Ang kidlat ay likas na mapanganib at delikado para sa buhay ng isang tao. Sapagkat ang kidlat ay isang uri ng kuryente na maaaring maglakbay sa pamamagitan ng isang malaking discharge ng enerhiya mula sa mga ulap patungo sa lupa. Sa oras na ang kidlat ay tumama sa isang bagay tulad ng isang puno, o kaya sa tao, pwedeng magdulot ito ng matinding pinsala.
Ilan sa mga epekto ng malakas na kidlat ay sunog, pinsala sa mga gusali at bahay, at pagkasira ng mga kagamitan na may koneksyon sa kuryente. Dagdag pa rito, kung sa tao tumama ang kidlat maaaring magdulot ito ng pinsala sa pandinig, at makaapekto sa pangkabuuang kalusugan ng isang tao.
Kaya’t napakahalaga na mag-ingat at magkaroon tayo ng sapat na kaalaman tungkol sa kidlat. Laging tandaan na kapag mayroong malakas na kidlat, dapat kang sumunod sa mga patakaran sa kaligtasan, gaya ng panatilihing ligtas ang sarili sa loob ng bahay, at pag-iwas sa paggamit ng mga kagamitan na may koneksyon sa kuryente habang may kidlat.
Para madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa kidlat, patuloy na basahin ang article na ito.
Ano ang nangyayari kapag tinamaan ng kidlat?
Kapag ang isang tao ay tinamaan ng kidlat, dumadaan o pasok sa kanilang katawan ang kuryente na mula sa kidlat, na maaaring magdulot ng iba’t ibang pinsala, mula sa minor hanggang severe injuries.
Ang mga epekto ng pagtama ng kidlat sa isang tao ay maaaring mag-iba depende sa mga iba’t ibang factors, gaya ng lakas ng kidlat, ang path na dinaanan ng kuryente sa katawan, at ang pangkalahatang kalusugan at pisikal na kondisyon ng tao.
Bukod pa rito, narito ang listahan kung ano ang nangyayari kapag tinamaan ng kidlat ang isang tao:
- Burns
Kapag tinamaan ng kidlat ang isang tao, maaari itong magdulot ng paso sa balat sa mga entry at exit point ng electric current. Ang mga paso na ito ay karaniwang mababaw at maaaring mula sa maliliit na paso hanggang sa matinding paso na pwedeng mangailangan ng medikal na atensyon.
- Cardiac arrest
Ang electrical current na mula sa isang kidlat ay maaaring makagambala sa mga normal na signal ng kuryente sa puso, na posibleng humantong sa cardiac arrest. Ito ay isang malubhang kondisyon na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon, dahil maaaring makamatay ito.
- Neurological damage
Ang kidlat ay maaari ring magdulot ng pinsala sa central nervous system, na maaaring humantong sa isang hanay ng mga sintomas ng neurological tulad ng pagkalito, mga seizure, at pagkawala ng malay. Sa ilang mga kaso, ang pinsala ay maaaring maging permanente.
- Pagkawala ng pandinig
Tandaan mo na ang mga pagtama ng kidlat ay maaaring makagawa ng napakalakas na kulog, na maaaring magdulot ng pansamantala o permanenteng pagkawala ng pandinig sa ilang mga kaso.
Sa kabuuan, mahalagang humingi kaagad ng medikal na atensyon kung ang isang tao ay tinamaan ng kidlat, kahit na mukhang mabuti ang kanilang kalagayan, dahil maaaring delayed o nakatago ang mga pinsala kaya hindi agad makita. Dagdag pa rito, ang electrical current mula sa kidlat ay maaari ring makapinsala sa mga internal organs at tisyu, at sa ilang mga kaso ay maaaring magdulot ito ng pangmatagalang problema sa kalusugan.
Ano ang survival rate ng mga taong biktima nito?
Bukod sa pag-alam kung ano ang nangyayari kapag tinamaan ng kidlat ang isang tao, dapat mo ring alamin ang survival rates ng isang indibidwal kapag tinamaan sila ng kidlat. Sa katunayan, ang survival rates ng bawat tao na tinamaan ng kidlat ay nag-iiba depende sa kalubhaan ng mga pinsalang natamo.
Ang ilang mga tao ay maaaring ganap na gumaling na may kaunti o walang pangmatagalang epekto, habang ang iba naman ay pwedeng makaranas ng patuloy na mga problema sa kalusugan bilang resulta ng pagtama ng kidlat. Kaya naman mahalagang humingi kaagad ng medikal na atensyon kung ang isang tao ay tinamaan ng kidlat.