Mahilig ka bang kumain ng soybeans? Alam mo ba ang mga benepisyo nito sa iyong kalusugan? Sa katunayan ang pagkain ng soybeans ay patok para sa mga taong sumusunod sa vegetarian at vegan diets. Ito’y dahil sa kanilang mataas na kalidad at kumpletong protein content, at kakayahang maproseso sa gatas at mga meat substitute.
Nagtataglay ang soybeans ng mga sangkap na gaya ng hormone-like substances na tinatawag na “phytoestrogens” na ginagaya ang pagkilos ng hormone estrogen, na nagdudulot din ng iba’t ibang beneficial health effects sa tao.
Batay na rin sa iba’t ibang datos, ang pagkain ng soybean-based foods ay maaaring mabawasan ang iyong panganib ng iba’t ibang problema sa kalusugan, tulad ng mga sumusunod:
- cardiovascular disease
- stroke
- coronary heart disease (CHD)
- ilang mga kanser
- suliranin o sakit sa buto
Bukod sa mga nabanggit na benepisyo ng pagkain ng soybeans, nagtataglay pa ito ng mga benepisyo sa kalusugan na hindi alam ng maraming tao. Kaya naman patuloy na basahin ang artikulong ito para malaman ang iba pang benepisyo ng soybeans sa kalusugan ng isang indibidwal. Pero bago natin ito alamin, tukuyin muna natin ang nutrition profile ng soybeans.
Nutrition Profile Ng Soybeans
Ayon sa mga pag-aaral at datos, ang soy ay isang high-quality protein, at narito ang nutrition profile ng soybeans batay sa artikulo mula sa Better Health Channel:
- may mataas na fiber
- may mataas na protina
- mababa sa saturated fat
- cholesterol free
- lactose free
- mabuting source ng omega-3 fatty acids at antioxidants
- mataas sa phytoestrogens
5 Benepisyo Ng Soybeans Sa Kalusugan
- Sinusuportahan ang kalusugan ng mga buto
Huwag mong kakalimutan ang soya foods ay maaaring maging kapaki-pakinabang na para sa mga babaeng nasa kalagitnaan ng kanilang buhay, o mid-life women. Dahil ang pagkakaroon nila ng mas mababang antas ng estrogen pagkatapos ng menopause ay pwedeng humantong sa isang mas malaking pagbawas ng calcium levels sa buto.
Lumalabas din sa ilang mga pag-aaral na ang pagsasama ng soy isoflavones sa pagkain ay maaaring makatulong sa pagbawas ng bone loss, at mapaunlad ang bone mineral density ng isang tao.
- Source ng “complete” plant protein
Ang soybeans ay isang kapaki-pakinabang na mapagkukunan ng plant protein, na nagbibigay ng lahat ng 9 sa mahahalagang amino acid na kailangan ng tao para sa mga sumusunod:
- paglaki
- pagkumpuni at paggana tulad ng kaligtasan sa sakit o immunity
- Pagsuporta sa kalusugan ng puso ng tao
Ang soybeans ay naglalaman ng mga compound na tinatawag na “phytosterols”. Ito ang mga compound ng halaman na structurally katulad ng kolesterol na gumagana sa katawan sa pamamagitan ng “inhibiting cholesterol absorption”. Kaya naman ang regular na pagkain ng mga pagkain tulad ng soya ay nauugnay sa pinababang antas ng kolesterol.
Dagdag pa rito, ang regular na pagkonsumo ng legumes, kabilang ang soybeans ay nauugnay rin sa mas mababang panganib ng sakit sa puso, dahil sa rich source ng phytochemicals at fiber nito.
- Maaaring makatulong ang soybean para maibsan ang menopausal symptoms
Ayon sa ilang mga pag-aaral ang mga babaeng may soya-rich diet ay maaaring makaranas ng mas mababang panganib ng kanser sa suso. Ito’y dahil ang isoflavones ay kilala rin bilang phyto-oestrogens. Kung saan nangangahulugan ito na ginagaya nila ang isang mahinang anyo ng hormone na estrogen sa katawan ng isang tao.
Bukod pa rito, napag-alaman din ng mga researchers na nakakatulong ang pagkain nito sa mga babaeng nakakaranas ng sintomas ng peri-menopausal tulad ng mahinang mood at hot flushes.
- Pinagkukunan ng protective antioxidant
Naglalaman ang soybeans ng mga natural na compound na tinatawag na “isoflavones”. Ang mga polyphenol na ito ay makapangyarihang antioxidant na nakakatulong na mabawasan ang mga pinsalang kilala bilang “oxidative stress”, na ginagawa ng mga molecule na tinatawag na “free radicals”.
Huwag mong kakalimutan na ang oxidative stress ay kasangkot sa pagtanda at pagsisimula ng malalang sakit ng isang tao. Kaya naman makakatulong ang soybeans para malabanan ito dahil mayaman ito sa isoflavones.
Ligtas Ba Para Sa Lahat Ang Soybeans?
Ang soybeans ay ligtas kainin para sa karamihan ng mga tao. Pero kung mayroon kang soy allergy, dapat mo itong iwasan. Dagdag pa rito, itinuturing ding goitrogenic ang soybeans na nangangahulugang nakakasagabal sila sa aktibidad ng thyroid gland.
Mas maganda kung magkakaroon ka ng konsultasyon sa isang doktor bago ganap na isama ang soybeans sa iyong diyeta. Para malaman mo kung angkop sa iyong kasalukuyang kalusugan ang pagkain ng soybeans — at kung dapat mo ba itong iwasan upang maiwasan ang mga komplikasyon.
[embed-health-tool-bmi]