May mga kaso minsan na habang ikaw ay kumakain, ay bigla na lamang bumabara ang pagkain mo sa lalamunan. Ito ay kinakailangang mailabas o matanggal kaagad. Dahil kung hindi ay pupwede itong maging choking hazard at maging sanhi ng pinsala at iritasyon sa lalamunan. Kung minsan pa nga ay pupwede itong magdulot ng kamatayan. Kaya, ano ang mga dapat mong gawin para ito ay mailabas?
May ilang bagay kang pwedeng gawin bilang paunang lunas kapag ito ay nangyari sa iyo, o di kaya ay sa kakilala mo. Narito ang ilan sa mga dapat mong malaman.
May bara sa lalamunan, Paano ito mailalabas?
Naranasan mo na bang may bumara sa lalamunan mo? Maaari itong mangyari kung mabilis mong nilulunok ang kinakain mo. O sa kaso ng mga bata, hindi sinasadyang nalunok nila ang laruan o bagay na inilagay nila sa kanilang bibig.
Madalas ito mangyari lalo na sa mga bata at matatanda. Ang nakababahala ay pupwede itong humantong agad sa di inaasahang sitwasyon, tulad na lamang ng pagbara nito sa airway dahilan upang hindi makahinga ang pasyente.
Sa kabutihang palad, mayroong mga paraan upang matanggal ang bara sa lalamunan. Narito ang ilang bagay na maaari mong subukan sa bahay:
Uminom ng soda
Nakakagulat na epektibo ang pag-inom ng soda para sa bara sa lalamunan. Sa katunayan, isang pag-aaral ang isinagawa upang maunawaan kung gaano ito magiging ka-epektibo. Natuklasan ng pananaliksik na sa halos 80% ng mga kaso na kanilang pinag-aralan, ang pag-inom ng soda ay isang mabisang solusyon.
Hindi tukoy maging ng mga eksperto kung paano ito eksaktong nakatutulong. Pero sa teorya nila, ang carbonation ng soda ang tumutulong para mailabas ang bumarang pagkain. Dahil sa carbonation, nagkakaroon ng build-up ng gas sa loob ng tyan at ito ang tumutulak sa bumarang pagkain upang matanggal ito.
Pwede rin ang tubig
Ang pag-inom ng tubig ay gumagana din para sa bara sa lalamunan. Maaaring makatulong ang tubig na maalis ang nakabarang pagkain. At ito rin ay nakapagpapadulas sa lalamunan, kaya nagiging mas madali na makababa ang pagkain.
Dapat tandaan na ang unang tatlong nabanggit na paraan sa itaas ay hindi maaaring gawin kapag ang bumarang bagay sa lalamunan ay hindi pagkain, dahil maaari nitong lalong maitulak paloob ang bumarang bagay. Sa mga kasong hindi pagkain ang bumara sa lalamunan, ito ay dapat mailabas sa halip na hayaan itong mapunta sa tiyan
Kumain ng malambot na piraso ng pagkain
Isa sa mga maaari ring maging lunas ay ang pagkain ng malalambot na pagkain kapag may bumara sa iyong lalamunan. Ang pagkain ng malambot na piraso ng pagkain, tulad na lamang ng saging, ay makatutulong na itulak ang bumarang pagkain pababa sa iyong tiyan. Bukod pa rito, ito ay mag-i-induce ng tinatawag nating ‘peristalsis’ o ang paggalaw ng lalamunan at bituka na tumutulong itulak ang pagkain para ito ay ma-digest at mailabas ng katawan.
Gawin ang kinakailangang first aid tips
Kung ang mga hakbang sa itaas ay hindi gumagana, o kung ang isang bagay ay nalunok, narito ang maaari mong gawin bilang pangunang lunas sa bara sa lalamunan:
- Bigyan ang tao ng 5 tampal o suntok sa likod gamit ang heel ng iyong kamay. Ito ay dapat na halos nasa pagitan ng mga blades ng balikat.
- Magsagawa ng 5 abdominal thrusts o karaniwang kilala bilang Heimlich maneuver.
- Halinhinang gawin ang dalawang hakbang hanggang sa maalis ang bara.
Narito ang steps ng Heimlich maneuver:
- Tumayo sa likod ng tao, yakapin siya, at ilagay ang iyong mga kamay sa itaas ng kanilang pusod.
- I-clench ang isa sa iyong mga kamay sa isang kamao, at hawakan ito ng mahigpit gamit ang kabilang kamay.
- Itulak pataas at papasok sa tiyan ng tao. Siguraduhing gawin ito nang mabilis.
Ang paraan na ito ay kapaki-pakinabang kung ang pagbara ay hindi maalis, at ang tao ay nahihirapang huminga.
Kung hindi gumana lahat, pumunta kaagad sa ER
Kung ang mga hakbang sa itaas ay hindi gumana, tumawag sa emergency services, o dalhin ang tao sa ER sa lalong madaling panahon. Hindi magandang ideya na mag-aksaya ng oras sa pagsisikap na alisin ang bagay kapag nagawa mo na ang lahat ng paraan na maaari mong gawin. Kaya’t makabubuting tumawag kaagad para sa tulong, at subukang panatilihing kalmado at gising ang taong nasasakal.
Kung ang bara sa lalamunan ng isang bata ay baterya o isang bagay na mapanganib, makabubuting dalahin agad sa ospital. Sa ganitong paraan, ang anumang posibleng pinsala ay maaaring mabawasan at maagapan na solusyonan ang problema.