iba pa
Hindi pa man ganoon kasapat ang mga pag-aaral, maaari din na makatulong ito sa sumusunod:
- Pagpapalakas ng pangangatawan
- Pagpapanatili ng malusog na gilagid
- Pagpapabuti ng paningin para sa mga may uveitis
- Paggamot sa mga kondisyong kaugnay ng allergy, tulad ng hika, eksema
- Pagbabawas ng epekto ng pagka-expose sa sikat ng araw
- Pagpapagaling ng mga paso at sugat
- Pagpapababa ng blood sugar
Saan Maaaring Makakakuha ng Vitamin C?
Ang vitamin C ay maaaring makuha sa mga kinakain natin tulad ng prutas at gulay. Kasama sa mga prutas ay ang mga citrus tulad ng dalandan, suha at lemon, kiwi, bayabas, kamatis, patatas at strawberry. Kabilang naman sa mga gulay ang broccoli, cauliflower, at repolyo.
[embed-health-tool-bmi]