Ang mga bantang pangkalusugan na dulot ng pagiging underweight ay isang paksang hindi madalas na mapag-usapan. Sa maraming pagkakataon, kapag napag-uusapan ang mga problema sa timbang, iniisip ng mga tao ang sobrang katabaan o pagiging obese. Gayunpaman, ang pagiging underweight ay hindi rin malusog, at maaaring magdulot ng banta sa mga seryosong problemang pangkalusugan.
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Underweight?
Bago natin alamin ang mga bantang pangkalusugan ng pagiging underweight, alamin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging underweight.
Sa aspektong medikal, ang pagiging underweight ay nangangahulugang ang iyong BMI, o ang Body Mass Index ay mas mababa sa 18.5. Malalaman mo ang iyong BMI sa pamamagitan ng pagdi-divide ng iyong timbang na nasa kilograms sa square ng iyong taas na nasa meters. Ang resultang numero ay ang iyong BMI.
Ang isang ideyal na BMI ay nasa pagitan ng 18.5 at 24.9. Kapag sumobra sa nabanggit na numero, ibig sabihin, overweight o obese ang isang tao habang kung mas mababa naman, ibig sabihin ay underweight siya.
Ang BMI ay ang ginagamit na pagtatakda ng mga doktor kung ang timbang ng isang taong ay tama lang o hindi. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang indikasyong ito sa BMI ay hindi palaging angkop sa lahat ng kalagayan ng mga tao. Ito ay dahil iba-iba ang katawan ng bawat isa, at hindi saklaw ng BMI ang mga pagkakaibang iyon. Gayunpaman, makapagbibigay ito ng pinakamabilis na paraan upang masuri ang timbang ng isang tao.
Ano-ano ang mga Dahilan ng Pagiging Underweight ng Isang Tao?
Ang pagiging underweight ay maaaring maging bunga ng iba’t ibang mga dahilan. Ang ibang mga tao ay natural na maliit o payat, at ang pagiging underweight ay ang palagiang anyo ng kanilang katawan. Habang ang ibang tao naman ay mayroong masyadong aktibong metabolismo, kahit na kumain sila ng maraming pagkain, nahihirapan pa rin silang tumaba.
Sa ganitong mga kaso, ang pagiging underweight ay hindi naman talaga masama sa kalusugan.
Gayunpaman, mayroon pa ring mga problemang pangkalusugan na nagiging dahilan para maging underweight ang isang tao. Ang mga kondisyong ito ay ang sumusunod:
- Problema sa Sikmura
- Kanser
- Diabetes
- Problema sa Thyroid
- Crohn’s Disease
- Anemia
Ilang mga tiyak na problema sa mental na kalusugan ang maaari ding maging dahilan ng pagiging underweight ng isa. Partikular na ang ilan sa mga ganitong kondisyon ay maaaring magdulot ng eating disorders na makaaapekto sa kanilang timbang.
Isang karaniwang halimbawa ay ang anorexia nervosa, o ang kondisyon na nagiging dahilan para kumain nang napakakaunti ng isang tao, o pag-iwas sa pagkain para lamang pumayat. Sa mas seryosong mga kaso, ang mga taong may anorexia ay mukha nang payat ngunit sa kanyang pananaw at pakiramdam, overweight pa rin siya.
Narito ang ilan sa iba pang problema sa mental na kalusugan na maaaring magdulot ng pagpayat:
- Pagkabahala (Anxiety)
- Depresyon
- Mababang Kumpyansa sa Sarili
- Sobrang stress
Ano-ano ang mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight?
Ang pagiging underweight ay hindi lamang isang pisikal na problema. Maaari din itong magdulot ng mga seryosong problemang pangkalusugan, lalo na kung hindi ito magagamot.
Narito ang ilan sa mga posibleng bantang pangkalusugan ng pagiging underweight.
Mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight: Kakulangan sa Sustansya
Sa mga bantang pangkalusugan ng pagiging underweight, ang pinakakaraniwan ay ang kakulangan sa sustansya.
Nakadepende tayo sa ating pagkain para sa nutrisyon, at para sapatan ang kailangang enerhiya ng ating katawan. Kung ang isang problemang pangkalusugan ay nagiging dahilan upang hindi gaanong makakain ang isang tao, o kung napipigilan nitong matunaw ang kinakain ng isang tao, maaaring makaranas ang mga ito ng kakulangan sa sustansya o nutrisyon.
Ang kakulangan sa sustansya o nutrisyon ay maaaring makaapekto sa mga tao sa iba’t ibang paraan, depende sa kung anong sustansya ang kulang sa kanila.
Halimbawa, ang kakulangan sa calcium ay maaaring magparupok at magpahina ng buto ng isang tao na nagiging sanhi ng mabilis na pagkabali nito.
Mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight: Mas Mahinang Immune System
Isa pang posibleng bantang pangkalusugan ng pagiging underweight ay ang pagkakaroon ng mas mahinang immune system. Ang ating immune system ay direktang nakikinabang sa mga bitamina at minerals na nakukuha natin sa ating mga kinakain.
Kung ang isang tao ay hindi kumakain nang sapat, ang kanyang immune system ang maaaring magdusa. Ito ay magiging sanhi para ang isa ay mas mabilis na magkaroon ng mga seryosong sakit dahil ang kanilang katawan ay walang kakayahang labanan ang mga sakit at impeksyon.
Mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight: Problema sa Fertility
Ang problema sa fertility ay pwede ring makuha sa pagiging underweight. Ang reproductive health ng isang tao ay nakakabit sa kanyang kabuoang kalusugan kaya naman kapag nakararanas ang isa ng ilang tiyak na mga kakulangan, magiging mahirap para sa kanya ang magkaroon ng anak.
Ito ay nangangahulugang ang isang babae ay maaaring mahirapang mabuntis, at ang mga lalaki ay mahirapang magkaroon ng malusog na semilya.
Mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight: Mas Matagal na Paggaling ng Sugat
Isa sa mga bantang pangkalusugan ng pagiging underweight ay ang mas mabagal na paggaling ng sugat. Kung ang katawan ng isang tao ay kulang sa iron at protina, ang kanilang katawan ay maaaring matagalan sa pagpapagaling ng sugat.
Ito ay dahil ang mga sustansyang ito ay mahalaga para sa pagsasaayos ng mga nasirang tissue, kaya naman kung may kakulangan sa mga nabanggit na sustansya, ang paggaling ng sugat ay maaapektuhan.
Maaari din nito gawing madalas ang pagkakaroon ng mga pasa ng isang tao.
Mga Bantang Pangkalusugan ng Pagiging Underweight: Mataas na Posibilidad ng Atake sa Puso
Isa sa mga seryosong bantang pangkalusugan ng pagiging underweight ay ang pagtaas ng posibilidad na ang isa ay atakihin sa puso. Kadalasan na iniuugnay ang atake sa puso sa pagiging overweight o obese. Gayunpaman, ang mga taong underweight ay delikado ring atakihin sa puso.
Ito ay dahil sa katotohanang ang mga underweight ay kulang sa hemoglobin. Ang hemoglobin ay mahalaga para sa mga gawain ng puso, at ang kakulangan sa hemoglobin ay maaaring magdulot ng heart failure at iba pang problemang cardiovascular.
Paano Maiiwasan ng mga Taong Maging Underweight?
Narito ang ilan sa mga paraan para maiwasan ang pagiging underweight:
Sikaping kumain nang mas maraming masusustansyang pagkain. Makatutulong ito para ikaw ay tumaba, and magbibigay sa iyo ng mga kinakailangang sustansya ng iyong katawan. Sikaping dalasan ang pagkain ng lean meats at mga protina, pati na rin ng mga prutas at gulay.
Ang pagkain ng mga dairy products ay makatutulong din sa iyong pagpapataba.
At ang page-ehersisyo ay makatutulong din para sa iyong pagpapataba. Bagaman ang page-ehersisyo ay kadalasang inuugnay sa pagpapayat, matutulungan ka rin nitong tumaba. Ang page-ehersisyo ay makatutulong para sa pagpapalaki ng iyong mga kalamnan na nagpapalakas sa iyo at makatutulong sa pagpapataba.
Kung bigla kang naging underweight, sikapin mo munang kumunsulta sa iyong doktor. Maaaring isa itong sintomas ng isa pang kondisyon, at ang paggamot dito ay dapat na maging pokus mo.
Tandaan
Bagaman mas may tuon ang karamihan sa pagpapapayat upang makamit ang ideyal na BMI, may ibang nakikitang mas mainam ang pagdaragdag ng timbang para matiyak na sila ay malusog.
Ang susi para sa pagkakaroon ng tamang BMI ay sa pamamagitan ng pagkain nang sapat at tama, at ang page-ehersisyo nang palagian. Sa pamamagitan ng ilang mga pagbabago sa paraan ng pagkain at pamumuhay, mainam na kumunsulta sa iyong doktor.
Matuto ng higit pa tungkol sa masustansyang pagkain dito.
Isinalin mula sa orihinal na Ingles na sinulat ni Jan Alwyn Batara.
[embed-health-tool-bmi]