Madalas mangyari ito. Ilang araw ka nang sumusunod sa iyong meal plan at binibilang ang iyong kinokonsumong calories. Tapos, bigla kang matatakam sa pagkain na maalat at matamis, at maiisip na itigil na agad ang pag-da-diet.
Gusto mong kumain ng matatamis. Gusto mo ng fast food. Bigo at naguguluhan kang magtatanong sa sarili, “Paano ko ba mahihinto ang pagkatakam sa mga pagkaing hindi maganda sa aking kalusugan?” Mahirap talagang labanan ang pagkatakam lalo na sa mga taong nag-da-diet. Narito ang ilang paliwanag kung bakit ka natatakam sa pagkain na maalat at matamis at paano ito maihihinto.
Bakit ba Tayo Natatakam sa Pagkain na Maalat at Matamis?
May ilang pisyolohikal na dahilan kung bakit tayo natatakam sa piling klase ng mga pagkain. Nakaiimpluwensya ang kalusugan at lifestyle sa haba at tindi ng paglalaway natin sa isang pagkain. Hindi lang ito basta makukuha sa pag-iisip kung papaano mahihinto ang pananabik sa matatamis.
Ang dehydration halimbawa ay sinasabing maiuugnay sa pagkasabik (cravings) natin sa pagkain na maalat at matamis. Maaaring ang pagkasabik mo sa pagkain ang paraan ng iyong katawan upang ipaalam sa iyo na kulang ka na rito o kailangan mo na nito.
Ang stress at ang takbo ng isip ay maaari ding isa sa dahilan. Ang pagkain (at sobrang pagkain) ay puwedeng maging coping mechanism. May mga taong sobra kung kumain dahil ito ang kanilang coping mechanism. Na-di-develop ang ganitong gawi dahil sa mga karanasan sa buhay.
Anuman ang dahilan, makatutulong kung matututunan mong ihinto ang pagkatakam pagkain na maalat at matamis kung nag-da-diet ka.
Ano ang mga Sanhi ng Pagkatakam sa mga Pagkain na Maalat at Matamis?
Narito ang ilang mahahalagang dapat isaalang-alang upang maihinto ang pagkatakam sa pagkain na maalat at matamis kung nais mo talagang maging malusog.
Maaaring Ginugutom Mo ang Sarili
Tiyaking hindi ka masyadong ginugutom ng diet mo. Tandaang ang healthy diet, tinuturuan ka nitong kumain nang tama, at hindi kinakailangang kulang.
May masamang epekto ang hindi pag-aalmusal o ang pagkain ng tanghalian nang wala sa tamang oras. Kapag ginutom mo ang sarili para magbawas ng timbang, maaari itong mauwi sa matinding pagkatakam sa maaalat at matatabang pagkain. Ang ganitong gawi ay magdadala sa iyo sa tinatawag na eating binge at pumipigil sa iyong progreso ng pag-da-diet.
Pagkahumaling sa Asukal at Asin
Kapag natakam tayo sa pagkain, kadalasang sa pagkain na maalat at matamis. Paano mapipigilan ang pagkatakam sa matatamis? Nakaka-addict ang asin at asukal. Nakakondisyon ang utak nating lasapin ang anumang nakapagdudulot sa atin ng lugod at ligaya.
Nagtataglay ng kemikal ang asukal na nakapagpapasigla sa atin. Nag-iiwan din ito ng pakiramdam na gusto pa nating kumain nang kumain nito. Tumataas ang tolerance natin sa asukal at asin sa paglipas ng panahon. Upang masiyahan tayo, kailangan nating taasan ang dami ng kinokonsumo nating asukal o asin na puwedeng mauwi sa sobrang pagkain o overeating, hanggang sa hanap-hanapin na ito nang paulit-ulit.
Ang ganitong ugnayan sa pagitan ng pagkain at sa ligayang naidudulot nito ay nangyayari din sa mga pagkaing gaya ng Japanese food, Italian cuisine at iba pa.
Pansinin ang Iyong mga Nararamdaman
Senyales na may kulang na sustansya sa katawan mo kapag nagkakaroon ka ng food cravings. Ang pangangailangan ng katawan mo sa asin at asukal ay maaaring dahil din sa fatigue. Kapag pagod ka, naghahanap ang katawan mo ng pagkukunan ng lakas na dahilan kung bakit ka natatakam. Puwede ring dehydrated ka o stress.
Mahalagang pansinin ang sinasabi ng iyong katawan at kung ano ang nagdudulot sa iyo ng pagkatakam sa pagkain. Kung magpapadala ka lang basta sa iyong mga kinatatakaman, maaari itong mauwi sa sobra-sobrang pagkain na puwedeng magresulta sa obesity.
Narito ang mga epekto ng sobrang pagkain ng maaalat at matatamis, at iba pang klase ng junk food.
Paano Mapipigilan ang Pagkatakam sa Matatamis?
Narito ang ilang tips upang maiwasan ang pagkatakam sa matatamis:
Alamin ang Pagkakaiba ng Gutom at Pagtatakam
Minsan, gusto lang ipaalam sa iyo ng katawan mo na kailangan nito ng pagkain. Kung ipagsasawalang bahala, maaaring mauwi ito sa binge-eat, o mas malala, ang sobra-sobrang pagkonsumo ng hindi masusustansyang pagkain na kinatatakaman.
Moderation ang Sagot
Maaaring ang pag-iwas mo sa paboritong pagkain ay mauwi sa overeating sa oras na kumain ka muli nito. Imbis na iwasan, kumain lamang nito sa mga espesyal na okasyon.
Kumain nang Paunti-unti
Kung hindi ka nakakain, maaaring makaramdam ka ng mas matinding gutom sa mga susunod na oras dahil sa pagbaba ng iyong blood sugar. Upang mapanatili ang iyong lakas, maaari kang kumain ng maliliit na piraso ng low-calorie food sa buong araw.
Masustansyang Pagkain ang Unahin
Madaling kontrolin ang katakaman sa pagkain kung busog. Palaging unahing kumain ng masusustansya. Ito ang inirerekomenda ng mga doktor na epektibong paraan upang mahinto ang pagkatakam sa matatamis at iba pang unhealthy food. Kapag nabusog ka na sa masustansyang pagkain, malaki ang posibilidad na hindi ka na masasabik sa mga junk food.
https://wp.hellodoctor.com.ph/masustansiyang-pagkain/nutrition-facts-fil/tatlong-pangkat-ng-pagkain/
Lumayo sa Tukso
Paano maiiwasan ang pagkatakam sa matatamis? Mas madali itong gawin kung walang matatamis na pagkain sa iyong paligid. Huwag kang mag-imbak sa bahay ng mga pagkaing hindi masustansya. Tanggalin ang mga tukso sa inyong kusina, cabinet, o paminggalan.
Ibaling sa Iba ang Iyong Pagkatakam
Kung makaramdam ka ng pagkatakam, ibaling ang iyong tuon sa paggawa ng mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo. Maglakad, magbisikleta, manood ng pelikula, o sumayaw. Ituon ang isip sa mga gawaing nakapagbibigay sa iyo ng ligaya. Hintayin mo lang. Hindi tulad ng gutom, kadalasang nawawala ang pagkatakam sa pagkain pagkatapos ng 20 minuto. Puwede ka ring mag-chewing gum o gumawa ng iba pang bagay. Ang pagnguya ng sugarless chewing gum – lalo na ang mint na klase nito, ay nakatutulong upang mabawasan ang pagkatakam sa maaalat at matatamis na pagkain.
Tubig
Minsan, dehydrated ka lang kaya ka natatakam. Kung natatakam ka sa junk food, subukan mong uminom ng 1 -2 basong tubig. Nakatutulong ito upang makaramdam ka ng kabusugan at maging hydrated. Kung nagugutom ka pa rin matapos gawin ito, kumain ka ng masustansyang pagkain.
Tulog at Ehersisyo
Nakatutulong ang sapat na tulog at ehersisyo upang mabawasan ang hormones na responsable sa ating gana sa pagkain. Ang kakulangan sa pagkain ay nakaaambag sa pagkatakam at sobrang pagkain. Ang pagkakaroon ng sapat na pahinga at ehersisyo ay nakapagpapagana ng happy hormones ng katawan na nakababawas sa emotional eating.
Humanap ng Healthy Options
Kung natatakam sa pagkain na maalat o matamis, piliing kumain ng mga alternatives na mas masustansya. Halimbawa, sa halip na kumain ng donut ay kumain ng berries o iba pang prutas. Maaari kang ma-satisfy nang hindi nag-aalala sa kung ano iyong kinakain. Piliin ang mas masusustansyang alternatives.
Key Takeaways
Maaari kang makakuha ng iba pang kaalaman tungkol sa Healthy Eating dito
Isinalin sa Filipino ni Daniel De Guzman
[embed-health-tool-bmi]