Mayroon ka bang kilala na palaging pagod kahit wala namang ginagawa? O ikaw mismo ay madalas makaranas rin ng pagkapagod kahit wala ka namang ginagawang aktibidad? Ang ganitong klase ng pakiramdam ay maaaring maging sanhi ng iyong pag-aalala, dahil pwedeng manifestation ang pagkapagod ng pagkakaroon mo ng sakit na kailangang ipatingin sa doktor at gamutin.
Lahat ng tao ay posible na magkaroon ng pagkapagod o fatigue kahit sila ay walang ginagawa. Gayunpaman, iba-iba ang dahilan ng pagkapagod ng isang tao at nasa artikulong ito ang pinakakaraniwang mga dahilan kung bakit palaging pagod ang isang tao.
Narito ang mga sumusunod:
Anemia
Kung mayroon kang iron deficiency na kilala rin bilang anemia ibig sabihin nito ay hindi ka nakapagpro-produce ng tamang amount ng red blood cells. Kung saan ang mga cell na ito ay kailangan upang matustusan ang ating katawan ng wastong dami ng oxygen para gumana nang tama ang ating mga organ.
Sa oras na ganito ang nangyayari sa’yong katawan dahil sa anemia, maaaring magdulot ito sa iyo ng pakiramdam ng pagkaubos at pagkapagod.
Depression
Ang depresyon ay maaaring maging sanhi ng kawalan mo ng interest sa paggawa ng pang-araw-araw na aktibidad na pwedeng humantong sa pagkapagod at pagkakaroon mo ng problema sa pagkain at iyong sleeping habits.
Pagbubuntis
Normal lamang na makaramdam ng pagkapagod kahit wala kang ginagawa kung isa kang buntis. May batang lumalaki sa iyong sinapupunan na kinakailangan na suportahan ng iyong katawan upang patuloy na mabuhay.
Kapag ang isang tao ay nagbubuntis ang kanyang katawan ay nagbibigay ng enerhiya at blood flow sa bata. Ito ang dahilan kung bakit mas nakakaramdam ng pagkapagod ang isang buntis kahit wala naman siyang ginagawang pisikal na aktibidad. Dagdag pa rito, sa ikatlong semestre ng isang buntis mas nagpro-produce siya ng progesterone – ito ay hormone na nagiging dahilan para makaramdam ka ng pagkapagod.
Chronic Kidney Disease
Ang hindi paggana nang maayos ng ating bato ay maaaring humantong sa pagkakaroon natin ng koleksyon ng toxins at impurities sa ating dugo na pwedeng dahilan ng pagiging mahina at pagkapagod ng isang tao.
Sleep Apnea
Ang sleep apnea ay isang sleep disorder kung saan ang iyong paghinga ay nakakagambala sa’yong pagtulog.
Maaaring humantong ang sleep apnea sa iba pang problema sa kalusugan gaya ng pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo, diabetes, at heart attacks na pwede maging dahilan upang mas maramdaman mo ang pagkapagod.
Bacterial o Viral Infection
Kapag ang isang tao ay may lagnat o sipon maaaring makaramdam ka nang labis na pagkapagod dahil ang iyong katawan ay nilalabanan ang impeksyon. Huwag mo ring kakalimutan na kapag nagkaroon ng mas seryosong bacterial o viral infections ang isang tao na nakakaapekto sa ating iba’t ibang organs ay maaari itong maging sanhi ng mas malubhang pagkapagod.
Diabetes
Isa sa mga pangunahing sintomas ng diabetes ay ang pagkapagod. Kapag hindi nila nakontrol o na-manage nang mabuti ang kanilang diabetes maaaring mag-spike o tumaas ang kanilang blood sugar levels. Ito ay pwedeng magresulta ng dehydration ng isang tao na nagiging sanhi ng kanilang pagkapagod.
Underactive Thyroid
Ang hypothyroidism ay isang kondisyon kung saan ang thyroid gland ay hindi nagpro-produce ng sapat na thyroid hormone. Sa oras na maganap ito ang iyong metabolism ay nagsisimula na bumagal o mag-slow down na maaaring humantong sa pagkapagod.
Nutritional Deficiencies
Ang pagkakaroon ng kakulangan sa vitamins gaya ng B12 at D ay pwedeng maging sanhi ng iyong pagkapagod. Sa oras na makita ng doktor na ang dahilan ng iyong pagkapagod ay dahil sa nutritional deficiencies ay maaari silang magrekomenda ng iba’t ibang supplements na angkop sa’yong pangangailangan.
Kailan Dapat Magpakonsulta Sa Doktor?
Sa oras na labis ng nakababahala at nakakasagabal na sa’yong pamumuhay ang iyong pagkapagod kahit wala ka namang ginagawa, magpakonsulta ka na agad sa doktor. Maaari kasi na hindi lamang simpleng pagkagod ang iyong nararamdaman, at palatandaan na pala ito ng pagkakaroon mo ng chronic fatigue syndrome.
Kapag ang isang tao ay nakaranas ng pagkapagod sa loob ng 6 na buwan kahit sa mga panahon na wala naman siyang aktibidad na isinasagawa maaaring nagtataglay na siya ng chronic fatigue syndrome. Subalit ang kondisyon na ito ay kailangan makumpirma muna ng isang doktor upang makakuha ka ng wastong medikal na payo at paggamot.
Sa pagkakaroon mo ng chronic fatigue syndrome maaaring makaranas ka ng pananakit ng kalamnan, kahirapan sa pagtulog, pagkakaroon ng flu-like symptoms, at problema sa memorya.
May Gamot Ba Para Sa Chronic Fatigue Syndrome?
Habang wala pang gamot ang chronic fatigue syndrome, maaari itong i-manage sa pamamagitan ng pagkakaroon ng cognitive at behavioral therapy at pagkakaroon ng medikasyon gaya ng sleeping aids.
Key Takeaways
Ang pagiging palaging pagod ng isang tao ay may iba’t ibang dahilan na dapat nating malaman. Mahalaga na magpakonsulta tayo sa doktor sa oras na mapansin natin na nakakasagabal o nakakabahala na ang ating pagkapagod, lalo na sa mga panahon na wala tayong ginagawa.
Mahalaga na makipag-usap at kumonsulta ka sa doktor para malaman ang pinakaugat ng iyong pagkapagod upang mabigyan ka ng medikal na payo sa kung paano maaaring solusyunan ang iyong problema. Ang pagkapagod o pagiging palaging pagod ay maaaring sintomas ng iba pang medikal na kondisyon na dapat bigyang pansin.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan dito.