Ang peklat ay normal na bahagi ng proseso ng paghilom. Ngunit hindi ibig sabihin nito na palagi itong maganda. Ang mga scar tissue sa baga ay hindi gumagana tulad ng nagagawa ng malusog na tissue. Maaaring walang naidudulot na senyales at sintomas ang maliliit na peklat, ngunit ang malalaking peklat ay maaaring makaapekto sa kakayahan mong huminga. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang gamutin ito sa lalong madaling panahon. Ang magandang balita, maaaring makatulong ang vitamins para sa baga. Narito ang mga dapat mong malaman.
Ano ang nagdudulot ng Pilat sa Baga?
Tulad ng kahit na anong pinsala sa balat na puwedeng mag-iwan ng peklat, anumang pinsala sa baga ay maaari ding magresulta sa peklat o ang tinatawag ng mga doktor na pulmonary fibrosis. Ngunit ano nga ba ang eksaktong nagdudulot ng pinsala sa baga na pwedeng mauwi sa peklat? Narito ang mga posibleng dahilan:
- Mga viral infection tulad ng pneumonia
- Tuberculosis
- Paninigarilyo
- Mga environmental factor, tulad ng exposure sa silica at asbestos
- Radiotherapy sa dibdib na bahagi
- Chemotherapy
Ang pagtanda at interstitial lung disease (pamamaga ng mga air sac) ay maaari ding mauwi sa peklat. Dagdag pa, may mga pagkakataong hindi matukoy ng doktor ang eksaktong dahilan ng peklat sa baga. Tinatawag nila ang kondisyong ito na idiopathic pulmonary fibrosis, at karaniwan ito sa mga nasa edad 50 hanggang 70. Tinatayang naaapektuhan nito ang 13 hanggang 20 tao sa kada 100,000 tao sa buong mundo.
Kaya naman, ano ang vitamins para sa baga?
Vitamins para sa baga: Anong mga pagkain ang makatutulong?
Ngayong nadagdagan ang kaalaman natin sa mga posibleng sanhi ng pulmonary fibrosis, pag-usapan naman natin ang vitamins para sa baga. Anong mga pagkain ang makatutulong para sa peklat sa baga?
Vitamins para sa baga: Vitamin C
Una sa ating listahan ang vitamin C, na isang potent antioxidant. Tinutulungan ng bitaminang ito ang pulmonary fibrosis sa pamamagitan ng paglaban sa mga free radical na maaaring magpalala ng pinsala sa baga. Humihikayat din ito sa pagkakaroon ng collagen, na mahalagang bahagi ng pagpapagaling ng mga nasirang tissue.
May isang pag-aaral na nagsasabing ang mga taong nagkaroon ng diyetang mayaman sa vitamin C (pati ang mga naninigarilyo) ay may mas malaking lung volume.
Ang mga citrus na prutas ay napakagandang mapagkukunan ng vitamin C.
Vitamins para sa baga: Vitamin A
Marahil, ang pinakakilalang naitutulong ng vitamin A sa atin ay may kinalaman sa ating paningin. Gayunpaman, alam mo bang may direktang epekto ang bitaminang ito sa masalimuot na proseso ng differentiation at maturation ng pulmonary tissues?
Dagdag pa, naiuugnay ang kakulangan sa vitamin A sa mga sakit sa baga at matinding lung dysfunction.
Vitamins para sa baga: Vitamin D
Madalas nating napag-uusapan ang vitamin D sa calcium absorption, ngunit sinasabi ng mga pag-aaral na isa rin ito sa mga vitamins para sa baga.
May isang ulat na nagsabing nakaaapekto ang vitamin D sa progreso ng mga prosesong may kinalaman sa fibrosis tulad ng coagulation, inflammation, at activation ng pulmonary fibrosis, dahil mayroon itong “antifibrotic” properties.
Isa pang ulat ay nagsabing ang bitaminang ito ay maaaring makatulong upang “makaiwas sa pulmonary fibrosis.”
Mayaman sa vitamin D ang matatabang isda at ang pula ng itlog. Ang healthy exposure sa sinag ng araw ay nakapagbibigay rin ng vitamin D.
Mahahalagang paalala
Kung mayroon kang pulmonary fibrosis o iniisip mong baka mayroon ka nito, magpunta sa doktor. Huwag gamutin ang sarili gamit ang mga bitaminang ito.
Bagaman nakatutulong ang vitamins na ito para sa baga upang gumanda ang iyong pangkalahatang kalusugan at sa peklat, hindi nito magagamot ang iyong kondisyon at mga sintomas. Ang pulmonary fibrosis ay maaaring mangailangan ng oxygen therapy para sa nahihirapang huminga at gamutan upang bumagal ang progress ng pagkakaroon ng peklat.
Kaya naman, kung mayroon ka ng mga sumusunod na senyales at sintomas, makipagkita sa iyong doktor agad:
- Nahihirapang huminga
- Pagkahapo
- Tuyong ubo na hindi nawawala
Key Takeaways
Ang peklat sa baga o pulmonary fibrosis ay maaaring mauwi sa hirap sa paghinga. At bagaman sinasabi sa mga ulat na nakatutulong sa peklat ang vitamins para sa baga tulad ng C, A, at D, nangangailangan pa rin ang isang pasyente ng agarang medikal na gamutan. Kaya naman, kung mayroon ka ng mga senyales at sintomas ng lung fibrosis, kumonsulta sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Malusog na Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmr]














