Ano ang BPD? Ang Borderline personality disorder ay isang kondisyon na hindi alam ng maraming tao. Dito, nakapanayam namin si Julian Mauricio para ibahagi ang kanyang mga karanasan bilang isang taong na-diagnose na may borderline personality. Matuto pa habang binibigyang-liwanag niya kung ano ang mga epekto nito sa kalusugan ng isip ng isang tao.
Maaari mo bang ipakilala ang iyong sarili?
Kumusta, ako si Julian, at ako ay isang alcoholic. Joke! Ang aking buong pangalan ay Juan Leonardo Bonifacio Mauricio. Sa aking paglaki, dati kong sinasabi sa lahat na ipinangalan ako kay Leonardo, ang may hawak na katana-wielding na pinuno ng Teenage Mutant Ninja Turtles. Pero pinangalanan talaga ako kina Apong Juan Mauricio (aking lolo sa tuhod sa side ng tatay ko) at Leonardo Bonifacio, (lola sa tuhod sa side ng nanay ko).
Ako ay 35 taong gulang, at mayroon akong Borderline Personality Disorder (BPD). Fun Fact: Minsan nahihirapan akong ipakilala ang sarili ko sa iba dahil dito. Ang isa sa mga sintomas ng BPD ay isang napakalalim na kawalan ng sariling sense ng pagkatao. Ang mga taong may BPD ay nahihirapan sa pakiramdam na parang wala silang ideya kung sino sila o kung ano ang kanilang pinaniniwalaan. Dahil dito, medyo mahirap ipakilala ang kanilang sarili sa iba. Kung hindi mo alam kung sino ka, paano mo mailalarawan ang iyong sarili kapag inatasan kang ipakilala ang iyong sarili?
Ano ang naramdaman mo noong nalaman mo ang iyong diagnosis? Paano mo nalaman na oras na para humingi ng tulong? Anong mga pangyayari ang nagbunsod sa iyo upang humingi ng tulong?
Na-diagnose akong may BPD noong Mayo 2015, pagkatapos kong subukang tumalon sa ika-13 palapag ng gusali ng aking opisina. Pagkatapos noon ay binigyan ako ng “medical leave” at sinabihan na makakabalik lang ako sa trabaho pagkatapos makita ng isang lisensiyadong propesyonal sa kalusugang pangkaisipan at masabing pwede na akong bumalik sa trabaho.
Naglaon, nalaman ko na ang kumpanyang pinagtrabahuan ko noon ay ganoon din ang ginagawa sa mga empleyadong may mga pisikal na karamdaman. I took it as a sign na siniseryoso ng kumpanya ang nangyari sa akin. Noon, mas matindi ang stigma na nakapalibot sa mga kondisyon ng kalusugan ng isip. Maraming tao—kahit na ilang miyembro ng sarili kong pamilya—ang walang pakialam sa pinagdadaanan ko. Ang pag-alam na hindi ganoon ang kumpanya kung nasan ako, ay nagpaginhawa sa akin ng kaunti tungkol sa aking sitwasyon, kahit ang ang aking medical leave ay nangangahulugan na hindi ako makakadalo sa aking acting class, hindi makita ang sinuman sa aking mga kaibigan mula sa opisina, o magtrabaho.
Malaki ang epekto ng paghingi ng tulong
Mga isang linggo o higit pa pagkatapos ng aking pagtatangkang magpakamatay, sinimulan kong makita si Dr. Randy Dellosa, isang psychiatrist na nagtatrabaho sa Pinoy Big Brother team. Na-diagnose ako ni Doc Randy na may BPD. Pumayag akong makipagkita sa kanya dahil gusto kong makapagtrabaho muli sa lalong madaling panahon.
Noong nagsimula akong magpagamot halos anim na taon na ang nakararaan, napakasama ng aking pag-iisip kaya kailangan kong makita si Doc Randy minsan sa isang linggo. Habang bumubuti ako, naging mas hindi na madalas ang pagbisita ko sa kanyang opisina. Sa mga araw na ito, nakikita ko lang siya kapag kailangan ko. Halimbawa, kung nagkakaroon ako ng malaking problema, magpapa-book ako ng appointment sa kanya. Ngunit salamat sa Diyos at hindi iyon nangyari nang ilang beses nitong kalaunan.
Sa totoo lang, nakakagaan ng loob ang ma-diagnose ng psychiatrist. Ang pag-alam na mayroon akong BPD ay nakatulong sa akin na malaman kung paano makabalik sa landas. Pagkatapos kong masuri na may BPD, ginugol ko ang mga susunod na taon sa pagbuo ng isang buhay na magpapadali para sa akin na manatiling matatag. Hindi ko magagawa iyon kung hindi ko alam kung ano mismo ang aking kinakaharap.
Ano ang ibig sabihin ng ma-diagnose na may BPD?
Ang BPD ay may siyam na panguhaning sintomas. Kailangan lamang na magpakita ng mga hindi bababa sa lima na palatandaan upang matanggap ang diagnosis. Naipakita ko ang lahat ng siyam. Bukod sa napakalalim na kawalan ng konsepto ng sarili, nakipagpunyagi ako sa pabigla-bigla na pag-uugali (labis na pagkain, walang ingat na paggastos, peligroso at hindi ligtas na pakikipagtalik), pag-uugaling nakakapinsala sa sarili (nauna akong saktan ang sarili), at mga aksyon at pagbabanta ng pagpapakamatay. Apat na beses na akong nagtangkang magpakamatay.
Ginawa akong matinding tao ng BPD. Bawat emosyon na nararamdaman ko ay nadaragdagan ng higit. Hindi ako basta basta masaya, mas masaya pa ako sa masaya. Hindi lang ako malungkot, mas malungkot pa ako sa malungkot. Nakuha mo ang ideya. Isa pa rito, mabilis na natututo ang mga tao sa aking paligid na huwag akong mainis. Dahil ang isa sa mga sintomas ng sakit na ito ay init ng ulo, matinding pagputok ng hindi mapigil na galit. Madali akong mapuno kaya umiiyak ako sa mga bagay na tinuturing ng iba na maliit lamang, na nakakapagod rin maramdaman, kung tutuusin.
Ang pagharap sa BPD ay hindi madali
Ang stress at BPD ay hindi magandang kombinasyon. Kapag na-stress ako, ipinapakita ko kung ano ang linalarawan ni Doc Randy na “mga dissociate na sintomas na sinasamahan ng matinding paranoya, hinala, at pagkahiwalay sa katotohanan.” Halimbawa, maaari akong linlangin ng aking isip na maniwala na ang lahat ay ayaw sa akin at gustong makita akong mabigo. Kapag nangyari iyon, halos imposible para sa akin na maalis ito sa pagiisip ko.
Mula nang magsimula ang pandemya, maraming tao ang nagsabi na ang pagiging nasa lockdown o quarantine ay nagdulot sa kanila ng pagkabalisa at pagkalungkot. Sa naturang iyon, hayaan mong sabihin ko sa iyo na ang pinakamasamang araw ng kalusugan ng isip ng karaniwang tao sa panahon ng COVID-19 ay isang normal na araw lamang para sa isang taong may BPD. Ganoon kahirap ang mamuhay na may ganitong karamdaman. Pero alam mo kung ano? Sa totoo lang, naniniwala ako na ang pagkakaroon ng BPD ay naghanda sa akin upang harapin ang aking kasalukuyang sitwasyon. Nasanay na kasi ako kumilos kahit nararamdaman kong ang lahat ng bagay ay masisira naman. Ngayong alam ko na ang totoo, kaya ko pa namang kumilos.
Ano ang karaniwang paggamot para sa ganitong uri ng karamdaman?
Wala. Walang lunas para sa BPD. Ang tanging bagay na maaari mong gawin ay matutong ayusin ang mga sintomas. Sa simula, mahirap para sa akin iyon. Pinilit kong kontrolin ang aking mga emosyon at ipahayag ang mga ito sa isang malusog na paraan. Ngunit salamat sa gamot, talk therapy, at suporta ng aking mga kamag-anak (karamihan sa kanila ay hindi sumusuporta sa una, ngunit dumating din sila sa realisasyon na iyon kalaunan), mas mahusay akong ayusin na ang aking mga sintomas ngayon.
Paano ito nakaapekto sa iyong mga personal na relasyon?
Ang mga taong may borderline personality disorder ay may malubhang isyu sa pag-abandona. Palagi kaming natatakot na iwanan ng lahat ng aming pinapahalagahan, kaya ginagawa namin ang lahat sa aming makakaya upang maiwasan iyon. Sa kasamaang palad, ang ating mga pagsisikap ay minsan nagiging sanhi din ng ating pinakamasamang takot na magkatotoo. Ganyan ako nawalan ng isa sa mga malalapit kong kaibigan.
Isa siyang Filipino-British guy na dumating sa Pilipinas noong 2015 para mag-aral ng acting. Nag-click kami kaagad, hindi lang dahil sa pangarap namin na maging working actors, kundi dahil isa ako sa mga Pinoy na nakakuha ng kakaiba niyang sense of humor. Noong ikaapat na beses kong tangkaing magpakamatay, kasama siya sa mga sumagip sa akin. Naging halos magkapatid kami. Dahil wala siyang pamilya sa Maynila (ang kanyang mga kamag-anak na Pilipino ay nakabase sa Cebu). Inaalagaan siya ng aking ina na parang sarili niya ring anak. Magkasama pa nga kaming bumibiyahe sa ibang lugar, bagay na bihira kong gawin sa mga kaibigan.
Natapos ang aming pagkakaibigan noong 2017, pagkatapos kong akusahan siya na walang pakialam sa akin o sa aking kalusugang pangkaisipan. Sa aking punto, ako ay nakaranas nang talagang masamang episode noong panahong iyon, at tinawagan ko siya dahil kailangan ko siyang kausapin at pahupain ang aking nararamdaman tulad nang madalas niyang ginagawa. Sa kasamaang palad, nang tawagan ko siya, nakikipag-hang-out siya sa kaibigan namin na pupunta na sa Los Angeles para sa trabaho sa loob ng ilang araw.
Sinubukan niyang ipaliwanag sa akin na gusto lang niyang makasama ang lalaking ito bago siya umalis, ngunit wala ako. Galit na galit ako na inuuna niya ang iba kaysa sa akin at sinabi ko iyon sa kanya. Nagalit siya doon at pinutol niya na ang kaniyang koneksyon sa akin. Hindi na kami nag-uusap simula noon.
Ang hindsight ay 20/20
Ngayon, na mas matatag na ako sa pakiramdam at pag-iisip, naiintindihan ko kung saan siya nanggaling at taos-puso akong nagsisisi na inaway ko siya. Sinubukan kong humingi ng tawad pero ayaw na niyang makipag-ugnayan sa akin. Hindi ko siya masisisi kahit na ganoon.
Ang mahirap, matindi, at hindi matatag na relasyon ay isang tanda ng BPD. Ang aking mga relasyon sa aking mga bagong kaibigan ay kasing tindi ng kung ano ang mayroon ako sa kanya. Nao-obssess ako sa kung gaano katagal silang tumugon sa isang Facebook PM, o kung hindi sila gumagamit ng mga emoji kapag nagte-text sila sa akin, dahil natatakot akong mawala sila. Buti na lang at palagi naming naaayos ang mga bagay-bagay sa tuwing nag-aaway kaming tatlo. Gusto kong isipin iyon dahil natutunan ko kung paano maging mas mabuting kaibigan mula noon.
Paano naapektuhan ng BPD ang iyong trabaho?
Nahihirapan ako sa tagal at talamak na pakiramdam ko na walang sasay at kabuluhan ang mabuhay at ang mababang motibasyon. Sa ilang mga araw, sinisilip ko ang aking listahan ng dapat gawin nang may ngiti sa aking mukha at isang kanta sa aking puso. Sa iba, wala akong lakas para bumangon sa kama sa umaga. Naging mahirap para sa akin na humawak ng trabaho.
Sa kalaunan, napagtanto ko na hindi ako pang-opisina na tao, kaya nagpasya akong magsimula ng sarili kong negosyo. Sa ngayon, gumagawa ako ng PR para sa mga artista. Ang pagiging sarili kong boss ay nababagay sa akin dahil kaya kong magtakda ng sarili kong oras, kaya bawas rin ang aking stress.
Sa totoo lang, isa sa mga dahilan kung bakit natagalan ako sa pagsagot sa mga tanong na ito ay dahil nahihirapan akong alisin ang ingay sa aking isipan nang sapat para makapag-concentrate sa mga bagay na kailangan kong gawin. Kapag nai-stress ako, lalo akong nahihirapan. Ang paghahati sa isang malaking gawain sa ilang maliliit na hakbang ay nakakatulong.
Nakaranas ka na ba ng anumang judgement dahil sa iyong kalagayan? Paano mo ipapaliwanag ang iyong kalagayan sa iba?
Oo. Ito ay nang makakuha ako ng trabaho sa isang kumpanya ng digital media solutions noong 2018, sinabi ko sa HR at sa aking mga boss ang tungkol sa aking kalagayan. Tinanong ko rin sila kung maaari akong pumasok pagkatapos ng tanghalian, dahil karaniwan kong ginugugol ang aking mga umaga kasama ang aking ina na nagpapagaling mula sa isang stroke. Buti na lang at pumayag sila.
Sa kasamaang palad, kahit na pagkatapos niyang malaman na mayroon akong BPD, hindi naintindihan ng isa sa mga katrabaho ko kung bakit handang magbigay ng allowance para sa akin ang aming mga boss. Madalas niya akong pinagtatawanan, hanggang sa umabot sa punto na mag-panic attack ako tuwing kailangan kong pumasok sa opisina. Bilang resulta, nawalan ako ng interes sa aking trabaho at labis na naapektuhan ang aking mga gawa. Gumaan ang pakiramdam ko noong pinakawalan ako ng kumpanya noong katapusan ng Oktubre, dahil nangangahulugan iyon na hindi ko na kailangan pang harapin ang pambubulas ng aking isang katrabaho.
Ang BPD ay isang napakakomplikadong karamdaman. Kaya’t, sa katunayan, na kahit na ang mga itinuturing na matalino ay nahihirapang maunawaan ito. Gayunpaman, sinusubukan ko ang aking makakaya upang turuan ang mga nakapaligid sa akin sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng maging borderline sa pinakasimpleng posibleng paraan. Minsan gumagana, minsan hindi.
Ano ang nagawa mo upang makayanan ang BPD? Tinanggap mo na ba ito?
Palagi kong alam na kailangan ko ng tulong, ngunit hindi ko talaga nakuhang hilingin ito hanggang matapos ang aking ikaapat na pagtatangkang magpakamatay. Nang ma-diagnose ako ni Doc Randy na may BPD, nabuhayan ako ng loob na sa wakas ay malagyan ko na ng pangalan ang lahat ng nararamdaman ko. Pagkatapos kong umalis sa kanyang klinika noong araw na iyon, nagbasa ako sa BPD. Kung mayroon akong piso sa bawat oras na sinabi kong “ako ito” habang ginagawa ito, mas mayaman ako kaysa kay Elon Musk. Kaya oo, tinanggap ko ito nang mabilis.
Sa simula, lubos akong umasa kay Doc Randy para mapanatili ang aking katatagan. Ngayon na hindi ko na kailangang makita siya nang madalas, nakaya ko sa ibang mga paraan, ang ilan ay ipinakilala niya sa akin.
Bilang panimula, umaasa ako sa gamot para labanan ang aking pagkabalisa at depresyon. Dati ay natatakot ako sa mga antidepressant at sa mga posibleng epekto nito, ngunit naintindihan ko ang ideya na inumin ang mga ito pagkatapos ipaliwanag sa akin ni Doc Randy ang ilang bagay. Sinabi niya na ang tamang gamot para sa akin ay magkakaroon ng kaunting epekto, na siya namang totoo.
Hindi madaling ipaintindi sa iba
Bagaman nakatulong ang gamot at talk therapy, mahirap pa rin para sa akin ang mga bagay-bagay dahil hindi sineseryoso ng aking mga kamag-anak ang aking kalagayan, noong una’t-simula pa lamang. Ang isa sa aking mga tiyahin ay nagmungkahi pa sa aking ina (na nag-iisang kampeon ko noong panahong iyon) na ako ay namemeke ng sintomas upang magamit ko ang BPD bilang dahilan para gumawa hindi nila gustong asal at pag-uugali. Nagalit iyon sa akin, ngunit hindi ako tumigil sa pagsisikap na turuan sila. Sa kabutihang palad, naunawaan nila pagkatapos ng ilang sandali.
Lalong bumuti ang kalagayan ng aking pamilya nang ang aking tiyo (isa sa mga kapatid ng aking ina) ay nagpakasal sa kanyang asawa. Nagkataon na siya ay isang counselor. At sa nakaraang taon o higit pa ay pinupuntahan ko siya para humingi ng payo at suporta. Itinuro niya sa akin ang ilang mga mekanismo ng pagkaya na naging talagang epektibo at nakakatulong, tulad ng pamamaraan ng “Wise Mind.” Ginagamit ko ito upang pigilan ang aking pagkabalisa at panic attacks. Salamat sa kanya, nagagawa ko na ngayong tumugon sa mga bagay sa mas lohikal na paraan.
Pinapalibutan ko rin ang sarili ko ng mga bagay na gusto ko—mga libro, pelikula, musika, at palabas sa TV. Ang paglilinis ng bahay at pagluluto para sa aking sarili at sa aking ina ay tumutulong din sa akin na manatiling matatag. Talagang hindi ako si Jamie Oliver, ngunit ang pagluluto ay isa sa aking mga paboritong paraan para mag-cope. Nagsimula akong magluto ilang linggo pagkatapos ng aking unang pagbisita sa klinika ni Doc Randy. Nagbigay ito sa akin ng pakiramdam ng kontrol sa panahong nararamdaman kong napakagulo ng aking buhay.
Ano ang masasabi mo para sa ibang mga tao na mayroog BPD? May maipapayo ka ba?
Kung pinaghihinalaan mo na ikaw o may isang taong kilala ka na maaaring may BPD, humingi ng tulong. Hindi ko mabigyang sapat na diin iyon. Ang BPD ay hindi isang bagay na maaari mong labanan sa iyong sarili. Ang tanging dahilan kung bakit ko ito isinusulat ngayon ay dahil kina Doc Randy, ang aking ina na si Tinna Bonifacio, at marami pang iba. Sila ang sumuporta sa akin noong ako ay nasa hindi magandang estado.
Ngunit gaya ng kasabihan, hindi mo matutulungan ang isang taong hindi tutulungan ang kanyang sarili, kaya kailangan mong maging aktibo at handa sa paglaban. Kung mag-commit ka sa gamutan, maging mas maayos ang mga bagay para say iyo, ipinapangako ko. Iyan ang nangyari sa akin.
Ano ang ilan sa mga maling kuru-kuro ng mga tao tungkol sa BPD?
Ang pagkakaroon ng BPD ay nakakapagod sa emosyonal, mental, at pisikal na estado ng buhay. Mahirap ibuhos ang presensya mo sa sarili mong buhay kung ikaw ay may nilalabanang sariling digmaan sa loob ng iyong utak 24/7. Ang mga hindi nakakaintindi niyan ay tinatawag akong inconsiderate, tamad, et cetera. Pero hindi ako yun. May sakit lang ako, sa totoo lang ginawa ko ang talagang mabuti sa mga bagay na mayroon ako.
Ang mga taong may BPD ay madalas na inilalarawan bilang mapanganib at manipulative. Nabasa ko na maraming mga therapist ang talagang tumatangging tratuhin ang mga borderlines, dahil kilala kami sa pagiging mahirap gamutin. Ngunit upang sabihin sa iyo ang katotohanan, may ilang mga kalamangan sa pagkakaroon ng kondisyong ito.
Kung mayroon kang BPD, ikaw ay maituturing na isang survivor at mandirigma. Ang kakayahang labanan at kontrolin ang sarili mong magulong mood ay hindi madali. Ang mga taong may BPD ay malikhain din, intuitive, walang pigil sa pagsasalita, maramdamin, at protective sa mga mahal nila. Maraming tao na may BPD—kabilang ang aking sarili—ay nalaman na ang pagpapadala ng kanilang matinding emosyon sa ilang anyo ng sining ay nakatultuong sa kanila na manatiling matatag. Sa aking kaso, ito ay pag-arte, pagkanta, at pagsusulat.
Ano ang pinakamahirap na bagay tungkol sa pagkakaroon ng kundisyong ito?
Kapag mayroon kang BPD, ang lahat—kahit ang mga bagay na itinuturing ng iba na simple, tulad ng pagsisipilyo ng iyong mga ngipin o pagtali ng iyong mga sintas ng sapatos—ay maaaring maging hamon, dahil ang matinding emosyon ay maaaring makaparalisa sa iyo.
Kinailangan kong bumangon agad at maging breadwinner ng aming pamilya dahil inatake ng hemorrhagic stroke ang nanay ko. Maiisip mo naman siguro kung gaano kahirap mag-adjust sa bago kong role. Bigla kong kinailangan na alagaan ang aking ina, huminto sa trabaho, patakbuhin ang bahay, at i-manage ang aking mga sintomas sa parehong oras. Ito ay impiyerno sa unang dalawang taon, ngunit ngayon ay mas nakakalma na ang mga sitwasyon buhat sa dalang hirap ng pandemya.
Ang pagiging pinuno sa bahay ay mahirap pa rin, ngunit mas madali na ngayong naiintindihan ng aking pamilya ang buong saklaw ng BPD. Mas handa na silang tulungan ako at ang aking ina ngayon. Nakahanap din ako ng mabuting tagapag-alaga para sa aking ina. Hindi lamang siya nag-aalaga sa kanya, ngunit siya rin ang gumagawa ng karamihan sa mga gawaing bahay. Tumutulong lang ako kapag hindi ako masyadong abala o pagod.
Nalaman ko na ang susi sa pagpapababa ng BPD bilang isang pasanin ay ang pakikipag-usap sa mga nakapaligid sa iyo. Ipaalam sa kanila kung ano ang iyong pakikitungo at kung paano ka nila susuportahan, dahil tulad ng sinabi ko, hindi ito isang laban na maaari mong labanan nang mag-isa.
Matuto pa tungkol sa Isyu sa Mental na Kalusugan dito.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.