backup og meta

Benepisyo ng Collagen sa Kalusugan, Alamin Dito!

Benepisyo ng Collagen sa Kalusugan, Alamin Dito!

Marami nang nasabi tungkol sa hiwaga ng collagen. May nagsasabi pang ito ay mapaghimalang gamot laban sa mga senyales ng pagtanda. Dumarami nang dumarami ang gumagamit ng collagen supplements sa anyo ng powder, pills, at inumin upang makasunod sa uso. Ngunit suportado ba ito ng agham? Ano ang mga benepisyo ng collagen at totoo nga ba ito?

Ano ang Collagen?

Ang collagen ay isang structural protein na nagsisilbing isa sa mga bumubuo sa balat, buto, at iba pang connective tissues. Ito ang pinakamaraming protina ng katawan. Ngunit nababawasan na ito habang tayo ay tumatanda.

Hindi na nakagugulat na may mga taong tinitingnan ang collagen supplements bilang paraan upang mabaliktad ang mga senyales ng pagtanda. Sa nagdaang mga taon, naging sikat ang collagen dahil sa pag-eendorso ng maraming celebrity sa produktong ito. Magtungo tayo ngayon sa mga benepisyo ng collagen drink at alamin kung ano ang masasabi ng mga pag-aaral dito.

Mga Benepisyo ng Collagen Drink: Kayang Magpaganda ng Balat

Isa sa mga sikat na benepisyo ng collagen drink ay ang kakayahan nitong baliktarin o pabagalin ang pagtanda ng balat. Sa ating pagtanda, maaaring magdulot ng pagkatuyo at pagbagsak ng balat ang pagbabago sa structure ng dermis. Ito ang nagiging wrinkles.

Inilabas sa isang pag-aaral na ang mga volunteer na gumamit ng collagen supplements araw-araw ay nagpakita ng magandang pagbabago sa balat, lalo na sa pagbawas sa wrinkles at facial lines.

Maaari ding makapagpaganda ng skin firmness ang pagkonsumo ng collagen supplements. Karamihan sa mga collagen supplements ay may peptides na nagpaparami ng collagen sa dermis. Dahil dito, pinasisigla ng mga peptides ang dermal tissue upang mas maraming collagen ang magawa at iba pang kapaki-pakinabang na protina na nakapagpapaganda ng balat.

Mga Benepisyo ng Collagen Drink: Maaaring Makabawas ng Pananakit ng Kasukasuan

60% ng cartilage ay collagen, ang rubbery tissue na bumabalot sa mga buto sa kasukasuan. Ito ang collagen na nagpapatibay sa cartilage. Kapag nabawasan ang produksyon ng collagen, maaari itong makaambag sa pagkawala ng cartilage. 

Madalas mangyari ang problemang ito sa mga taong may osteoarthritis o wear-and-tear arthritis kung saan ang cartilage ay nasisira sa paglipas ng panahon. Nagreresulta ito sa pagsakit ng kasukasuan at stiffness.

Hindi pa rin lubos na nauunawaan ng mga doktor ang eksaktong mekanismo ng pagkawala ng cartilage sa osteoarthritis. Ngunit kung naghahanap ka ng pain management options para sa arthritis, maaaring makatulong ang paghahanap ng collagen supplements. Batay sa paunang pananaliksik, ang collagen sa hydrolysate form ay nakababawas ng pananakit at nakatutulong sa paggana ng katawan para sa mga taong may osteoarthritis

Ngunit bago uminom ng mga supplement na ito, tiyaking kumonsulta muna sa doktor.

Mga Benepisyo ng Collagen Drink: Maaaring Makatulong sa Kalusugan ng Buto

Tulad din sa skin aging, maaari ding mapabagal o maiwasan ng pag-inom ng collagen supplements ang pagkabawas ng buto dulot ng pagtanda. Marami pang kulang sa mga pag-aaral patungkol dito, bagaman may pangakong nakikita sa mga pag-aaral na isinagawa sa mga hayop. 

Sa pag-aaral sa mga hayop, ang lumalaking mga daga na binigyan ng hydrolyzed collagen na kabilang sa running exercise ay nagpakita ng mga senyales ng improved bone mass. Sa mga modelong hayop, nakapagpaganda ng bone mineral density ang paggamit ng collagen, na sukatan ng density ng calcium at iba pang mineral sa mga buto.

Mga Benepisyo ng Collagen Drink: Maaaring Makapagpalakas ng Muscle Mass

Isang mahalagang component ng lahat ng klase ng connective tissue ang collagen. Gaya ng kung paano nito binubuo ang cartilage, ang collagen ay 1 – 10% ng muscle mass dry weight.

May ilang mga pag-aaral na nagsasabing ang paggamit ng collagen supplements ay nakatutulong sa muscle mass at strength. Bagaman marami pang mga pag-aaral ang kailangang gawin.

Gaano Kaligtas at Kaepektibo Ang Collagen Supplements?

Marami pang ibang benepisyo ang collagen drink tulad ng kung paano ito nakatutulong sa puso at gut issues. Ngunit marami pa ring hindi pa natutuklasang epekto ang collagen sa katawan ng tao. 

Bagaman may mga resulta ng pag-aaral na positibo, kulang pa rin ng malawakang pag-aaral na nagpapatibay sa bisa ng mga supplement na ito. Marami pang pananaliksik ang kailangan bago tayo magbigay ng tiyak na konklusyon hinggil sa tunay na halaga nito.

Dagdag pa, ilan sa mga pag-aaral na nabanggit ay pinopondohan ng mga industriya na magbebenepisyo sa magandang pagtingin sa collagen supplements. Senyales ito ng potensiyal na conflict of interest.

Bagaman may nakikitang magandang epekto sa tao, mas mainam pa ring mag-ingat. Kaya’t kung nais mong uminom ng collagen supplements, kumonsulta muna sa iyong doktor.

Matuto pa tungkol sa Nutrition Facts dito. 

[embed-health-tool-bmr]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

The Nutrition Source: Collagen. https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/collagen/ Accessed July 17, 2021

Daily consumption of the collagen supplement Pure Gold Collagen® reduces visible signs of aging. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4206255/ Accessed July 17, 2021

Collagen hydrolysate for the treatment of osteoarthritis and other joint disorders: a review of the literature. https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/17076983/ Accessed July 17, 2021

Hydrolyzed collagen intake increases bone mass of growing rats trained with running exercise. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3750261/ Accessed July 17, 2021 

1-10% of muscle mass: Structure and Function of the Skeletal Muscle Extracellular Matrix. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3177172/ Accessed July 17, 2021 

 

Kasalukuyang Version

06/10/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyu ng Eksperto Chris Icamen

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

8 Baking Ingredients Para Sa Mga Mayroong Allergy Sa Itlog , Alamin!

Ayos Lang Bang Kumain Ng Maaanghang Ang Mga Bata?


Narebyu ng Eksperto

Chris Icamen

Dietetics and Nutrition


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement