Ang apple cider vinegar ay mas masustansyang klase ng sukang matatagpuan sa inyong bahay. Bukod pa sa magandang sangkap ito sa pagluluto, maraming benepisyong naibibigay ang pag-inom ng apple cider vinegar. Kilala ang apple cider vinegar diet ng mga taong nagbabawas ng timbang.
Naniniwala ang ilang eksperto na wala pang sapat na patunay na ang pag-inom ng apple cider vinegar ay nakatutulong upang makabawas ng timbang. Gayunpaman, marami sa mga sumubok nito ang nagsasabing nakatulong ito nang malaki sa kanilang weight loss journey.
Ano ang apple cider vinegar?
Ang apple cider vinegar (ACV) ay gawa sa binurong apple juice gamit ang yeast. Ginagawang alcohol ng yeast ang asukal at ang alcohol naman ay ginagawang acetic acid ng bacteria nito. Ang acetic acid ang nagbibigay ng matinding lasa at amoy sa ACV.
May dalawang klase ng apple cider vinegar, ang organic-unfiltered ACV at ang filtered ACV. Ang organic-unfiltered ACV ay nagtataglay ng substance na tinatawag na “the mother” na binubuo ng mga hibla ng protina, enzymes, at good bacteria na nagbibigay sa ACV ng dark-cloudy appearance.
Ang filtered ACV naman ay sumailalim sa proseso ng pagsasala na nagtatanggal ng lahat ng bakas ng “the mother”. Kung walang “the mother”, mas nagiging malinaw ang kulay ng ACV at magkakaroon ng pale-orange o amber-like color.
Epekto ng Pag-Inom ng Apple Cider Vinegar sa Timbang
Maraming puwedeng paggamitan ang apple cider vinegar. Madalas itong ginagamit sa pagluluto, pag-be-bake, at paggawa ng salad dressings o dipping sauces. Nagagamit din bilang panlinis ang ACV. Nagagamit din ito sa mga skin at hair care products. Epektibo rin ito bilang inuming nakababawas ng timbang.
Sinasabing nakatutulong ang apple cider diet para sa mga taong nagnanais na mabawasan ang timbang. Para sa mga baguhan, hindi nangangahulugang ACV lang ang ikokonsumo nila sa isang araw.
Ang kailangan ay uminom ng isang basong tubig na may halong 1 – 2 kutsarang ACV. Inumin ito habang wala pang laman ang tyan. Kadalasan, ito ang unang ginagawa sa umaga paggising ng mga pamilyar na sa ganitong diet drink.
Sa nakalipas na mga taon, wala pa ring sapat na mga pag-aaral o pananaliksik na nagsasabing nakatutulong nga ang ACV sa pagbabawas ng timbang.
Sa kabila nito, kamakailan lang ay nailathala sa Journal of Functional Foods ang isang randomized clinical trial. Lumalabas sa resulta ng pag-aaral na ito na ang pag-inom ng apple cider vinegar ay posibleng nakaaambag sa pagbawas ng timbang ng isang tao. Ayon pa rito, nabawasan ng 8.8 lbs average na timbang ang mga kalahok (participants) na uminom ng 15ml ng ACV (na may restricted-calorie diet) araw-araw sa loob ng 12 linggo.
Sa kabilang banda, ang mga kalahok naman na hindi uminom ng ACV ay nabawasan lang ng 5 lbs sa kanilang timbang sa loob ng 12 linggo. Ibig sabihin, epektibo ang magkasamang apple cider vinegar diet at restricted-calorie diet sa pagbawas ng timbang.
Benepisyo ng Pag-Inom ng Apple Cider Vinegar
Ang pag-inom ng apple cider vinegar bilang diet ay para sa pagpapababa ng timbang dahil:
- Ang isang kutsarang ACV ay may 3 calories at 6 calories naman kung dalawang kutsara. Maaari mo itong ihalo sa isang basong tubig bilang low-calorie drink o ihalo sa salad.
- Nakatutulong ang acetic acid na taglay ng ACV sa pagpapababa ng timbang. Ang acetic acid ang pangunahing component ng ACV na dahilan ng mga benepisyong naidudulot nito sa tao.
- Ang ACV ay nakababawas din ng gana sa pagkain (appetite suppressant). Pinipigilan ng acetic acid na sumobra ka sa pagkain dahil nagdudulot ito ng kabusugan sa loob ng mahabang oras.
Narito ang iba pang benepisyo ng pag-inom ng apple cider vinegar:
- Napag-alaman ng mga mananaliksik na nakatutulong ang ACV sa pagpapababa ng cholesterol
- Maaaring epektibo itong paraan upang labanan ang obesity
- Nakatutulong na mapabuti ang lagay ng blood sugar at insulin sa katawan ng may type 2 diabetes
- Nakatutulong ding mapaganda ang takbo ng metabolismo ng isang tao at mabawasan ang water retention.
Ilang Pag-iingat sa ACV Diet
Bagaman maraming magagandang benepisyo ang pag-inom ng ACV sa tao, may masamang epekto rin ito sa kalusugan kung mali ang pagkonsumo.
Narito ang dapat tandaan kung nais na subukan ang ACV diet:
- Palaging ihalo ang ACV sa tubig o sa iba pang pagkain. Dahil extremely acidic ito, maaaring makasira ng ngipin ang pag-inom ng purong ACV. Maaari din itong makapagdulot ng pangangati ng lalamunan, at puwedeng makapagpalala ng heartburn kung kasalukuyan kang may acid reflux.
- May epekto ang ACV sa ilang gamutan na maaaring magresulta sa pagbaba ng potassium sa katawan o ng sugar level. Kung kasalukuyan kang may insulin-stimulating medications, heart medications, o diuretics, baka hindi akma sa iyo ang ACV diet.
- Bagaman may mangilan-ngilang pag-aaral na sumusuporta sa paniniwalang nakatutulong ang pag-inom ng apple cider vinegar upang mabawasan ang timbang, nangangailangan pa rin ng higit pang pag-aaral tungkol dito.