Kilala ang mga Pilipino bilang “matiisin” na tao dahil marami sa atin ang pinipiling kayanin ang bawat sakit na nararamdaman — gaya ng pananakit ng katawan. Ang pagpapabaya sa pananakit ng katawan ay isang malinaw na tanda ng pagsasawalang–bahala ng kalusugan. Marami sa atin na bago magpadala sa ospital ay hihintayin muna na lumala ang kondisyon. Kung saan ang ganitong mga senaryo ay nagreresulta minsan ng mga hindi inaasahang pagkamatay.
Isa ang pananakit ng katawan o muscle cramps sa mga kondisyon na madalas isawalang-bahala ng mga Pilipino. Kaya naman hindi nakapagtataka kung marami sa atin ang walang sapat na kaalaman tungkol sa kondisyon na ito.
Gayunpaman, bagama’t marami ang may kakulangan sa kamalayan tungkol dito, may mga nagtatanong pa rin kung masama ba ang muscle spasm sa kalusugan ng tao? O tama lang ba na isawalang-bahala ito ng isang tao. Narito sa artikulong ito ang kasagutan.
Ano Ang Muscle Spasm?
Kilala rin bilang “charley horse” o “muscle cramp” ang muscle spasm. Ito ay tumutukoy sa hindi sinasadya (involuntary) at malakas na pag-urong at pag higpit ng kalamnan. Kung saan madalas itong maganap sa mga hita, binti, paa, kamay, at braso. Maaari rin itong mangyari sa tiyan o sa kahabaan ng rib cage. Madalas na hindi naman nakakapinsala ang muscle spasms, pero maaari itong magresulta sa kawalan ng kakayahan na gamitin ng isang tao ang apektadong kalamnan sa loob ng maikling panahon.
Dagdag pa rito, ang muscle spasms ay involuntary at maaaring tumagal ng iba-ibang oras (i.e., segundo hanggang minuto) upang humupa. Pagkatapos ng pag-atake ng muscle spasm, maaaring makaramdam ng sakit at panlalambot ang iyong kalamnan.
Ano Ang Maaari Mong Maramdaman Sa Muscle Spasm?
Maaari kang makaramdam ng discomfort na may kasamang paninigas hanggang sa biglaang, pagsikip, at matinding pananakit ng kalamnan. Kung saan pwedeng pigilan ng pananakit na ito ang normal na paggana ng iyong kalamnan.
Sa panahon din ng muscle spasm, pwede ring may makita kang muscle knots o pag kibot ng apektadong kalamnan kapag nag-contract ang kalamnan. Maaari ring maging mabigat ang pakiramdam ng kalamnan sa kapag hinahawakan.
Paano Nagkakaroon Ng Muscle Spasm Ang Isang Tao?
Karaniwan nagkakaroon ng muscle spasm ang isang indibidwal kapag ang isang kalamnan ay sobrang nagamit o nasugatan. Bukod pa rito, ang pag-eehersisyo nang walang sapat na likido (dehydration) o pagkakaroon ng mababang antas ng minerals tulad ng sodium, potassium, o calcium ay maaari ring maging sanhi ng muscle spasm.
Bukod pa sa mga nabanggit na dahilan ng muscle spasm, narito pa ang mga sumusunod na sanhi:
- kakulangan ng nutrisyon
- pagtaas ng demand ng blood flow
- pagkakaroon ng mga underlying health condition
- edad
Tandaan mo rin na pwedeng maganap ang pag-atake ng muscle spasm habang naglalaro ka ng isports o nag-eehersisyo.
Maaari rin ma-trigger ang muscle spasm ng mga sumusunod:
- mga gamot
- alcoholism
- menstruation
- hypothyroidism (underactive thyroid)
- pagbubuntis
- kidney failure
Masama Ba Ang Muscle Spasm?
Walang duda na maaaring makasama sa kalusugan ang muscle spasm dahil resulta at indikasyon ito ng mga underlying health condition at kakulangan ng pangangalaga sa kalusugan. Ang pag-atake ring ng muscle spasm ay maaaring maging dahilan ng mga aksidente at hindi pagiging aktibo sa paggawa ng mga pang-araw-araw na aktibidad.
Kailan Dapat Kumonsulta Sa Isang Doktor?
Sa oras na makaranas ka ng mga sumusunod magpa-check up na agad sa doktor:
- may matinding kakulangan sa ginhawa
- nagkaroon ka ng pamamaga sa binti, pamumula o pagbabago sa balat
- paghina ng iyong kalamnan
- madalas na pag-atake ng muscle spasm
- hindi pag-epekto ng self-care bilang tugon sa mga atake
- pagkakaroon ng hindi malinaw na dahilan ng muscle spasm
Makakatulong ang pagpapakonsulta sa doktor para malaman ang saktong dahilan ng iyong muscle spasm at angkop na paggamot na dapat gawin sa iyong kondisyon. Ang pag-inom ng tubig at proper stretching ay maaari ring makatulong sa pagpapabuti ng iyong kalagayan.