backup og meta

Pamamanas Ng Paa: Ano Ang Maaaring Maging Sanhi Nito?

Pamamanas Ng Paa: Ano Ang Maaaring Maging Sanhi Nito?

Ang pamamanas ay abnormal na pagsasama-sama ng mga likido sa bahagi ng paa, binti at iba pang bahagi ng ating mga katawan. Madalas, ang pamamanas ng paa ay naririnig na lamang natin na pangkaraniwan sa mga buntis. Kalimitan na sanhi nito ay dahil sa matagal na oras ng pagtayo o paglalakad lalo na kung mainit ang panahon.

Maaaring ang pamamanas ng paa ay hindi dapat ikabahala kung natukoy na ang sanhi nito. Ngunit may mga pagkakataon na ang pamamanas ay kaugnay ng ilan pang kondisyong medikal na kailangang maagapan.

Sanhi Ng Pamamanas Ng Paa

Pagbubuntis

Karaniwan lamang ang pamamanas ng paa pagdating sa mga buntis. Nangyayari ito sapagkat bumibigat ang timbang kaya naman nagkakaroon ng pwersa sa mga ugat. Dagdag din na salik ay ang pagbabago ng mga hormone.

Bagamat pangkaraniwan lamang ang pamamanas sa mga buntis, ang malubhang pamamanas ay maaring senyales ng tinatawag na preeclampsia. Ang preeclampsia ay pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo at maaaring senyales ng pinsala sa atay o bato na nangyayari sa kababaihan pagkatapos ng ika-20 linggo ng pagbubuntis.

Maaari din magkaroon ng postpartum preeclampsia na nangyayari pagkatapos ipanganak ng babae ang kanyang sanggol, kadalasan sa loob ng 48 oras. Ito ay bihira lamang mangyari.

Kakulangan Ng Venous Return

Isa pa sa maaaring sanhi ng pamamanas ng paa ay ang kakulangan ng venous return, na nangyayari kapag ang mga ugat sa iyong mga binti ay hindi gumagana nang maayos, na nagiging sanhi ng pagkaipon ng dugo.

Ang kakulangan ng venous return ay may sintomas na paninikip, pangangati at pananakit na pakiramdam sa binti, pananakit kapag naglalakad o pagbabago sa kulay ng iyong balat.  Maaari din itong humantong sa mga pagbabago sa balat, skin ulcers, at impeksyon. 

Problema Sa Puso, Atay At Bato

Kung ang puso ay mayroong problema, maaaring hindi maging sapat ang pag-pump nito ng dugo na dadalhin mula sa paa pabalik sa baga at iyong puso, na humahantong sa pamamanas ng paa.

Kabilang sa maaaring sintomas ng sakit sa puso ang pananakit ng dibdib, kapos sa paghinga, mababa ang BP, at iba ang pagtibok ng puso.

Humahantong din sa pamamanas ng paa, kamay, mukha at binti ang pagkakaroon ng sakit sa atay at bato. Kung ang bato ay hindi gumagana nang maayos, ang likido ay maaaring maipon sa katawan. Habang ang pagkakaroon naman ng sakit sa atay ay nakaaapekto sa produksyon ng protina na tinatawag na albumin. Ang kakulangan nito ay maaaring magresulta sa pagkaipon ng likido sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Gout

Tinatawag na gout ang pagkakaroon ng uric acid sa iyong dugo na may kasamang pamamaga at pananakit ng joints. Ito ay maaari din maging sanhi ng pamamanas ng paa o pagkamaga ng paa, lalo na sa hinlalaking bahagi nito.

Kalimitan itong tumatagal ng 3 hanggang 10 araw. Kabilang pa sa mga sintomas ng gout ang sakit sa kasukasuan, paninigas, at maling hugis ng mga kasukasuan.

Paraan Ng Pamumuhay

Isa pa sa maaaring sanhi ng pamamanas ng paa ang paraan ng iyong pamumuhay araw-araw bukod sa mga nabanggit na kondisyong medikal. Ang sumusunod ay maaaring nakakaapekto sa pamamanas:

  • Hindi pagiging aktibo o kakulangan sa ehersisyo
  • Pagkakaroon ng sobrang timbang
  • Sobrang pagkain ng maaalat na pagkain
  • Matagal na pagkakaupo, pagtayo o paglalakad
  • Pagsusuot ng sapatos na hindi angkop sa laki ng iyong paa

Paano Mababawasan Ang Pamamanas

  • I-ehersisyo ang iyong mga binti. Makatutulong ito sa pag-pump ng likido mula sa iyong mga binti pabalik sa iyong puso.
  • Bawasan ang pagkain ng mga maaalat na pagkain.
  • Huwag manatili ng matagal na oras na ikaw ay nakatayo o nakaupo.
  • Iwasan ang pagsusuot ng masisikip sa bahagi ng iyong binti.
  • Magbawas ng timbang kung kinakailangan.
  • Ilagay ang mga binti sa unan upang itaas ang mga ito sa itaas ng iyong puso habang nakahiga.
  • Maaaring kumain ng mga pagkaing mayaman sa magnesium tulad ng mani, dark chocolate, mga gulay at iba pa.
  • Mag-ehersisyo tulad ng paglalakad o paglangoy.

Key Takeaways

  • Ang pamamanas ay maaaring dahil sa iba’t ibang kondisyong medikal tulad ng gout, sakit sa puso, atay at bato, kakulangan ng venous return o pagbubuntis.
  • Maaaring ito rin ay sanhi lamang ng pang-araw-araw na paraan ng pamumuhay ng isang tao.
  • Mabuting kumonsulta kaagad sa iyong doktor kung ang pamamanas ng paa ay mas lumalala at may kaakibat na ibang sintomas.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Foot, leg, and ankle swelling, https://www.mountsinai.org/health-library/symptoms/foot-leg-and-ankle-swellingAccessed July 18, 2022

6 Possible Reasons Why You Have Swollen Feet, Ankles or Legs, https://www.keckmedicine.org/blog/6-possible-reasons-why-you-have-swollen-feet-ankles-or-legs/Accessed July 18, 2022

Swollen Feet and Ankles: Treatments to Try, https://health.clevelandclinic.org/6-best-ways-relieve-swollen-feet-ankles-home/Accessed July 18, 2022

Swollen Ankles and Feet, https://www.webmd.com/a-to-z-guides/swollen-ankles-and-feet, Accessed July 18, 2022

When are Swollen Feet Indicative of a Problem? https://www.footdoc.org/faqs/when-are-swollen-feet-indicative-of-a-problem-alliance-foot-amp-ankle-specialists-podiatrists.cfm, Accessed July 18, 2022

Common Causes of Swollen Feet, https://www.flushinghospital.org/newsletter/common-causes-of-swollen-feet/Accessed July 18, 2022

Preeclampsia, https://www.mountsinai.org/health-library/diseases-conditions/preeclampsia, Accessed July 18, 2022

Kasalukuyang Version

05/27/2023

Isinulat ni Marenila Bungabong

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

4 Na Pwedeng Mangyari Sa’yo Kapag Tinamaan Ka Ng Kidlat

Pahinga: Bakit ito Mahalaga Para sa Iyong Kalusugan?


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Marenila Bungabong · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement