Ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan ay mahalaga sa bawat indibidwal, sapagkat nagbibigay-daan ito sa atin para madama at ma-enjoy ang buhay nang lubos. Kaya’t hindi na nakapagtataka bakit marami sa atin ang naghahangad na magkaroon ng healthy at strong body. Dahil malaking factor ang malakas ng pangangatawan ng tao para malabanan ang mga sakit, impeksyon, at mabawasan ang mga panganib na magkaroon ng malalang sakit gaya ng sakit sa puso, diabetes, at kanser.
Dagdag pa rito, ayon sa mga pag-aaral ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan ay nakakatulong din upang mas mabilis tayong gumaling mula sa mga sakit at pinsala. Kung saan maaari rin natin mapalakas ang ating pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng balanseng diyeta, regular na pag-eehersisyo, pamamahala ng stress, pagkakaroon ng sapat na tulog, at pag-iwas sa mga nakapipinsalang gawi, tulad ng paninigarilyo, at sobrang pag-inom ng alak.
Gayunpaman, may pagkakataon na hindi maiiwasan na unti-unting nanghihina ang isang tao, na sanhi ng kanilang pagkabalisa, at pagkakaroon ng alalahanin. May mga indibidwal kasi na hindi nila alam bakit sila nakakaramdam ng panghihina, na dahilan naman para matakot sila sa kanilang kasalukuyang kondisyon. Kaya’t ipinapayo ng mga doktor at eksperto na dapat magkaroon ng kaalaman ang mga tao sa mga posibleng dahilan ng unti-unting panghihina, para maiwasan ang takot, maling diagnosis at paggamot
Kaya naman para mabawasan ang iyong pagkabalisa, at matulungan ka sa pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa dahilan ng unti-unting panghihina, patuloy na basahin ang article na ito upang malaman ang mga sagot at mahahalagang impormasyon tungkol dito.
Disclaimer: Ang anumang mababasa sa article na ito ay hindi kapalit ng anumang medikal na payo, diagnosis, at paggamot. Mas mainam pa rin na magpakonsulta sa doktor para makatiyak sa kasalukuyang health condition. Iwasan din ang pagsasagawa ng self-diagnose.
Mga Posibleng Dahilan Bakit Unti-Unting Kang Nanghihina
Kung saan ayon sa vlog ni Dr. Willie Ong na pinamagatang “Unti-unting Nanghihina. Alamin ang Dahilan” maraming posibleng sanhi kung bakit unti-unting nanghihina ang isang tao. Una niyang ipinaliwanag na habang tumatanda tayo, humihina ang ating mga kalamnan at buto, na maaaring humantong sa pagkapagod. Binanggit din niya na ang ilang mga kondisyong medikal tulad ng anemia, mga problema sa thyroid, at diabetes ay maaaring magdulot ng panghihina ng katawan.
Kaya naman nagpayo si Dr. Willie Ong na dapat magkaroon ng malusog na diyeta, regular na ehersisyo, at sapat na tulog para maiwasan ang unti-unting panghihina, at mapanatili ang mabuting kalusugan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkonsulta sa doktor kung ang panghihina ay may kasamang iba pang sintomas tulad ng lagnat, pagbaba ng timbang, o pananakit. Iminungkahi rin niya na ang doktor ay maaaring magsagawa ng mga pagsusuri para matukoy ang mga underlying cause, at magbigay ng naaangkop na paggamot.
Iba pang dahilan bakit unti-unting nanghihina ang isang tao
Narito ang mga sumusunod na iba pang sanhi kung bakit unti-unting nanghihina ang isang indibidwal:
- Malnutrisyon
Ang kakulangan ng wastong nutrisyon, partikular na ang protina, ay maaaring maging sanhi ng muscle weakness at wasting.
- Pagkakaroon ng malalang sakit
Ayon sa mga doktor ang ilang mga malalang sakit, tulad ng kanser, diabetes, sakit sa puso, at sakit sa bato, ay maaaring humantong sa panghihina ng kalamnan sa paglipas ng panahon.
- Pagtanda
Habang tumatanda tayo natural na nawawalan ng lakas ang ating mga kalamnan na maaaring humantong sa unti-unting panghihina.
- Kakulangan sa pisikal na aktibidad
Kapag ang isang tao ay hindi regular na nag-eehersisyo o nakikibahagi sa pisikal na aktibidad, maaaring maging mahina ang kanilang kalamnan.
- Mga gamot
Ang ilang mga gamot, tulad ng mga ginagamit sa paggamot sa mataas na presyon ng dugo o depresyon, ay maaaring maging sanhi ng panghihina ng kalamnan bilang isang side effect.
Dapat mong tandaan!
Marami pang posibleng dahilan ng unti-unting panghihina ng isang tao at maaari na nakadepende ito sa medikal na kasaysayan ng isang indibidwal, at kasalukuyang kalagayan ng kalusugan. Kaya naman pinakamainam na kumunsulta sa isang doktor para sa tamang diagnosis at plano sa paggamot.