Mahilig ka bang maglagay ng sodium sa pagkain?
Karamihan sa sodium na kinokonsumo mo ay nasa anyo ng asin, at ang karamihan nito ay nasa mga processed foods at mga nabibili sa restawran. Ang iyong katawan ay nangangailangan ng kaunting sodium para gumana ng maayos, ngunit ang sobrang sodium ay masama para sa iyong kalusugan.
Sinuri ng mga mananaliksik ang 26,500 produkto sa mga pangunahing supermarket chain sa iba’t-ibang bansa. Nakatutok ang pananaliksik sa mga label ng nutrisyon ng mga produktong ito, lalo na sa nilalaman na asin. Napag-alaman na ang kabuuang antas ng asin ay pinakamataas sa China na may 1,050 mg sa bawat 100 grams. Ang ibang mga bansa gaya ng Australia, UK, South Africa at United States ay mayroon lamang 432 mg sa bawat 100 grams,
Kilalanin ang sodium sa pagkain
Ang sodium ay isang mahalagang nutrient. Kailangan ng katawan ng konting sodium upang:
- Mapanatili ang balanse ng mga likido sa katawan
- Manatiling maayos ang pagtakbo ng mga kalamnan at nerves.
- Magsagawa ng mga nerve impulses
- Mag contract at mag relax ng mga kalamnan
Ang mga Amerikano ay karaniwang kumakain ng humigit-kumulang 3,400 mg ng sodium bawat araw. Ito ay di hamak na mas marami sa inirerekomenda ng Dietary Guidelines for Americans na 2,300 mg o humigit kumulang isang kutsarita ng asin bawat araw.
Pagkonsumo ng sodium sa pagkain ng mga Pilipino
Mataas ang pagkonsumo ng sodium sa Pilipinas. Tinatayang umaabot sa 4.10 grams bawat araw ang ginagamit na sodium ng mga Pilipino. Ito ay higit sa dalawang beses ng inererekomenda ng World Health Organization na 2.3 grams o halos isang kutsarita lamang bawat araw. Para sa Institute of Medicine, mas mabuting di sumobra sa 1.5 grams ang ginagamit na asin sa bawat araw.
May kaugnayan ba ang mataas na pagkonsumo ng sodium sa hypertension rate? Nilinaw ng mga pag-aaral na ang mataas na pagkonsumo ng sodium ay may nauugnay sa mataas na blood pressure.
Ayon sa Philippine Heart Association, 38.6% ng mga kaso ng mga pasyenteng naospital dahil sa cardiovascular disease ay dahil sa hypertension. Sinundan ito ng 30% na stroke, 17.5% na coronary artery disease, at 10.4% na heart failure.
Sakit galing sa sodium
Ang pangunahing pinagmumulan ng sodium sa pagkain ay asin na may komposisyong 40% sodium at 60% chloride. Dahil malawakang ginagamit ang asin sa pagproseso at pag manufacture ng mga pagkain, tinatayang 75% ng kabuuang nakonsumo na sodium ay galing dito.
Bagama’t mahalaga ang sodium para sa pinakamainam na kalusugan, ang sobrang pagkonsumo ay nauugnay sa mga problema sa kalusugan kabilang ang:
- Hypertension
- Cardiovascular disease
- Kidney stone
Paano maiiwasan ang asin
Ang pamahalaan ay naglunsad ng mga estratehiya upang maimpluwensyahan ang mamimili na bawasan ang paggamit ng asin. May mga kampanya upang maitaas ang kamalayan ng mga Pilipino sa panganib na dulot ng sobrang asin sa pagkain. Halos lahat ng processed food ay mayroon na ring label bilang babala kung ilan ang taglay itong asin. Gayunpaman, nananatiling mataas ang prevalence ng hypertension sa mga Pilipino.
[embed-health-tool-bmi]