Pitong porsyento ng bigat ng ating katawan ay mula sa ating dugo. Ganoon na lamang din ang kahalagahan ng sirkulasyon ng ating dugo sa buong katawan. Ilan sa mga pagkain na kinakain natin ay nakatutulong sa sirkulasyon upang maiwasan din ang sakit sa puso. Mayroong mga pagkaing pampalabnaw ng dugo upang mabawasan ang panganib ng pamumuo ng dugo at stroke.
Benepisyo Ng Malabnaw Na Dugo
Batay sa mga pag-aaral, napabubuti ng malabnaw na dugo ang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan. Gayundin, napababa nito ang tyansa na magkaroon ng mga isyung medikal sa vascular at mga kondisyong tulad ng pamumuo ng dugo at hemorrhages.
Blood Clot
Ang pamumuo ng dugo o blood clot ay normal lamang ngunit isang kumplikadong proseso sa ating katawan. Tumutulong ito sa pag-iwas ng patuloy na pagdurugo kapag nasugatan ang isang bahagi ng ating katawan. Gayunpaman, may mga pagkakataon na namumuo ang dugo sa mga kritikal na bahagi ng katawan tulad ng puso, baga o utak. Maaari itong magdulot ng malubhang komplikasyon kung hindi magagamot.
Maaaring mangyari ang pamumuo sa mga daluyan ng ating dugo. Kapag ganito ang nangyari, makakaapekto ito sa mismong sirkulasyon ng dugo na magreresulta sa stroke.
Mga Pampalabnaw Ng Dugo
Ang pag-alam sa mga pagkain na maaaring kainin upang makatulong sa pag labnaw ng ating dugo ay makatutulong sa iyong kalusugan.
Salmon
Ang mga pagkaing mataas sa omega-3 fatty acids tulad ng salmon, tuna, mackerel at trout ay nakatutulong sa pagpapababa ng mga lebel ng kolesterol. Sinasabi rin ito ay maaaring makatulong sa pagpapalabnaw ng dugo upang maiwasan ang tiyansa ng pamumuo ang dugo.
Luya
Ang kemikal na acetyl salicylic acid na nagmula sa salicylate ay ang bumubuo sa iyong pangkaraniwang aspirin araw-araw. At isa ang luya sa naglalaman nito.
Pagdating sa pagpapalabnaw, nakatutulong ito sa upang mabawasan ang pamamaga at higit na makapagpahinga ang mga kalamnan.
Bukod rito, sinasabi rin ng mga pag-aaral na maraming maaaaring maidulot na benepisyo ang luya sa ating kalusugan.
Cinnamon
Mayroong anti-coagulant ang cinnamon na may kakayahang magpababa ng blood pressure at mabawasan ang pamamaga. Tandaan lamang na hindi maaaring sumobra nito sapagkat maaaring magdulot ito ng problema sa atay.
Napapababa rin nito ang posibilidad na magkaroon ng stroke.
Almond
Bukod sa lasang masarap na naibibigay ng almond, ito ay mabisang pinagkukunan din ng vitamin E. Bitaminang may katangian ng anti-clotting at maaaring makatulong sa pagpapalabnaw ng dugo.
Bawang
Kilala ang bawang bilang pampalasa sa ating mga nilulutong putahe. Maliban dito, ang bawang din ay tumutulong sa pagpapalabnaw ng dugo, pagpapababa ng blood pressure, at pagpapadali ng daloy ng dugo.
Pinya
Naglalaman ang prutas na ito ng enzyme na bromelain, na tumutulong labanan ang pamumuo ng mga uric acid crystal na maaaring magresulta sa kidney stones at gout.
Isang natural na pampalabnaw rin ng dugo ang enzyme dahil sa kakayahang mabawasan ang pagiging agresibo ng mga platelet ng ating dugo.
Ginseng
Tinuturing na isa sa mga pinakakilalang halamang gamot ang ginseng sa Asya. Maaari nitong mapabuti ang sirkulasyon ng dugo sa katawan ng isang tao. Dagdag pa rito, sinasabi rin na nakakapagpabawas ito ng blood sugar at epektibong pangontrol sa blood pressure.
Turmeric
Ito ay pampalasa na matagal nang ginagamit bilang tradisyonal na katutubong gamot. Batay sa ilang mga pag-aaral, nakitang nakatutulong ito upang maiwasan ang pamumuo ng dugo.
Key Takeaways
- Ang pagkakaroon ng malabnaw na dugo ay maaaring makatulong sa pag-iwas ng panganib sa pamumuo ng dugo at stroke.
- Kinakailangan pa rin kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang sapat lamang na pagkain ng mga pagkaing pampalabnaw ng dugo.
- Huwag kalilimutan na maaaring magkaroon pa rin ng masamang epekto sa kalusugan ang labis na pagkain ng mga pagkaing pampalabnaw ng dugo.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan dito.