Isa ka rin ba sa madalas na nasasabihan ng iyong mga magulang na huwag iinom o kakain ng malalamig na pagkain kapag may tonsillitis? Nagtataka ka ba kung bakit pinaiiwas ka sa mga pagkaing ito? Ano nga ba ang mga pagkain para sa may tonsillitis?
Ano Ang Tonsillitis?
Malaki ang tulong ng tonsil sa pagsasala at pagpoprotekta laban sa mga bakterya o iba pang mikrobyo upang maiwasan ang impeksyon sa ating katawan. Hinaharang nito ang bakterya bago pa man kumalat sa ibang bahagi ng katawan ng isang tao. Gayunpaman, maaari itong mamaga sanhi ng bacterial o viral infection at tinatawag itong tonsillitis.
Karaniwang nagkakaroon ng tonsillitis ang mga bata ngunit hindi ibig sabihin nito na makaiiwas ang mga matatanda rito.
Sintomas Ng Tonsillitis
Ang pag-alam ng mga sintomas ng isang sakit ay makatutulong upang agad itong maagapan. Tulad na lamang ng sakit na tonsillitis, unang mararamdam ng taong may tonsillitis ang pananakit ng bahagi ng kaniyang lalamunan lalo na kapag siya ay lumulunok. Ilan pa sa mga sintomas nito ay ang sumusunod:
- Hirap o may problema sa paglunok
- Pananakit ng tainga
- Lagnat
- Sakit ng ulo
- Sore throat
- Mabahong hininga
- Makating lalamunan
Kadalasan, nawawala sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ang mga sintomas ng tonsillitis. Agad na tumungo naman sa iyong doktor kung ang sintomas ay matagal kaysa sa bilang ng araw na nabanggit. Makatutulong ito upang maagapan at mabigyan ng angkop na gamot.
Mga Pagkain Para Sa May Tonsillitis
Matapos malaman ang mga sintomas at sanhi ng tonsillitis, alamin naman natin ang mga pagkain para sa may tonsillitis. May katotohanan ba ang pagpapaiwas sa mga malalamig na pagkain kapag may tonsillitis?
Malalambot Na Pagkain
Isa ang hirap sa paglunok na maaaring maranasan ng isang taong may tonsillitis. Makatutulong ang pagpili ng mga malalambot na pagkain upang hindi mahirapan lalo na kapag may problema sa paglunok dahil sa tonsillitis. Ilan sa mga halimbawa nito ay itlog, oatmeal, lugaw, flavored gelatin, sopas at iba pang mga pagkain na hindi mahirap lunukin.
Maaari din na durugin ang ilang mga pagkain tulad ng patatas, o hindi kaya ay gumawa ng smoothie mula sa mga prutas tulad ng saging.
Malalamig Na Pagkain
Ang pagkain ng malalamig na pagkain tulad ng frozen fruit bars, ice pop o sorbetes ay makatutulong upang mabawasan ang sakit at pamamaga ng iyong tonsil sanhi ng tonsillitis.
Iba Pang Pagkain Para Sa Tonsilitis
- sabaw
- puding
- applesauce
- Yogurt
Huwag din kalilimutan na uminom ng maraming tubig o iba pang uri ng likido upang maiwasan ang dehydration at panunuyo ng lalamunan. Maaaring ang inumin ay malamig o maligamgam lamang tulad ng tsaa, likido na may halong honey o lemon.
Mga Dapat Iwasan Na Pagkain Para Sa May Tonsillitis
Iwasan muna ang pagkain na magdudulot lamang ng dagdag na pananakit ng iyong lalamunan. Huwag muna kumain ng matitigas na pagkain. Gayundin, iwasan ang maaanghang at maiinit na pagkain.
Paraan Para Maiwasan Ang Tonsillitis
Bagamat hindi natin maiiwasan na magkaroon ng tonsillitis, may ilang mga bagay na maaari mong gawin upang mabawasan ang tyansa na magkaroon nito.
- Regular na paghuhugas ng iyong mga kamay.
- Iwasang makigamit o magpagamit ng mga kutsara, baso o tinidor sa taong may sakit.
- Pag-iwas sa pakikipagsalo ng pagkain o inumin sa taong may sakit.
- Pagpapalit ng sipilyo.
- Umiwas sa mga taong bumabahing o umuubo na walang takip ang bibig.
Key Takeaways
- Ang tonsillitis ay sakit dulot ng impeksyon. Ito ay karaniwang nararanasan ng mga bata ngunit hindi pa rin maiiwasan ng matatanda.
- Maaaring kumain ng malalambot at malalamig na pagkain kapag may tonsillitis.
- Umiwas sa maanghang o mainit na pagkain kapag may tonsillitis.
Matuto pa tungkol sa Masustansiyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmi]