Ang kape ay isa sa mga pinakapopular na inumin sa buong mundo. Sa katunayan, milyon-milyong mga tao sa mundo ang nangangailangan ng kape tuwing umaga. Ngunit bukod sa kakayahan nitong gisingin tayo at ihanda para sa isang buong araw, alam mo bang mayroon din itong positibo at negatibong epekto sa ating kalusugan? Ano ang epekto ng kape sa katawan ng tao?
[embed-health-tool-bmi]
Ano-ano ang mga Positibo at Negatibong Epekto ng Kape sa Katawan?
Maraming mga tao ang umiinom ng kape araw-araw kaya naman mahalagang malaman kung ano-ano ang mga maaaring maging epekto ng kape sa katawan. Sa ganitong paraan, malalaman ng mga tao kung sobra ba ang iniinom nilang kape o ayos lamang para sa kanila ang uminom ng parehong dami ng nakasanayan nila sa araw-araw.
Magsimula tayo sa mga benepisyo ng pag-inom ng kape.
Epekto ng Kape sa Katawan: Mga Benepisyo ng Kape
Ang kape ay mayaman sa caffeine, bitaminang B2 o riboflavin, magnesium, at iba pang plant compounds. Ang mga ito ay may malaking tyansa ng pagkakaroon ng benepisyo sa kalusugan ng isang tao.
Nakapagpapababa ito ng Banta ng Sakit sa Puso
Una sa lahat, ang tamang dalas at dami ng pag-inom ng kape ay makatutulong para mapababa ang mga bantang pangkalusugan na dulot ng sakit sa puso. Isa ito sa mga positibong epekto ng kape sa katawan. Maaaring nakagugulat ito sa iba sapagkat maraming mga taong may sakit sa puso ang umiiwas sa pag-inom ng kape.
Gayunpaman, sa tamang dalas at dami ng pag-inom, makatutulong ang kape para maprotektahan ang isang tao mula sa sakit sa puso.
Napatunayan ng mga mananaliksik na ang regular na pag-inom ng kape ay may potensyal na makabawas sa posibilidad ng coronary heart disease lalo na sa mga kababaihan.
Ang parehong caffeinated at decaffeinated na kape ay nakapagbibigay ng ganitong benepisyo kaya naman possible na ito ay dulot ng ibang compound ng kape at hindi ng caffeine.
Gayunpaman, mahalagang isaalang-alang na ang benepisyong ito mula sa kape ay posible lamang kung ang pagkonsumo ay nasa moderasyon o tamang dami, na may kakaunting asukal, kung posible. Ang sobrang pag-inom ng kape naman ay maaaring magkaroon ng kabaligtarang epekto.
Nakatutulong din ang Kape na Mabawasan ang Banta ng Diabetes
Isa pang magandang epekto ng kape sa katawan ay ang pagbaba ng bantang dulot ng diabetes. Pinaniniwalaang ang caffeine ay may epekto sa kung paanong ginagamit ng ating katawan ang insulin. Kaya naman ang pag-inom ng kape ay maaaring makabawas sa banta ng pagkakaroon ng type 2 diabetes.
Gayunpaman, mahalagang isaalang-alang na posible lamang ito kung ang kape ay may kakaunti o walang asukal. Kung lalagyan mo ang iyong kape ng maraming asukal, kailangan mo pa ring magbawas ng iyong pagkonsumo ng asukal o gumamit ng sugar substitute.
Nakapagpapababa rin ito ng Banta ng Alzheimer’s at Parkinson’s Disease
Ang pag-inom ng kape ay nakita ring nakapagpapababa ng banta ng pagkakaroon ng Alzheimer’s at Parkinson’s Disease.
Nagagawa ito ng kape dahil ang caffeine ay sinasabing nakapagpapahinto ng mga receptors sa utak na nagiging dahilan ng cognitive decline. Ito ay nangangahulugan na ang pag-inom ng kape hanggang sa pagtanda ay makatutulong para maiwasan o makatulong na ma-delay ang pagkakaroon ng Alzheimer’s at Parkinson’s Disease.