Have you ever been a fan of a KPOP and Global Pop Group? Naging masaya ka ba sa pagiging fan at natulungan ka ba ng iyong mga iniidolo? Sa katunayan maraming kwento ang fans tungkol diyan sa kung paano binago ng idols nila ang kanilang buhay at paraan ng pag-iisip.
Isa si Pauline Maning sa natulungan ng BLACKPINK para makayanan ang sakit ng pagkamatay ng kanyang ama.
“Nakilala ko ang BLACKPINK months after my father’s wake, silang apat talaga iyong naging focus ko that time. Wala pang masyadong fan wars noon between solo stans kaya ang gaan pang mag-lurk sa Twitter eh. So happy-happy talaga. May BLACKPINK House din sila that time kaya alam mo iyon? May ia-anticipate kang episodes every week. BLACKPINK is and will always be my happy pill.”
Maraming dahilan para maging espesyal ang isang KPOP Group sa isang tao— at sa kaso ni Pauline ang BLACKPINK ang tumulong sa kanya upang subukan ang iba’t ibang bagay.
“Noong earlier eras ng BLACKPINK, me and my three other co-Lisa stans were so invested kay Lisa kaya we decided to have a fanbase para sa mga solo projects namin for Lisa. It indeed created 2 fan projects for Lisa tho until the pandemic robbed off our time to continue doing birthday projects for her.”
Ayon sa article na isinulat ni Shalini Shreyshkar tungkol sa impluwensya ng KPOP sa tao, maaaring tulungan ng KPOP na palabasin ang pagiging artistic ng isang fan upang maipadama ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga paboritong idolo. Ito rin ang nag-uudyok sa kanila na matuto ng arts na labas sa kanilang career prospects na isa rin sa mabuting dulot ng fandom.
“Nakita ko ‘yong depth ng BLACKPINK as an artist towards their craft, gusto kong maging katulad din ng BLACKPINK ang level of passion ko sa career path na pinili ko.”
Gayunpaman, noong nag-lockdown tumindi ang pagkabalisa na nararamdaman ni Pauline.
“Kung ano-anong reports ang ipinapapasa ng kagawaran. That time, sobrang pagod na iyong nararamdaman ko, sobrang anxious ko na to the extent na I was diagnosed with general anxiety disorder.”
Dumating rin sa punto na ayaw na niyang magtrabaho at gawin ang responsibilidad niya sa buhay.
“Kaso noong minsang nagre-reorganize ako ng drawers, nakita ko iyong mga merch ko ng BLACKPINK. Ang OA man pakinggan nito pero dahil nga nakita, napanood ko kung paano sila umangat, nagkaroon ako ng pag-asa na baka kapag hindi rin ako sumuko sa pinili kong landas, maging okay rin ang lahat para sa akin soon. Ang BLACKPINK ang naging inspirasyon ko to do better na rin.”
Isa lamang si Pauline sa mga tagahanga na natulungan ng kanilang idols— at para malaman pa ang iba pang mga kwento at maunawaan ang mabuting dulot ng fandom, patuloy na basahin ang article na ito.
Newest Global Pop Group, HORI7ON!
Ang Global Pop Group na ito ay binubuo ng 7 Pilipinong miyembro na naka-set mag-debut sa South Korea sa darating na Hulyo.
Sina Jeromy, Marcus, Kyler, Vinci, Reyster, Kim, at Winston ang bumubuo sa HORI7ON— at ANCHORS ang tawag sa kanilang fans.
Kagaya ng iba’t ibang kwento napasaya at na-inspire rin si Kim ng HORI7ON.
Kim
Ayon sa mga pag-aaral ang musika ay pwedeng maging sanhi ng iyong relaxation dahil sa pagpo-produce ng dopamine ng ating utak habang nakikinig ng music. Sa katunayan, maraming fans ang nagsasabi na ang pakikinig sa mga awitin na pineperform ng kanilang idols ay nakatulong sa kanila para harapin ang masakit at mahirap na bahagi ng kanilang buhay.
Ang claim na ito ay napatunayan na rin sa science na ang pakikinig ng musika ay maaaring makatulong sa iyo na ma-uplift ang iyong mood at ma-relax.
“Nu’ng first time ko silang nakita they’re like a star kasi literal na kumikinang sila sa paningin ko and andon talaga ‘yung feeling na mamamangha ka sa kanila dahil sa mga talents nila. Also iba sila sa pictures/videos and iba sila in person like what you’re seeing in pictures is just a half of what you can see kapag nakita mo talaga sila in person.”
Bagama’t nakita na ni Kim sa personal ang HORI7ON, patuloy pa rin siya sa pakikinig at panonood ng mga awitin na pineperform ng Global Pop Group habang hinihintay ang official debut ng grupo sa South Korea.
Not Shy! Not Me! ITZY!
“Since debut (2019) fan na ako ng ITZY.”
Isang certified MIDZY si Shaina Jovell Santos— at ang pagkakapareho niya kay Ryujin ang lalong nagtulak sa kanya na mahalin ang KPOP Group na ITZY.
Shaina
Batay na rin sa mga psychologist madalas na nagugustuhan at appreciate natin ang isang tao kapag naka-relate tayo sa kanilang mga ugali, pinagdadaanan, at mga kagustuhan. Ito ay maaaring magbigay ng positibong pakiramdaman at seguridad sa atin na hindi tayo nag-iisa.
“Sobrang saya ko na makita at mapanood sila. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nakita ko sila.”
Ayon kay Shaina talagang nakikinig at nakikipagkwentuhan ang ITZY group sa kanilang fans, dahilan para maging sobrang comforting ng concert ng KPOP Group sa Manila noong Enero. Dito rin niya mas lalong na-realize ang mabuting dulot ng fandom ng ITZY sa kanyang pamumuhay, pag-uugali, at lifestyle.
Blood, Sweat, and Tears for BTS
“2016 ako naging fan ng BTS nakita/napanuod ko yung MV nilang Blood, Sweat and Tears.”
Ayon kay Vincent Morada isa sa mabuting dulot ng fandom sa kanya ng BTS ay natuto siyang makipag-socialize, at makipag-usap sa tao.
Vincent
Batay rin sa Popular Culture – Research Guides at Central Community College, isa sa mabuting dulot ng fandom at pagiging fan ng isang tao ay nabibigyan sila maraming paraan upang tuklasin ang sarili. Nakakatulong ito sa mga tao na mas maipahayag ang kanilang pagkakakilanlan.
Dagdag pa rito, kapag ang isang tao ay bahagi ng isang fandom, maaari itong magbigay ng inspirasyon sa higit na pagpapahalaga sa sarili. Sapagkat pinalalakas sila ng mga taong nakapaligid sa kanila na may parehong hilig para sa isang partikular na paksa, na positibong nakakaapekto sa kalusugan ng isip ang reinforcement na natatanggap nila.
Renz asked TWICE, what is love?
“Si Hirai Momo ang bias ko sa TWICE dahil sa kanyang dancing skills at gorgeous visuals and her great physique,” paglalahad ni Renz Rodriguez.
Ayon pa kay Renz isa sa mabuting dulot ng fandom ng TWICE sa kanya ay natuto siyang pahalagahan ang sarili bilang konsepto at anyo ng pagmamahal.
Renz
Ayon sa mga psychologist mas nagiging maayos ang mental health status ng isang indibidwal kapag marunong siya mag-self love. Nakakatulong ang self love para ma-recharge ang isang tao sa nakakapagod na routine sa trabaho— at malabanan ang burnout. Ang simpleng pagbili ng mga bagay na makakapagpasaya sa sarili ay isang mabisang paraan din upang maiwasan na ma-deprive ang pakiramdam.
“Natuto rin akong mag-ipon para may pambili ng mga upcoming merch at concert. Naging displinado sa paggastos. Naging positive ang outlook ko sa buhay dahil sa mga musika at awiting ginagawa nila— at nabigyang sigla at gana nila ang buhay ko. Napapakalma rin nila ako tuwing ako ay stress lalo na sa kanilang makukulit na vlogs, music at mv’s.”
ENHYPEN: Your World, My Dimension!
Arlene
Ito ang naging sagot ni Mary Arlene Bongola noong tinanong siya sa mabuting dulot ng fandom ng ENHYPEN.
“Naging fan ako ng ENHYPEN after nu’ng concert nila dito, ang dami kong nakitang clips ng concert then naging interested ako sa isang member, si Heeseung, nu’ng napanuod ko yung interview nila.”
Kaugnay ng pagiging fan at mabuting dulot ng fandom ng ENHYPEN kay Arlene, sinasabi ng mga psychologist na ang pakikinig sa mabubuting payo ay maaaring makatulong upang magkaroon ng “sense of hope” sa pinagdadaanan— at magkaroon ng direksyon sa buhay.
“Sila ang happy pill ko tuwing stressed at pagod na ko— at hindi ko lang sila minahal dahil sa visual, talents, at skills, minahal ko rin sila dahil may sense sila— at they keep inspiring me to live my life.”
EXO and NCT: Your Love Shot and Future!
Sina Ysabelle, Antonie, at Felicity ay certified KPOP fan at bahagi ng iba’t ibang fandoms, gaya ng NCT at EXO. Malaki ang naitulong sa kanila ng pagiging fangirl ng iba’t ibang KPOP Group upang balansehin ang kanilang pag-aaral at interes.
“I learned to balance my interests and my acads. Dati sobrang heavy sa acads. Kaya na ngayon nang hindi sobrang na aanxiety ‘pag hindi perfect yung trabaho ko. Marami din kasi akong gagawin pero syempre kailangan din ng self care,” pahayag ni Ysabelle.
Tulad din ni Ysabelle sinubukan din ni Antonie na pagsabayin ang hilig sa KPOP at pag-aaral
“We have a KPOP org sa school so ayun admin-ish din ako doon,” Antonie.
Dagdag pa ni Antonie marami siyang na-meet na kaibigan dahil sa KPOP fandom at tumaas ang kanyang self confidence at halos ma-overcome na niya ang kanyang stagefright.
Habang si Felicity naman ay sinusunod ang bawat payo na nagmumula sa NCT member na si Jaemin, partikular sa health at finances. Kay Jaemin rin niya nakuha ang ideya ng pagbo-volunteer sa society.
Felicity
Ang mga nabanggit nina Ysabelle, Antonie, at Felicity tungkol sa mabuting dulot ng fandom ay halimbawa lamang ng epekto ng KPOP sa kabataan. Kung saan ayon sa mga psychologist, maaaring makatulong ang ating mga idolo para malabanan ang mga takot, makita ang purpose, at iba’t ibang perspektibo ng buhay— na bagay na naituro ng mga idolo nina Ysabelle, Antonie, at Felicity.
Youth of SEVENTEEN
“Naging carat o fan po ako ng seventeen noong 2015,” pahayag ni Lean Santiago.
Isa sa mapalad na tagahanga si Lean ng magkaroon siya ng pagkakataon na makita ang kanyang idol sa isang concert.
Lean
Itinuturing ni Lean na isa sa napakahalagang bahagi ng kanyang kabataan ang makilala at makita ang KPOP Group na SEVENTEEN. Ang fulfillment na naramdaman ni Lean noong nakita niya ang kanyang mga idolo ay hinding-hindi mapapalitan ng kahit anong materyal na bagay.
Kung saan ayon muli sa mga psychologist ang pagkakaroon ng fulfillment ay napakahalaga para makaramdam ng kaligayahan sa buhay. Kaya ipinapayo rin ng mga doktor at eksperto na dapat mong gawin ang mga bagay na maaaring magbigay sa iyo ng fulfillment. Wala ka namang dapat ikabahala sa paggawa ng mga bagay na iyon lalo na kung tama ang pamamaraan na gagamitin.
Conclusion
Ang KPOP at Global Pop Group ay nagtataglay ng kapaki-pakinabang na epekto sa psychological state ng mga tao. Maraming fan ang nagsasabi na ang pagiging bahagi ng isang fandom ng KPOP at Global Pop Group ay nakakatulong sa kanila na makayanan ang mga problema sa buhay, makadiskubre ng mga bagay— at ma-unleash ang natatago nilang potensyal.
Isa sa karaniwang mabuting dulot ng fandom at pagiging fan ay nabibigyan nito ng kasiyahan ang bawat indibidwal na napakahalaga sa overall health. Kaya, kung naghahanap ka ng isang kasiya-siyang aktibidad na isasama sa iyong pang-araw-araw na buhay, maaaring magandang ideya ang pakikinig at panonood ng performances ng KPOP at Global Pop Group.