Madalas na hindi nauunawaan ng marami ang tungkol sa psychiatric at mental disorders. Hanggang sa ilang dekada ang nakalipas, karamihan sa mga psychiatric disorder ay hindi na natukoy o kaya’y mali ang diagnosis. Gayunpaman, nagbigay daan sa atin ang pag-unlad ng agham at lipunan upang mapabuti natin ang pag-unawa sa mga disorder na ito. Kabilang na dito ang mga sintomas ng iba’t ibang uri ng anxiety disorder na dapat bantayan.
Sa kabila nito, may ilang mga salitang nagpapakilala ng mga tiyak na disorder na nakalilito pa rin.
Ito ngayon ang kaso ng mga anxiety disorder. Ang anxiety ay tumutukoy sa emosyon na nag-aalala o nababalisa kasabay ng hindi pagiging tiyak o sigurado sa mga sitwasyon.
Ang “anxiety disorder” ay terminong ginagamit para sa mga psychiatric disorder na nangyayari kasabay ng patuloy na pagkabalisa.
Sa mga susunod na bahagi, ipapaliwanag natin kung ano ang pinagkaiba ng anxiety sa anxiety disorders. Ibabahagi rin dito kung paano masasabing ito ay disorder, kung anu-ano ang iba’t ibang uri ng anxiety disorder, at anu-ano ang mga sintomas na dapat bantayan.
Pagkakaiba ng Anxiety Disorders at Anxiety
Ang anxiety, bilang isang pakiramdam o emosyon, ay normal lang kung minsang maramdaman. Ang malusog na pag-iisip ay nag-aalala sa mga bayarin, sa hinaharap, o sa kanyang relasyon, at sa iba pang mahahalagang pangyayari sa buhay. Ang nagtatakda ng pagkakaiba ng pakiramdam sa disorder ay depende kung rasonable ang pagkabahala na nararamdaman dulot nito.
Narito ang malinaw na pagkakaiba ng anxiety at anxiety disorders:
- Kabilang sa anxiety ang pag-aalala tungkol sa tugon o sagot na iyong hinihintay. Habang ang anxiety disorders naman ay ang patuloy na pag-aalala nang walang dahilan at umaabot sa puntong naaapektuhan na nito ang iyong pang-araw-araw na buhay.
- Puwede ring anxiety ang tawag kapag napahiya ka sa harap maraming taong hindi mo kilala. Anxiety disorder naman kung takot na takot ka na baka mapahiya ka kaya’t iniiwasan mong malagay sa isang sitwasyon sa simula pa lang.
- Isa pang halimbawa ng anxiety ay ang pagiging kabado o pagkataranta dahil may test ka o presentasyon. Habang ang biglaang pagkataranta at pag-aalala tungkol sa susunod na presentasyon ay maaaring hudyat na ikaw ay may anxiety disorder.
Kailan ito nagiging disorder?
Ngayon, sa anong banda natin masasabing itong anxiety na ito ay senyales na ng pagkakaroon ng anxiety disorder?
Kabilang sa pagbabantay sa mga sintomas ng anxiety disorder ang:
- Pagbabantay ng tagal o ikli ng iyong mga nararamdaman. Kapag ang pagkabalisa ay hindi makatwiran, sobrang bigat na at nakapanghihina, maaaring senyales na ito na kailangan mo nang lumapit sa isang mental health expert.
- Pagtatala kung paano nakapagdudulot ng patuloy at hindi makontrol na pangamba sa araw-araw o regular na sitwasyon ang anxiety disorder na umaabot sa puntong nakagagambala na ito sa iyong mga ginagawa.
Kung balak mo nang magpunta sa mental health expert o support group, maaaring makabuti sa iyo kung lalapit ka sa isang counselor o social worker o sa isang maalam at mapagkakatiwalaang kaibigan upang makakuha ng ibang pananaw sa iyong nararamdaman.
Mga Uri ng Anxiety Disorder
At dahil isang pangkalahatang termino ang anxiety disorder, sumasaklaw ito sa iba’t ibang kategorya:
- General anxiety disorders. Tumutukoy lamang ito sa hindi makatwirang takot sa posibleng mangyayari pa lang, malaki man o maliit ang nakasalalay sa sitwasyong iyon. Maaaari itong makita sa pamamagitan ng mga negatibong kilos na puwedeng mauwi sa emotional at social consequences.
- Obsessive-Compulsive and Related Disorders. Mailalarawan ito bilang patuloy at biglaang pag-iisip o pagkahumaling sa mga bagay, na nagdudulot ng compulsive behavior at ginagawa nang paulit-ulit. Panandaliang binabawasan ng compulsive behavior na ito ang anxiety ng isang tao na may kaugnayan sa mga biglaang naiisip.
- Stimuli-Triggered Disorders (trauma, stressor-related anxiety). Isa itong anxiety na dulot ng tiyak na mga bagay. Maaaring dulot ito ng nagdaang trauma, o kasalukuyang hinaharap na napakabigat na stress. Kaya naman, dito mabibilang ang mga trauma at stressor-related disorders.
- Specific Anxiety Disorders
Mga Uri ng Specific Anxiety Disorders
Specific phobias
Ang specific phobia ay ang pagkakaroon ng patuloy na takot na hindi akma o pantay sa aktuwal na panganib na dulot ng kinatatakutan mo.
Ang presensya o maging kahit ang pag-iisip ng iyong kinatatakutan ay nagdudulot agad ng anxiety. Madalas na nalalaman ng matatanda na hindi makatwiran ang takot na kanilang nararamdaman bagaman hindi nila ito makontrol.
Social Anxiety Disorder
Ang social anxiety disorder ay nakapanghihinang takot sa pakikipag-interaksyon dulot ng posibleng kahihiyan. Kung hindi mawala ang takot na ito sa loob ng anim na buwan, pinakamabuting kumonsulta na sa eksperto.
Post-Traumatic Stress Disorder o PTSD
Ito ang pinakakilalang stimuli-triggered disorder. Sa kondisyong ito, lumalabas ang anxiety disorder dahil sa nagdaang trauma gaya ng nawalan ng mahal sa buhay o karahasan. Ang acute stress disorder at adjustment disorder ay parehong variant ng PTSD.
Panic Disorder
Ito ang mga sintomas ng biglaang pagpa-panic o pagkataranta kasabay ng nakapanghihinang pag-aalala na puwedeng maulit muli ito sa hinaharap.
Generalized anxiety disorder o GAD
Ito ang pag-aalala sa posibleng negatibong kalalabasan ng pangyayari sa hinaharap o sa bagay na gagawin pa lamang. Nagiging sagabal ang sobrang pag-aalala at pagkabalisa sa pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa ibang tao at pamumuhay.
Ang iba pang specific anxiety disorder ay separation anxiety, agoraphobia, selective mutism, o substance-induced disorders.
Mga Posibleng Pisikal na Sintomas
Bukod sa kaalaman kung paano ilalarawan ang anxiety at anxiety disorder, mayroon ding mga pisikal na sintomas ito.
May kasamang chronic life stress ang anxiety disorder dahil ang mga stressor na ito, gaano man ito hindi makatwiran, ay nagdudulot pa rin sa ating katawan ng parehong proseso tulad sa makatwirang stress.
Pinasisigla ng stressors ang stress hormone system at ang cardiovascular system dahil sa takot at pagkabalisa, ito ngayon ang dahilan kung bakit ang anxiety disorder ay nagiging sanhi ng patuloy na pagtaas ng aktibidad.
Kabilang sa mga sintomas ng anxiety na dapat bantayan ang:
- Mabilis na paghinga
- Bumilis na tibok ng puso
- Panghihina
- Pagkahilo
- Pagkabalisa
- Tensyon
- Pagod
- Insomnia
- Gastrointestinal issues
- Pamamawis
- Panginginig
Sa normal na mga kondisyon, mababa ang chronic stress levels, at anumang pagkakataong nandyan ang banta ng takot, naglalabas ang katawan ng mga hormone bilang tugon.
Ang autonomic immune system ang responsable sa paglalabas ng cortisol na nagpapataas ng level ng sugar sa daluyan ng dugo upang mabigyang daan ang katawang kumilos batay sa fight or flight response.
Gayunpaman, kung regular itong mangyayari at mabunsod nang sobra, maaaring magkaroon ng mga komplikasyon sa immune at cardiovascular system at puwedeng manganib sa mga sakit na ito ang sinuman.
Key Takeaways
Sa huli, dapat nating maalagaan ang ating mental health kapareho ng kung paano natin alagaan ang ating pisikal na kalusugan. Kung mayroon kang alalahanin o duda sa pagkakaroon ng anxiety, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa eksperto upang masuri nang wasto ang iyong kalagayan.














