Ano ang coma? Ang coma ay isang estado ng matagal na kawalan ng malay na maaaring dulot ng traumatic head injury, stroke, tumor sa utak, pagkalulong sa droga o alkohol, iba pang mga sakit gaya ng diabetes, o impeksyon. Ito ay isang tiyak na medical emergency.
Ano Ang Coma? Ano Ang Nangyayari Kung Nasa Coma Ang Isang Tao?
Walang malay sa kanyang paligid ang taong nasa coma. Hindi sila makagalaw at makatugon sa mga boses, iba pang tunog, o anumang uri ng stimuli. Buhay ang taong nasa coma ngunit ang kanyang utak ay gumagana sa pinakamababang lebel ng pagiging alerto nito. Maaaring mukhang malusog ang pasyente at tila natutulog lamang, subalit hindi siya maaaring alugin at gisingin.
Wala silang kontrol o kamalayan sa mga tiyak na paggalaw, ngunit pinapanatili nila ang mga pangunahing life support functions tulad ng paghinga at sirkulasyon.
Ano Ang Coma? Mga Sanhi Nito
Ang coma ay maaaring sanhi ng mga sumusunod, kabilang na ang:
- Mga impeksyon sa utak
- Stroke
- Chemical imbalances sa katawan dulot ng iba pang sakit
- Malubhang injury sa ulo na nakaaapekto sa utak
- Overdose sa droga
- Brain damage
- Kombulsyon
Ano Ang Coma? Paano Alagaan Ang Taong Nasa Coma
Ang taong nasa coma ay dapat alagaan sa loob ng ospital, tulad ng medical care unit (ICU). Dito, ang pasyente ay nakakukuha ng kinakailangang medikal na atensyon na kailangan upang gumaling.
Maaaring mangailangan ng tulong ng ventilator ang ilang comatose na pasyente dahil maaaring hindi nito kayang huminga nang mag-isa. Ito ay isang makina na nag-pump ng hangin sa mga baga sa pamamagitan ng isang tubong inilagay sa windpipe.
Nangangailangan ng karagdagang atensyon at pangangalaga ang comatose na pasyente. Siya ay may tyansang magkaroon ng ibang sakit tulad ng bedsore. Ang bedsores ay mga bukas na sugat sa katawan na dahil sa pagkakahiga sa iisang lugar sa loob ng matagal na panahon.
Labhang nakalulungkot ang magkaroon ng mahal sa buhay na nasa coma at ito ay isang malaking pagsubok sa pamilya ng pasyente. Ngunit hinihikayat na patuloy silang makihalubilo sa maliliit na paraan sa isang taong comatose, tulad ng pagpapatugtog ng mga kanta at pakikipag-usap sa kanila. Maaaring marinig pa rin ng pasyente ang mga nangyayari kahit hindi siya makatugon.
Ano Ang Coma? Ano Ang Nangyayari Matapos Nito?
Maaaring tumagal ang coma sa hindi tiyak na matagal na panahon. May mga pagkakataong ang isang indibidwal ay nananatili sa ilalim ng nasa coma sa loob ng mga araw, linggo, buwan, o maging taon. At sa panahong ito, napakakaunti lamang ng nagagawa ng pasyente maliban sa paghinga nang mag-isa.
Karamihan sa mga pasyente ay gumagaling mula sa coma.
Sa TV, ang paggaling ng isang taong nasa coma ay karaniwang ipinakikita sa pamamagitan ng simpleng “paggising” at pagpapatuloy sa buhay nang normal. Ngunit sa totoong buhay, bihira itong mangyari. Sa paggaling mula sa coma, marahil ang isang indibidwal ay malito at maguluhan. Kakailanganin ng panahon upang magsimulang bumuti ang pakiramdam ng pasyente.
Rehab
Ang pagbalik ng pasyenteng sumailalim sa comatose sa normal na pamumuhay ay nakadepende sa naging sanhi ng coma at sa tindi ng trauma o pinsala sa utak ng pasyente.
Maaari siyang sumailalim sa rehab — medically-based na rehabilitation at community-based na rehab — na naglalayong tulungan ang mga tao na magkaroon muli ng kakayahang tumayo sa sariling mga paa.
Maaaring kailanganin ng ibang tao ang therapy upang matutuhang muli ang mga pangunahing gawain tulad ng pagsisintas ng kanilang mga sapatos, pagkain gamit ang tinidor o kutsara, o pag-aaral na maging mobile at makapagsarili muli. Ang mga pasyenteng ito ay maaari ding mahirapan sa pagsasalita o pag-alala ng mga bagay-bagay.
Ang rehab program ay ibinabatay sa bawat pasyente dahil ang paraan ng pag-recover ay iba-iba sa bawat indibiduwal. Sa paglipas ng panahon at sa tulong ng therapists, gayunpaman, ang nakare-recover na mga pasyente ay maaaring makagawa ng malaking pag-unlad. Maaaring hindi nila maibalik ang eksaktong lebel ng kanilang kalusugan bago sila sumailalim sa comatose. Ngunit maaari pa rin silang mamuhay nang normal at maging masaya sa kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
Matuto pa tungkol sa mga Medikal na Kondisyon dito.