Ano ang Obsessive Compulsive Disorder?
Kinilala ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM-5) ang Obsessive Compulsive Disorder (OCD) bilang isang kondisyon kung saan may presensya ng obsession o compulsion, at minsan, pareho.
- Ang obsessions ay binibigyang kahulugan bilang nauulit o patuloy na pag-iisip, kagustuhan, impulses, o mental images na pumapasok sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Karaniwan itong mapanghimasok at hindi ginugustong mga bagay na hindi makontrol ng pasyente.
- Ang compulsions ay paulit-ulit na pag-uugali o kilos ng pasyente na di niya makontrol. Nakararamdam ng kagustuhang gawin ang mga ito ng pasyente bilang tugon sa obsession nila. O upang magawa ang mga dapat gawin.
Mailalarawan minsan ang kondisyong ito na may kasamang pag-aalala at kagustuhan o ugaling dulot ng pag-aalalang ito. May ilan ding obsessive compulsive disorders na mailalarawan bilang paulit-ulit na ugali na tumatarget sa sariling katawan. Tulad ng paghila ng buhok, pagkurot sa balat, pagkagat ng kuko, at iba pa kasabay ng iba pang paulit-ulit at bigong pagtatangkang bawasan o itigil ang ugaling ito.
Paano nada-diagnose ang obsessive compulsive disorder?
Ang criteria sa pagda-diagnose ng obsessive compulsive disorder ay nangangailangan ng apat na bagay.
- Pagkakaroon ng obsessions, compulsion, o pareho
- Kumukuha ng malaking bahagi ng iyong oras ang mga compulsion at obsession na ito (higit isang oras kada araw)
- Ang mga obsession o compulsion na ito ay hindi dulot ng paggamit ng mga substance o bilang bahagi ng medikal na kondisyong hiwalay sa obsessive compulsive disorder.
- Ang iba pang mental condition, tulad ng anxiety disorders, ay hindi naipaliliwanag ang obsessions at compulsions.
Ano ang mga sintomas ng obsessive compulsive disorder?
Nakararanas ng obsessions ang mga pasyenteng may obsessive compulsive disorder. Ito ang nag-uudyok sa kanilang kumilos nang hindi nila gusto sa mga compulsion na may kaugnayan sa mga obsession na iyon. Malaking oras ang nakukuha ng mga naiisip at mga pagkilos na ito, o nagiging sanhi ng matinding distress, kaya’t itinuturing itong mahalagang psychiatric condition.
Magkakaiba ang nade-develop na obsession sa mga tao, maging ang compulsions na magkakaroon sila sa obsession na iyon. Gayunpaman, sa pangkalahatan, ito ay mga karaniwang tema sa mga obsession na ito. Kabilang dito ang:
Paglilinis
Maaaring maging compulsive ang pasyente sa paglilinis dahil sa obsession nito laban sa kontaminasyon. Sa kasong ito, ang obsession ay germs o pagiging malinis habang ang compulsion ay maglinis o mag-sanitize.
Symmetry
Kapag may obsession sa symmetry, nauuwi ito sa compulsion kung saan paulit-ulit na ginagawa ang pag-aayos o pagbibilang.
Taboo thoughts
Ang mga obsession sa agresibo, seksuwal, o relihiyong bagay ay maaaring mauwi sa ilang uri ng compulsion tulad ng pagkolekta ng mga bagay o pagtitiyak na makikita ang ilang subject (tulad ng shrine, larawan, o video) sa partikular na beses kada araw.
Pinsala
Ang mga obsession na may kaugnayan sa pagtanggap o pisikal na pananakit o mental na pamiminsala sa ibang tao ay maaaring mauwi sa checking o hoarding compulsions.
Ano ang sanhi ng obsessive compulsive disorder?
Kinapapalooban ng napakakomplikadong ugnayan ng neurobiology, genetics, at kapaligiran ng isang tao ang development ng OCD. Sinasabi ng mga doktor na may mahalagang gampanin ang serotonin, glutamate, dopamine, at iba pang neurochemicals sa pagkakaroon ng ganitong disorder. May teorya din silang ang mga ganitong pangyayari sa buhay ng isang tao (environmental stressors) ay kayang makapagpabago sa gene expression ng mga ganitong neurotransmitters, na nagdudulot ng pagbabago sa function at circuitry ng utak.
Nakararanas ba ng iba pang mental disorders ang mga taong may OCD?
Hindi na kakaiba para sa mga pasyenteng may OCD na magkaroon ng iba pang comorbid mental conditions. Nasa 90% ng mga pasyenteng may OCD ang maaaring magkaroon o natamo na ang criteria ng diagnosis ng hindi bababa sa isa pang ibang psychiatric condition. Kadalasan, kabilang dito ang:
- Anxiety Disorders – tulad ng panic disorder, social phobia, o PTSD
- Mood Disorders – lalo na ang major depressive disorder (depression)
- Impulsive Control Disorders
- Substance Use Disorders
Dahil sa mataas na rate ng comorbidity, maaaring nasa panganib ang mga pasyente na magpakamatay. Tinatayang nasa 63% ng mga pasyenteng may OCD ang nakaranas na mag-isip na magpakamatay, na may 26% ang nagtangka nang gawin ito.
Gamutan
May ilang cognitive at psychopharmacologic therapies ang available para sa mga pasyenteng may OCD. Maaaring tumagal ng ilang linggo o buwan bago makita ang pagbabago.
Kabilang dito ang:
CBT
Gumagamit ang mga mental care professional ng Cognitive Behavior Therapy (CBT) upang gamutin ang OCD. Partikular, ang Exposure and Response Prevention Training sa ilalim ng CBT ay isa sa evidenced-based treatment para sa OCD. Nakatutulong ito sa pasyenteng maunawaan kung paano kontrolin ang kanilang compulsive behavior bilang tugon sa anxiety-provoking stimuli o mga obsession.
Dialectical Behavior Therapy
Kaugnay ng CBT, ang dialectical behavior therapy (DBT) ay isa pang psychotherapy na maaaring maging epektibo para sa mga pasyenteng may OCD at iba pang mental disorder. Higit na epektibo ang ganitong uri ng therapy para sa mga pasyenteng lubos na nakatuon sa kanilang nararamdaman at pinagsasama-sama ang magkakasalungat na approach. Tutulungan sila ng therapist na tanggapin ang mga ganitong katangian ng pasyente tungkol sa kanilang sarili habang tinutulungan silang baguhin ang ilang tiyak na ugali na maaaring nagiging hadlang sa kanila.
SSRIs
Ang unang pharmacologic treatment para sa mga pasyenteng may OCD ay kinabibilangan ng paggamit ng Selective Serotonin Reuptake Inhibitors (SSRIs). Ang matagumpay na medical therapy ay dapat tumagal ng hindi bababa sa 1 hanggang 2 taon, kung tiyak. Maaaring gumamit ang pasyente ng SSRIs upang maiwasan ang relapse. Ngunit posibleng hindi na ito kinakailangan depende sa response ng pasyente sa therapy.
Key Takeaways
Dapat na humingi ng tulong mula sa mental health professional at tumanggap ng agarang therapy at gamutan ang mga pasyenteng may OCD. Dahil naiuugnay ang anxiety sa kondisyon at kalikasan ng ilang obsession, hindi lahat ay handang magpakonsulta. Kung may kakilala kang mayroong ganitong kondisyon, ang paghikayat sa kanilang magpakonsulta ay makatutulong sa kanilang kalagayan pagtagal. Lalo na kung malaki na ang nagiging epekto ng kanilang kondisyon sa kanilang buhay.
Matuto pa tungkol sa Mental Health Issues dito.