Pagkain para sa may lagnat ang dapat mong piliin kung nais mong makaramdam ng konting ginhawa kung ikaw ay may flu. Bagaman ang ginhawang nais mo ay maaaring magmula sa pagkain, may pagkain rin na maaaring magpalala ng sintomas ng trangkaso. Karaniwan ang pagkawala ng ganang kumain kung may trangkaso ka dahil sa mga sintomas nito tulad ng pagsusuka at diarrhea.
Wala ka mang gana, mas mabuting pumili ng masustansyang pagkain kung may lagnat ka. Iwasan ang mga naturingang “comfort food” dahil hindi naman ito magpapagaan ng pakiramdam mo. Bagkus, maaaring hindi mo na ito masikmura kapag kinain mo ito habang nahihilo ka at may mga sintomas ng sakit.
Ang pagkonsumo ng masustansyang pagkain habang ikaw ay may sakit ay:
- Makapagbibigay sa iyo ng enerhiya
- Makagagaan sa iyong pakiramdam
- Makakatulong upang mas mabilis kang makabawi
- Mapapanatili kang hydrated habang ikaw ay nagpapagaling
Pagkain para sa may lagnat: Paano nakakatulong?
Sabaw
Ang sabaw ng gulay o sopas ng manok ay isang mahusay na pinagmumulan ng mga likido at electrolytes. Ito ay makakatulong upang mapanatili kang hydrated. Kadalasan ay walang ganang kumain ng solid ang taong may lagnat. Sa ganitong mga pagkakataon, ang isang mainit na sopas ay isang malusog at mahusay na pagkain.
Ang sopas ng manok ay naging paboritong pagkain para sa lagnat ng iba’t-ibang henerasyon. Maliban sa madaling kainin, ito ay pinagmumulan rin ng mga bitamina, mineral, calories, protina, at mga sustansya na maaaring kailanganin mo habang ikaw ay nagpapagaling.
Kailangan mo ang dagdag na likido at electrolytes na dala nito dahil sa pagtatae, pagsusuka, pagpapawis, o lagnat. Ang init ng sopas ay maaaring makatulong na mabawasan ang congestion. Ito ay naglalaman din ng amino acid cysteine ay may mga epektong antiviral, anti-inflammatory at antioxidant.
Prutas
Ang mga citrus fruits, tulad ng dalandan, lemon, at grapefruits, ay naglalaman ng mataas na antas ng flavonoids at Vitamin C. Ang mga ito ay nagpapababa ng pamamaga at nagpapalakas ng immunity, kung kaya mabuting pagkain para sa may lagnat.
Iminungkahi ng ilang pag-aaral na ang flavonoid na tinatawag na quercetin ay maaaring makatulong sa paggamot ng rhinovirus infection na sanhi ng karaniwang sipon. Mayaman sa flavonoids na ito ang mga berries kung kaya makakatulong ito
Juice
Ang malamig na fruit juice ay pagkain para sa may lagnat dahil nakakatulong ito na maibsan ang sore throat. Isa sa masarap at masustansyang inumin para sa may trangkaso ay ang tubig ng niyog. Ito ay mayaman sa electrolytes, na kailangang mapunan kasama ng mga likido kapag ikaw ay nagsusuka, nagpapawis, nagtatae, o nilalagnat.
Naglalaman din ito ng natural na asukal mula sa prutas mismo, na maaaring mapagkukunan ng enerhiya para sa iyong katawan Gayunpaman, natuklasan ng isang pag-aaral na nagdudulot ito ng bloating kaysa sa iba pang mga inuming electrolyte. Magandang ideya na uminom ng dahan-dahan kung hindi mo pa ito nasubukan.
Ang orange juice ay isa pang inumin na maaaring makatulong sa pananakit ng ulo at pag-atake ng migraine, dahil sa mataas na nilalaman ng magnesium nito. Ang kalahating tasa ng orange juice ay naglalaman ng humigit-kumulang 11mg ng magnesium.
Maanghang na pagkain
Ang mga maanghang na pagkain tulad ng chili peppers ay pagkain para sa may lagnat. Naglalaman ito ng capsaicin, na nagdudulot ng mainit at nasusunog na sensasyon kapag hinawakan. Sa sapat na mataas na konsentrasyon, ang capsaicin ay maaaring magkaroon ng desensitizing effect. Madalas itong ginagamit sa mga pain-relieving gel at patch.
Maraming tao ang nag-uulat na ang pagkonsumo ng mga maanghang na pagkain ay nagdudulot ng runny nose, pagkasira ng uhog at paglinis ng sinus passages. Isiniwalat ng mga pag-aaral na ang capsaicin ay nagpapanipis ng uhog kung kaya mas madali itong matanggal.
Gayunpaman, dapat mong iwasan ang mga maanghang na pagkain kung masakit ang iyong tiyan. Ang maanghang na pagkain ay maaaring magdulot ng bloating, pananakit, at pagduduwal sa ilang tao.
Pagkain para sa may sakit pampalakas ng immune system
Mas mabilis gumaan ang iyong pakiramdam kapag ikaw ay nagpahinga, nanatiling hydrated, at kumukunsumo ng pagkain para sa may lagnat. Sa kabutihang palad, maraming mga pagkain ang magbibigay sa iyong katawan ng higit pa sa tamang sustansya. Bagama’t walang pagkain na makakapagpagaling ng karamdaman, maaari itong makatulong sa pagpapalakas ng iyong immune system.
[embed-health-tool-bmi]