Madalas mo bang nararamdaman na hindi ka sinusuportahan, hindi iniintindi, hinahamak, o inaatake ka sa isang relasyon? Maaaring nasa toxic relationship ka, at ang mga karanasang ito ang pwedeng maging dahilan kung bakit maaaring masira ang iyong mental health. Lalo na kung ikaw ay nasasaktan sa paraang emosyonal, sikolohikal, at pisikal.
Sa katunayan, dapat mong maunawaan kung ano ang toxic relationship para maiwasan ito. At bukod na rin sa pag-alam kung ano ang toxic relationship, mahalaga rin ang pagtukoy ng mga uri nito para magkaroon ka ng ideya kung may mali sa inyong relasyon.
Kaya naman patuloy na basahin ang artikulong ito para malaman ang 5 uri ng toxic relationship ayon sa mga doktor, at pag-aaral.
5 Uri ng Toxic Relationship
1. Humiliation o Pagpapahiya
Ang isang relasyon na lagi kang pinapahiya ng iyong partner ay isang uri ng toxic relationship. Maaaring maliitin, pahiyain, at pagtawanan niya ang halos lahat ng iyong mga ideya, paniniwala, o gusto gawin.
Madalas kapag nasa ganito kang uri ng relasyon ang iyong pareha ay hindi magdadalawang-isip na maliitin ka sa publiko, sa harap ng iyong mga kaibigan o pamilya. Pwede ring sabihin ng iyong karelasyon na maswerte ka na naging kapareha mo sila, at walang ibang lalaki o babae ang magkakagusto sa iyo.
Sa pagsasabi ng mga bagay na ito, madalas ang kanyang layunin ay panatilihing mababa ang iyong pagpapahalaga sa sarili hangga’t maaari, para hindi mo hamunin o tanungin ang kanilang ganap na kontrol sa relasyon.
2. Controlled o Jealous Type Relationship
Ang konting pagseselos sa relasyon ay maaaring makabuti dahil nagdadagdag ito ng spice sa isang relasyon. Pero ang sobrang pagseselos ay pwedeng makasira ng relasyon at maging sanhi ng pagiging toxic ng samahan. Ito rin ang uri ng toxic relationship na dahil sa pagseselos ay gusto kang kontrolin ng inyong karelasyon sa pamamagitan ng pag-alam ng lahat ng kilos mo at iba pa na may kaugnayan sa pinagmumulan ng kanyang pagseselos.
3. User Relationship
Ang mga user o manggagamit na tao ay madalas na napakabuti, magalang, at kaaya-ayang mga indibidwal sa umpisa, o hangga’t nakukuha nila ang lahat ng gusto nila mula sa iyo. Ito ang isa sa uri ng relasyon na dapat mong makita agad kung ginagamit ka lamang ba ng iyong partner. Dahil ang mga user na karelasyon ay maaari ka ring iwan sa oras na makakita sila ng ibang tao na gagawa ng higit pa para sa kanila.
4. Deflector
May mga pagkakataon na gusto mong sabihin sa iyong partner na nasasaktan at nalulungkot ka sa kanilang ginagawa dahil nais mong maging transparent sa inyong relasyon. Sa totoo lang magandang hakbang ito para mapatibay ang isang pagsasama. Subalit kung ikaw ay nasa isang uri ng relasyon na inaalagaan ang kanilang kalungkutan, o galit, at hindi ka makakuha ng comfort sa kapareha, o makapagsabi man lang ng iyong nararamdaman, maaaring nakikipag-ugnayan ka sa isang overreactor/deflector.
Ang ganitong relasyon ay isang uri ng toxic relationship, at sa mga worst scenario pwede mo pang maramdaman na makasarili ka dahil gumawa ka ng bagay na makakagalit o makaka pag pa lungkot sa iyong partner, kahit ang totoo ay wala ka naman talagang ginawang mali.
5. Intimidating Relationship
Kapag dumating sa punto na tumigil ka na makipag-away, at makipagtalo sa iyong partner kahit na tama ka, dahil ayaw mo siyang magalit o maubos ang kanyang pasensya na humahantong sa hindi pagkausap sa iyo sa loob ng maraming araw — maaaring nasa isa kang intimidating relationship na uri ng isang toxic relationship.
Ayon sa mga datos ang pagkontrol sa kapareha gamit ang “indimidation” ay isang classic behavior ng toxic partner.
Key Takeaways
Lagi mong tandaan na sa isang relasyon, hindi lamang ang isang tao ang dapat na nag-aadjust at nagpapabuti nito. Dapat dalawa kayo ng partner mo na nagsisikap na mapaganda ang inyong relasyon. Ang isa sa mahusay na hakbang para maging maayos ang inyong relasyon ay ang pag-alam ninyo sa kung ano ang toxic relationship para maiwasan ito. Mahalaga na maunawaan ninyo kung bakit dapat ito iwasan para mas mapatatag ang inyong relasyon.