Handa ka na ba sa iyong balik alindog exercises? Para maibalik ang mga dating nawala at muling makamit ang healthy at sexy body goals? Kung ready ka na, let’s go! Ibalik na natin ang mga bagay na minsang nawala dahil hindi pa huli ang lahat para sa pag-achieve ang ating healthy goals para sa’ting katawan.
Basahin ang artikulong ito para sa balik alindog exercises na siguradong makakatulong sa’yo sa pagpapabuti ng iyong kalusugan.
Bakit ba kailangan na gawin ang balik alindog exercises?
Karaniwang resolusyon ng tao sa tuwing nawawala ang kanilang alindog o charm ay ang pag-eehersisyo. Wala namang mali sa iniisip na paraan, lalo na kung balanse at wasto ang exercise na ginagawa mo.
Madalas nagiging first option ng mga kababaihan at kalalakihan ang pag-eehersisyo para ibalik ang alindog na minsang nawala dahil sa hindi balanseng diyeta o pagkain na kanilang ginawa. Ang paraang naiisip ay maganda naman, sapagkat ang exercise ay nagbibigay-daan para sa mas magandang pisikal na itsura at makakatulong ito sa’yo para labanan ang labis na katabaan.
Ayon sa mga doktor at eksperto, ang pagiging physical active ay maaaring magprotekta sa utak mo laban sa iba’t ibang banta sa kalusugan ng isip tulad ng depresyon. Nagpapataas din ito ng pagkakataon na makaligtas ang isang tao sa prostate cancer para sa mga lalaki, habang sa mga babae, malaki ang nagiging ambag nito para mabawasan ang pagkamatay dahil sa breast cancer.
Ngayon na alam na natin kung bakit kailangan gawin ang balik alindog exercise, narito na ang mga tips para sa balik alindog exercises na iyong kailangan:
#1 Balik Alindog Exercises: Cardio Slim-Down
Gawin ang cardio exercises 3 beses sa isang linggo sa loob ng 30 minuto. Hindi mo kailangang magpunta sa gym para gawin ang cardio exercises dahil maaari itong gawin sa bahay o sa lugar na maaaring tumakbo at malawak. Ang mga sumusunod ay ang mga cardio exercises na pwede mong gawin:
- Paglalakad
- Jogging
- Paglalaro ng tennis
- Hiking
- Swimming
- Pagbibisikleta
- Pagtakbo
Tandaan, sa paggawa nito huwag bibiglain ang katawan sa bilis. Maaari kang magsimula sa easy pace upang maihanda ang katawan sa mas intense na cardio exercises kung kinakailangan.
#2 Balik Alindog Exercises: Thumbs Up, Thumbs Down
Ang target ng alindog exercises na ito ay ang abs at chest. Kung saan sisimulan mo ang ehersisyo na ito sa pamamagitan ng “push up position”, just make sure na balanse ang daliri ng paa at kamay sa ilalim ng balikat at ang iyong braso ay fully extended.
Ihakbang ang kanan at kaliwang kamay papasok, upang maging magkaharap at magkadikit ang mga hinlalaki. Dapat ang iyong mga palad ay nasa sahig nang direkta sa ibaba o ilalim ng dibdib.
Pwedeng padaliin ito sa pamamagitan ng modified pushup position kung saan balanse ang mga tuhod.
#3 Balik Alindog Exercises: Breast Stroke
Sa ehersisyong ito ang tinatarget nito ang iyong mga hita, balikat, at itaas na likod. Tumayo ka nang nakahiwalay ang mga paa sa lapad ng balikat at hawakan ng bawat isang kamay ang dumbbell. Tiyakin mo rin na napapanatili mo ang mga pabigat sa harap ng iyong dibdib at huwag kakalimutan na ibaluktot ang siko sa tagiliran at siguraduhin na ang mga palad ay nakaharap sa harap.
Pagkatapos, ibaba ang iyong katawan sa isang squat position at panatilihing flat ang iyong likod. I-hinge ang iyong mga balakang pasulong sa 45 degrees, at iyuko ang mga tuhod sa 90 degrees.
Panatilihin ang squat position at iunat ang mga braso pataas hanggang sa nakahanay sila sa likod.
#4 Balik Alindog Exercises: Body Swirl
Napakadaling gawin ng ehersisyo na ito kung saan ang target ng exercise na ito ay ang puwet at balakang. Para magawa ito, kinakailangan na panatilihin ang mga tuhod sa ilalim ng balakang, habang ang mga kamay ay nasa ilalim ng balikat. Iangat ang baluktot na kanang binti sa likod hanggang ang hita ay nasa hip level at parallel sa sahig. Pagkatapos, saka mag-trace ng clockwise circle gamit ang kanang tuhod at pwedeng gawin ito sa loob ng 12 reps.
#5 Balik Alindog Exercises: Chair Squat
Ang exercise na ito ay may layuning palakasin ang binti ng isang tao at madaling gawin ang physical activity na ito basta may upuan ka. Dahil malaki ang ambag ng upuan para magkaroon ka ng magandang porma o form at dapat kang tumayo habang nakatalikod sa upuan. Siguraduhin na magkalayo ang paa sa lapad ng balikat mo at i-bend ang iyong tuhod at ibaba ang lower back hanggang dumikit ang puwet sa upuan. Pagkatapos nito, itulak muli pataas ang sarili para bumalik sa starting position at paulit-ulit itong gawin.
Mga dapat tandaan sa pag-eehersisyo
Hindi dapat abusuhin ng isang tao ang exercise, dahil maaaring mauwi ito sa mga seryosong kondisyong medikal.
Narito ang mga dapat na isaisip kapag isinasagawa mo ang balik alindog exercises:
- Ang pagsasanay na masyadong mahirap o mabilis ay karaniwang dahilan ng mga pinsalang nauugnay sa sports.
- Kumonsulta sa’yong gym instructor, coach, sporting association, exercise physiologist o physiotherapist para sa pagtuturo kung paano mag-ehersisyo nang ligtas. Dahil sa pamamagitan nito maiiwasan ang anumang aksidente at magagabayan ka sa tamang paggamit ng equipments.
- Magsuot ng angkop na damit sa pag-eehersisyo at kagamitang pang-proteksyon. Siguraduhin mo rin na napapanatili nang maayos ang iyong kagamitang pang-sports.
- Ihinto kaagad ang pag-eehersisyo kung ikaw ay nasugatan o nahilo at magpahinga muna o humingi ng medikal na payo bago simulan muli ang ehersisyo.
Safety advice para sa pag-eehersisyo
Maganda kung humingi ka ng mga impormasyon at payo tungkol sa kaligtasan ng iyong pag-eehersisyo mula sa doktor, sports medicine doctor, physiotherapist o sa isang exercise physiologist upang makapagbigay sila ng angkop na ehersisyo na babagay sa’yong pangangailangan at maging matagumpay ang balik alindog goals mo!
Key Takeaways
Maraming tao ang madalas na nakapokus lamang sa isang type ng exercise o activity dahil sa tingin nila na sapat na ito at angkop para sa kanila. Subalit ayon sa mga pag-aaral lumalabas na para makamit ang alindog na pangarap kinakailangan na magpokus sa mga ehersisyo na sakop ang endurance, strength, balance at flexibility.
Lagi rin tandaan na ang pagnanais na gawin ang balik alindog exercises ay gawin para sa sarili hindi para sa ibang tao. Gawin ito upang mapabuti ang sarili at ang kalusugan at huwag ding kakalimutan na gawing tama lang at balanse ang pag-eehersisyo dahil ang anumang sobra ay nakakasama.
[embed-health-tool-bmi]