Benepisyo ng cauliflower ay sumisikat kung kaya makikita mo ito sa lahat ng dako at iba’t-ibang pamamaraan. Ito ay ginagawang kanin, pizza crust at kahit cheese. At bagamat mabibili mo pa rin ang hilaw na cauliflower sa pasilyo ng ani ng mga pamilihan, marami pang mga paraan upang idagdag ang gulay na ito sa iyong meryenda, pagkain at kahit na inumin.
Ang cauliflower ay naging regular na pagkain sa maraming mesa nang higit pa sa isang simpleng side dish. Kapag gusto mong dagdagan ang iyong nutrisyon at makahanap ng simpleng kapalit ng mga carbs, dito ka na sa cauliflower.
Ang cauliflower ay masustansyang gulay na maaaring ihanda sa maraming paraan. Mababa ito sa calories at mataas sa fiber. Habang ang karamihan sa cauliflower ay puti, maaari mo ring makita ang orange cauliflower, purple cauliflower, at broccoflower o berdeng cauliflower.
Benepisyo ng cauliflower sa iyong diyeta
Dapat lang na mabigyan ng prominenteng lugar sa iyong diyeta ang cauliflower. Isa itong cruciferous vegetable, at pinsan ng iba pang masustansyang gulay tulad ng broccoli, kale, repolyo at Brussels sprouts. Higit sa lahat, ito ay puno ng fiber at antioxidants na maaaring makatulong sa iyo na magbawas ng timbang.
Ang cauliflower ay binubuo ng mga maliliit na ulo ng bulaklak o curds. Ang mga bulaklak na ito ay umusbong mula sa gitna ng isang makapal na tangkay upang bumuo ng isang solong, bilog na ulo ng gulay. Kamakailan lamang, sumikat ang cauliflower bilang alternatibo sa kanin. Madaling idagdag ang gulay na ito sa iyong diyeta dahil pwede itong kainin ng hilaw, steamed, mashed, ginadgad o sinugba. Kahit ang tangkay nito ay maaaring ilagay sa food processor at gawing sopas.
Mga benepisyo ng cauliflower
Pampalakas ng immune system
Ang mga cruciferous na gulay tulad ng cauliflower ay mayaman sa sulfur. Maaaring itong magbigay suporta sa kalusugan ng bituka at maging depensa laban sa impeksyon. Ito ay dahil sinusuportahan ng sulfur ang produksyon ng glutathione na mahalaga para sa pagpapanatili ng integridad at pagbuo ng lining ng bituka. Bilang isang makapangyarihang antioxidant, gumagana ang glutathione sa buong katawan at nagpoprotekta sa mga cells na maaaring masira dahil sa pamamaga.
Pagkain para sa utak
Ang cauliflower ay pinagmumulan ng choline, isang mahalagang sustansya na kailangan para sa mood, memorya at paggunita. Ito ay isang pangunahing bloke ng acetylcholine, isang kemikal na mensahero na sangkot sa pagsesenyas sa central nervous system. Mahalaga rin ang choline para sa pag-unlad ng utak.
Isa sa benepisyo ng cauliflower ang taglay nitong choline na pagkain sa utak. Maraming mga pag-aaral ang nagpapakita ng mga positibong epekto ng regular na pagkonsumo ng choline. Ipinapakita rin ng mga pag-aaral ang negatibong epekto sa utak ng kakulangan sa choline.
Anti-inflammatory na benepisyo ng cauliflower
Ang mga sangkap na matatagpuan sa cauliflower ay epektibong pambawas ng pamamaga ayon sa pananaliksik ng Vanderbilt University at ng National Cancer Institute. Ang gulay na ito ay mayaman din sa mga antioxidant, kabilang ang mga uri na kilalang pangontra sa stress sa selyular na lebel.
Ayon sa mga may-akda ng pag-aaral, nangyayari ang oxidative stress kapag hindi balanse ang produksyon ng mga free radicals na nakakasira ng cells, at ang kakayahan ng katawan na kontrahin ang mga nakakapinsalang epekto nito. Nagreresulta ito sa pamamaga o inflammation sa katawan, na nagpapataas ng panganib ng pagkakasakit.
Ang pamamaga ay maaaring maging sanhi ng isyu sa kalusugan at malalang sakit. Magkakaroon ng mabuting resulta sa kalusugan kapag pinababa ang antas nito. Isa sa benepisyo ng cauliflower ay ang taglay nitong beta-carotene at marami pang antioxidants na maaaring pumigil sa pagdami ng cancer cells. Ang mga compounds na ito ay tumutulong magpababa ng antas oxidative stress at free radicals sa katawan.
Panlaban sa cancer
Ang nilalaman na sulforaphane ng cauliflower ay may ilang mga benepisyo sa kalusugan kabilang ang pagbabawas ng panganib ng kanser. Ang sulforaphane ay lumalaban sa kanser sa maraming paraan. Kabilang na dito ang pagprotekta sa mga cells laban sa pagkasira ng DNA nito pati na rin ang pag-inactivate ng mga carcinogens. Nangangahulugan na maaari nitong pabagalin ang paglaki ng tumor o bawasan ang kakayahan nitong kumalat sa ibang bahagi ng iyong katawan.
Konklusyon
[embed-health-tool-bmi]