Ikaw ba ay mahilig kumain ng mga putaheng sinasamahan ng patatas? O hindi kaya ikaw ay mahilig sa dinurog o piniritong patatas? Kung oo, alamin natin ang mga benepisyo ng patatas na maibibigay ating katawan.
Ang patatas ay isa sa mga gulay na masasabi natin madalas gustong kainin ng mga bata. Ito rin ay hindi lamang inihahalo sa iba’t ibang putahe kundi ginagawa rin bilang ibang pagkain, tulad ng french fries, mojos at iba pa. Kaya naman, matatanong na lamang natin kung ano-ano ang maibibigay na benepisyo ng patatas sa ating katawan?
Isa ang patatas sa natural na fat free, cholesterol free at naglalaman ng mababa sa sodium. Ito rin ay may benepisyong hatid na vitamin C, B6, potassium, fiber, protina, magnesium, phosphorous, niacin, folate at mahusay na antioxidant.
Benepisyo ng Patatas sa Kalusugan
Potassium
Madalas na naririnig nating mayaman sa potassium ay ang saging. Sa katunayan, isa sa benepisyo ng patatas ay ang potassium na mas mayaman kumpara sa naibibigay ng saging. Ang isang saktong laki ng patatas ay naglalaman ng 18% ng inirerekomendang pang-araw-araw na dami ng potassium, na mahalaga sa pagpapanatili ng wastong paggana ng mga kalamnan.
Batay sa U.S Food and Drug Administration, tumutulong din ang potassium sa pagpapababa ng blood pressure sa pamamagitan ng paggalaw nito bilang vasodilator, na nagpapalawak ng daluyan ng dugo.
Napag-alaman din ng mga siyentipiko sa Institute of Food Research na naglalaman ng kemikal na kukoamines ang patatas. Ang kemikal na ito ay tumutulong din sa pagpapababa ng blood pressure.
Fiber
Ang 8 porsyento ng inirerekomendang pang-araw-araw na dami ng fiber ay naibibigay ng patatas, isa pa sa maituturing na benepisyo ng patatas sa ating katawan. Nakatutulong ang pagkakaroon ng mataas na fiber sa ating digestive system at maaaring makabawas ng panganib ng kanser at sakit sa puso.
Tumutulong din ang sapat na fiber sa katawan upang hindi kaagad makaramdam ng gutom. Bukod rito, nililinis din nito ang cholesterol mula sa mga daluyan ng dugo.
Nagsisilbi rin itong prebiotic na pagkain para sa mga mabuting bakterya sa ating malaking bituka na nagpapabuti nito. Dagdag pa, tumutulong din ito upang maiwasan o gamutin ang paninigas ng dumi at irritable bowel syndrome.
Vitamin C
Tulad ng mga citrus na prutas, nakapagbibigay rin ang patatas ng vitamin C. Sa katunayan, 30 porsyento ng inirerekomendang pang-araw-araw na dami ng vitamin C ay naibibigay ng patatas. Tumutulong ang bitaminang ito na mabawasan ang free radicals at nagsisilbi rin na antioxidant.
Dagdag pa rito, maaaring mapigilan o mapabagal nito ang ilang uri ng pagkasira ng cell sa ating katawan. Tumutulong din ito sa ating digestion, kalusugan ng puso, blood pressure at maging pag-iwas sa kanser.
Sodium, Cholesterol at Fat
Kung isa ka sa mga taong naghahanap ng pagkaing walang cholesterol at fat, at mababa lamang ang sodium, ang kasagutan ay ang patatas. Nakatutulong ito higit lalo sa mga matatanda upang bumaba ang blood pressure at cholesterol sa katawan.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa benepisyo ng patatas na naibibigay sa atin. Patunay lamang ito na ang patatas ay hindi lamang basta gulay. Anuman ang paraan ng pagluto mo rito, siguradong may makukuha kang nutrisyon na kailangan ng ating katawan.
Key Takeaways
- Ang patatas ay natural na fat free, cholesterol free at mababa lamang ang sodium.
- Mayaman ang patatas sa fiber, vitamin C, at potassium.
- Nakatutulong ang nutrisyong laman ng patatas pagdating sa pagpapababa ng blood pressure, cholesterol, pagpapabuti ng digestion, kalusugan ng ating puso, at maging pag-iwas sa kanser.
- Tandaan na mabuting kumonsulta rin sa iyong doktor pagdating sa dami ng patatas na maaari mong kainin sa isang araw higit kapag ikaw ay may kondisyong medikal.
[embed-health-tool-bmi]