Alam ng marami na ang sobrang asin at asukal ay nakasasama sa kalusugan. At kahit mahirap iwasan dahil madalas gamitin ito bilang pampalasa ng pagkain bukod pa sa mura, marami pang ibang sangkap ang maaaring gamitin para sa diet sa walang asin.
Tips Upang Mahinto Ang Pagkatakam Sa Asukal at Asin
Lemon Juice
Maraming puwedeng paggamitan ng lemon juice. Pwede itong ihalo sa mga sabaw bilang dagdag pampalasa. Maaari ka ring magdagdag ng katas ng lemon juice sa marinated chicken at iba pang kagaya nito. Sa isda, hindi lamang nakapagbibigay ng dagdag na lasa ang lemon juice kundi nakatatanggal din ng lansa.
Hindi lamang nakadaragdag ng lasa at aroma sa pagkain ang lemon juice, nakapagbibigay rin ito ng vitamin C na nakapagpapalakas ng immune system. Dagdag pa, meron din itong flavonoids, isang antioxidant na tumutulong labanan ang mga cardiovascular diseases at kanser.
Kung ayaw mo ng lemon, maaari ka ring gumamit ng ibang citrus fruits gaya ng kalamansi.
Cayenne Pepper
Kilala sa tawag na siling labuyo. Isa itong sangkap na maaaring gamitin para sa diet na walang asin at asukal.
Maraming tao ang iniiwasang gumamit nito dahil sa matinding anghang. Ngunit maaari namang bawasan ang dami nito depende sa inyong panlasa.
Gaya ng Lemon Juice, puwedeng gamitin ang Cayenne Pepper sa maraming lutuin. Pwedeng gumamit ng sariwang sili o pinatuyo. Mayroon ding chili powder at flakes.
Marami ding benepisyo ang Cayenne Pepper. Ayon sa mga pag-aaral, nagtataglay ito ng mga bitamina at mineral, at nakatutulong upang mapabuti ang sirkulasyon ng dugo. Dagdag pa, may mga ulat na nagsasabing ang capsaicin sa Cayenne pepper ay nakapagpapalakas ng metabolismo na nakatutulong sa pagtunaw ng calories at nakapagpapayat.
Narito ang ilang paalala: Hangga’t maaari, gumamit ng sariwang labuyo, chili powder o flakes. Iwasan ang chili paste at sauce dahil maaaring may dagdag itong asin at asukal.
Ang mga Benepisyo sa Kalusugan ng Siling Labuyo
Luya
Mas magiging madali ang diet na walang asin o asukal gamit ang luya.
Kapag ginamit mo ito bilang kapalit ng asin at asukal, manamis-namis, maasim at may kaanghangang lasa ang kalalabasan. Mayroon din itong matinding aroma.
Maaari kang magdagdag ng luya sa maraming lutuing gulay, baboy, at iba pang karne. Puwede kang magdagdag ng hiniwang sariwang luya sa ginisa at curries. Puwede ring ipahid ang kinayod na sariwang luya sa karne bago ito i-bake o ihawin. Subukan ding magdagdag ng luya sa iyong salad dressing.
Bukod sa pampasarap, healthy rin ang luya bilang pampalasa. May mga pag-aaral na nagsasabing nakatutulong ito sa ating dugo. Nakatutulong din ang pagkain ng luya sa panunaw at pag-iwas sa ulcer.
Maaari ding makabawas ng sakit ng ulo at ngipin ang luya.