Mahilig kumain ang mga Pilipino, lalo na ang matamis at mamantika. Gayunpaman, alam ng lahat na ang sobrang pagkain ay humahantong sa dagdag na timbang. Buti, may Filipino diet meal plan sa pagpapayat.
Maraming pagkain na mabibili sa pamilihan ng Pilipinas na mabuti sa panunaw at metabolismo, para sa pagbaba ng timbang.
Gayunpaman, ang tamang diet at ehersisyo ay mahalaga pa rin sa pagbaba ng timbang. Narito ang maikling listahan ng mga sangkap na makatutulong sa iyo upang bumaba ang timbang at maaaring isama sa iyong Filipino diet meal plan.
Mga Ideyal na Sangkap para sa Filipino diet meal plan
1. Labuyo
Iniisip ng marami, na ang maanghang na pagkain ay nakakaapekto lamang sa ating panlasa. Ngunit ang totoo ay mayroon itong capsaicin, na ang dulot ay mainit at nakasusunog na pakiramdam upang makakatulong sa pagsunog ng taba sa katawan.
2. Mga Berdeng dahon
Karamihan sa mga taong gustong pumayat ay pinipili ang mga pagkaing mayaman sa protina tulad ng manok at baka.
Ngunit ang isa pang magandang pinagkukunan ng protina ay ang mga berde at madahong gulay, tulad ng spinach at kale, na puno ng bitamina at mineral.
Nakatutulong ang protina upang mabusog nang matagal, gayundin makatutulong din na maiwasang matakam sa hindi masustansiyang pagkain.
3. Beans
Sa Pilipinas, may iba- ibang lokal na beans na mapagpipilian, na sinasangkap sa Filipino diet meal plan.
Ngunit ang pinakasikat ay black beans, red beans, at mongo beans. Ito ay epektibo at murang pinagmumulan ng thiamin, potassium, phosphorus, magnesium, iron, folic acid, at soluble fiber.
Mababa ang asin, taba, at walang kolesterol ito. Ang pagkonsumo ng kalahating tasa ng nilutong beans araw-araw ay makatutulong sa pag-regulate ng lebel ng asukal sa dugo at makababawas sa taas ng kolesterol.
Ibinahagi ng mga mananaliksik sa Unibersidad ng California sa Davis na ang beans ay maaaring makatulong na mapataas ang cholecystokinin sa katawan. Isa itong digestive hormone na natural na pinipigilan ang gana sa pagkain.
Ang National Health and Nutrition Examination Survey ay nagsabi na, ang mga taong kumakain ng beans ay nagtataglay ng sukat ng baywang na 23% na mas maliit kaysa sa mga hindi kailanman kumain nito.
4. Itlog
Ang itlog ay palaging kasama sa Filipino diet meal plan. Ayon sa isang pag-aaral, Journal of the American College of Nutrition, ang taong kumakain ng itlog para sa almusal ay may posibilidad na mas kaunti ang kaloriya sa sunod na araw, at mas kuntento kaysa sa kumakain ng mga high-carbohydrate na pagkain.
Sa isang hiwalay na pag-aaral, isinaad na ang protina mula sa itlog ay nakatutulong upang iwasan ang pagtaas ng asukal sa dugo. Ang isang malaking itlog ay naglalaman ng 6g ng protina, at 75 kaloriya, at naglalaman ng 212mg ng kolesterol.
Iminumungkahi ng American Heart Association para sa malulusog na tao na kumain 1 itlog bawat araw.
5. Salmon
Kung gustong palakasin ang metabolismo, inirerekomenda ito. Mayaman sa Omega-3 Fatty Acids, na mahalaga sa paglaban sa metabolic disease at obesity.
Naglalaman ng iodine, ang pangunahing nutrisyon sa pagtiyak na gumagana nang normal ang thyroid. Ang thyroid na gumaganap sa pag-regulate ng metabolismo.
6. Dark Chocolate
Ang mga tsokolate ay kilalang matamis at hilig ng lahat. Pero mas mainam na opsyon ang dark chocolate na medyo mapait.
Iba ang dark chocolate sa pagkaing nabanggit kanina. Hindi ito nagsusunog ng taba o nagpapataas ng metabolic rate. Gayunpaman, ito ay epektibong nagpapalakas ng enerhiya. Nagbibigay sa katawan ng magnesium na tumutulong sa pagpapanatili ng nerve at muscle function.
Bukod dito, ang dark chocolate ay isa ring magandang stress-reliever. Nagpapasigla at nagpapalakas kapag nag-eehersisyo. Kaya naman lubos na inirerekomendang isama ang dark chocolate sa Filipino diet meal plan.
7. Saging
Ang saging ay isang sikat na diet food sa Pilipinas.
Maraming matagumpay na kwento ng pagbaba ng timbang na ipinakita nito sa Filipino diet meal plan.
Ayon sa pag-aaral, Journal of Nutrition Biochemistry, ito ay naglalaman ng flavonoid leucocyanidin – nagsisilbing natural na antacid sa tiyan.
Ang saging ay hindi lamang nagpapabusog, proteksyon rin ito laban sa gastritis na dulot ng aspirin. Dagdag pa, ito ay maaaring makatulong sa pag-aayos ng nasirang mucous membrane sa lining ng tiyan.
Dahil ang saging ay puno ng potassium at tryptophan, ang mga ito ay mabuti para sa puso at nakakatulong din sa pagpapabuti ng mood ng isang tao.
Gayunpaman, mainam na moderasyon ang pagkain nito, lalo na kung may diabetes. Iwasan ang sobrang hinog at matatamis.
Upang maging matagumpay ang pagbabawas ng timbang, ang pagpili ng pinakamahusay na sangkap para sa pagkain ay epektibo.
Bukod sa ehersisyo, isama rin ang Filipino diet meal plan na mabisa para sa iyong pangangailangan at badyet. At ang nabanggit na masustansiyang sangkap ay magandang panimula.
Isinalin sa Filipino ni Dr. Nina Christina Zamora
[embed-health-tool-bmr]