backup og meta

Ozempic: Ito Na Nga Ba Ang Solusyon Sa Pagpapapayat?

Ozempic: Ito Na Nga Ba Ang Solusyon Sa Pagpapapayat?

Para sa marami sa atin, ang pagpapapayat na siguro ang isa sa pinakamahirap na bagay na gawin. Kaya nga nauuso ang iba’t-ibang mga diet o kaya mga paraan ng pagpapapayat tulad na ng fasting. Ngunit mayroong nauusong gamot, ang Ozempic, na sinasabi ng marami na mabisa at madaling paraan upang pumayat.

Gaano nga ba ito katotoo, at ligtas ba ang paggamit ng gamot na ito? Magbasa dito at alamin.

Ano ang Ozempic?

Ang Ozempic ay ang brand name ng gamot na semaglutide. Ang semaglutide ay isang injectible na gamot na nakatutulong para sa mga taong mayroong type 2 diabetes.

Ayon sa manufacturer nito, nakatutulong ang gamot upang magpababa ng blood sugar, panganib ng mga sakit sa puso, panganib ng stroke, at posible rin daw itong makatulong sa pagpapapayat. Nagagawa ito ng Ozempic dahil ginagaya nito ang isang natural na hormone ng katawan na sinasabi sa iyong utak na busog ka na. Bukod dito, pinapabagal rin nito ang digestion sa pamamagitan ng pagpapahaba ng oras na namamalagi ang pagkain sa loob ng katawan.

Bagama’t isang side effect ng gamot na ito ang pagbaba ng timbang, nililinaw ng manufacturer ng Ozempic na hindi ito weight-loss drug. Hindi rin aprubado sa Pilipinas ang paggamit ng Ozempic bilang weight-loss drug.

Simple lamang ang paggamit ng gamot na ito. Mayroong prescribed na dosage depende sa pangangailangan ng pasyente, at ito ay itinuturok sa hita, baywang, o kaya sa braso. Ang isang dosage ay tumatagal ng isang linggo, kaya once-a-week lang ang pagturok ng semaglutide. Long-term rin o pangmatagalan ang gamutan na kinakailangan sa Ozempic.

Dapat ring tandaan na hindi over-the-counter medication ang Ozempic. Ibig sabihin, kinakailangan munang kumuha ng rekomendasyon ng doktor bago gumamit nito, at hindi nirerekomendang gumamit nito ng basta-basta.

Ano ang resulta ng mga pag-aaral tungkol dito?

Base sa mga isinagawang mga pag-aaral tungkol sa Ozempic, napag-alamang epektibo at mabisa nga ito pagdating sa pag-kontrol ng blood sugar at pagpapababa ng panganib ng sakit sa puso, stroke, at iba pang konektadong karamdaman. Bukod dito ay side effect rin ng gamot ang pagpapababa ng timbang. Para sa mga taong may type 2 diabetes, malaking bagay ang pagkakaroon ng ganitong gamot dahil nakakatulong itong maibsan ang sintomas ng kanilang karamdaman.

May masamang epekto ba ang paggamit ng Ozempic?

Ligtas ang paggamit ng Ozempic basta’t mayroon itong direksyon mula sa doktor. Ito ay dahil isa itong prescription drug at mahalagang maibigay ang wastong dosage at dalas ng paggamit nito.

Gayunpaman, mayroong ilang mga side effects ang gamot na ito. Kabilang na dito ang:

  • Kabawasan ng gana sa pagkain
  • Pagdighay
  • Constipation
  • Diarrhea
  • Pagkahilo
  • Fatigue
  • Sakit sa tiyan
  • Gastrointestinal disorder
  • Hypoglycaemia o low blood sugar
  • Pagsusuka
  • Pagduruwal
  • Pagbawas ng timbang

Tandaan, hindi dapat basta-basta umiinom ng gamot na ito, lalong-lalo na sa mga taong walang diabetes o problema sa blood sugar. Ito ay dahil posibleng mas maging malala ang mga side effects ng gamot na ito kung basta na lang ito iinumin.

Mayroon ring mga balitang kumakalat kung saan nagkakaroon raw ng bentahan ng Ozempic online na hindi kinakailangan ng reseta ng doktor. Lubhang mapanganib ang ganitong gawain dahil bukod sa hindi ligtas ang paggamit nito ng basta-basta, hindi rin masisigurado kung tunay ba ang gamot na ibinebenta. Posibleng nahaluan na ito ng ibang kemikal na maaaring makasama pa sa kalusugan.

Mga Dapat Tandaan

Mahalagang tandaan na hindi basta-basta ang pag-inom ng mga gamot. Lalong-lalo na kung prescription medicine na katulad ng semaglutide o Ozempic. Bagama’t napatunayan nga itong nakatutulong sa pagbawas ng timbang, hindi nito ibig sabihin na ito ang solusyon sa problema ng pagpapapayat. Mahalaga pa rin na daanin sa pag-ehersisyo at pagkain ng wasto ang pagbabawas ng timbang.
Bukod dito ay dapat ring gumamit ng Ozempic kapag mayroong rekomendasyon ng doktor. Mas makapagbibigay ang mga doktor ng wastong payo sa paggamit nito, at kung kinakailangan nga ba ng iyong katawan.

[embed-health-tool-bmr]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. What is Ozempic®? | Ozempic® (semaglutide) injection, https://www.ozempic.com/why-ozempic/what-is-ozempic.html, Accessed March 19, 2024
  2. Semaglutide (Subcutaneous Route) Description and Brand Names – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/drugs-supplements/semaglutide-subcutaneous-route/description/drg-20406730, Accessed March 19, 2024
  3. The Skinny on Weight-Loss Medications – Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism, The Skinny on Weight-Loss Medications – Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism, Accessed March 19, 2024
  4. Ozempic for weight loss: Does it work, and what do experts recommend?, https://health.ucdavis.edu/blog/cultivating-health/ozempic-for-weight-loss-does-it-work-and-what-do-experts-recommend/2023/07, Accessed March 19, 2024
  5. Drug Trial Snapshot: Ozempic | FDA, https://www.fda.gov/drugs/drug-approvals-and-databases/drug-trial-snapshot-ozempic, Accessed March 19, 2024

Kasalukuyang Version

11/07/2024

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Planong Magdiet? Narito Muna Ang Mga Dapat Mong Malaman

Puwede Bang Pumayat Nang Walang Ehersisyo? Alamin Dito!


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement