backup og meta

Benepisyo ng Kalabasa: Hindi Lamang ito pang-Halloween! Alamin Dito

Ang benepisyo ng kalabasa ay makukuha sa mayroong higit sa isandaang uri nito. May iba’t-ibang uri ang pamilyang kinabibilangan ng kalabasa. Kung kaya huwag magtaka kung kasama rin dito ang pumpkin na sikat tuwing Halloween, at ang zucchini. Ngunit ang karamihan ay nalilito, kung ang kalabasa ay gulay o prutas.

Ito ay isang prutas sa perspektibo ng botanika, dahil sa matingkad nitong kulay tulad ng iba pang mga prutas. Ito rin ay may mga buto na nabubuo mula sa mga bulaklak ng halaman. Subalit hindi lahat ay sang-ayon dito dahil para sa kanila, ang kalabasa ay gulay na may banayad na lasa.

Mga benepisyo ng kalabasa

Beta-carotene

Ang kulay orange pa lang ng kalabasa ay ebidensya na kung gaano ito kayaman sa beta-carotene na nagiging Vitamin A. Sa katunayan, makakakuha ka ng 127 porsyento ng pang-araw-araw na halaga para sa Vitamin A sa isang tasa lamang ng kalabasa.

Bilang isang antioxidant, ang beta carotene na nasa kalabasa ay may iba pang benepisyo sa kalusugan. Mahalaga ito sa paningin at iba pang biological functions. May mga katibayan na ang mga carotenoids ay nakakatulong sa pagbawas ng panganib ng kanser sa suso. Binabawasan rin nito ang kadalasang pagkawala ng memorya ng mga matatanda. Ang carotenoids ay maaari ding makatulong  sa pagbawas ng talamak na pamamaga sa katawan. Ito  ay maaaring magpababa ng panganib na dulot ng:

  • Sakit sa puso
  • Type 2 diabetes
  • Dementia
  • Cancer

Lutein 

Isa sa mga benepisyo ng kalabasa ang taglay nitong lutein at zeaxanthin ang kalabasa. Ang dalawang antioxidants na ito ay tumutulong na protektahan ang retina, isang sensitibong organ sa paningin.

Isa sa dalawang pangunahing carotenoid na matatagpuan sa mata ng tao ang lutein. Ito ay gumagana bilang isang light filter, na nagpoprotekta sa mga tisyu ng mata mula sa pagkasira na dulot ng sikat ng araw. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa lutein ang:

  • Mga pula ng itlog
  • Spinach
  • Kale
  • Mais
  • Orange pepper
  • Prutas tulad ng kiwi, ubas, zucchini, at kalabasa

Ang mga pagkaing sagana sa lutein ay makakatulong upang maiwasan ang macular disease na may kaugnayan sa edad. Ang kondisyong ito ang siyang pangunahing sanhi ng pagkabulag at kapansanan sa paningin.

Fiber 

Ang isang tasa ng kalabasa ay may humigit-kumulang 7 grams ng fiber. Isa itong malaking kontribusyon sa kinakailangan mong 25 hanggang 30 grams ng fiber sa bawat araw. Kabilang sa mga positibong epekto ng fiber ang:

  • Paglilimita sa pagtaas ng timbang
  • Pagpapababa ng mga antas ng kolesterol
  • Pagbabawas ng panganib ng type 2 diabetes

Ang mga buto na makikita mo sa loob ng kalabasa ay mayaman din sa fiber pati na rin sa masustansyang taba. Maaaring igisa ang mga buto nito at gamitin upang magdagdag ng lutong sa mga salad o bilang isang masustansyang meryenda.  

Pinapanatili ng kalabasa na mas busog ang iyong pakiramdam sa mas matagal na panahon. Nakakatulong din ito sa panunaw at pag-ayos sa iyong digestive system.

Potassium isa sa benepisyo ng kalabasa

Ang mga uri ng kalabasa ay karaniwang mababa sa sodium at phosphorus ngunit mataas sa potassium. Ito ay may benepisyo sa mga taong may problema sa kidney. Ang dami ng potassium na maaari mong makuha sa bawat araw ay depende sa klase ng iyong kondisyon sa kidney at sa uri ng iyong paggamot.

Inirerekomenda ng World Health Organization ang pang-araw-araw na pagkonsumo ng potassium na hindi bababa sa 3510 mg para sa mga nasa hustong gulang. Habang ang American Heart Association (AHA) at ang Institute of Medicine (IOM) ay nagrerekomenda ng potassium na 4700 mg bawat araw. Ang mataas na paggamit ng potassium ay nauugnay din sa pagpapababa ng panganib ng kamatayan mula sa lahat ng uri ng stroke at cardiovascular disease.

Benepisyo ng kalabasa sa hapag-kainan

Ang mabubuting epekto ng kalabasa sa kalusugan ay hindi lamang nakukuha sa mga nutrisyong nakapaloob dito. Sa katunayan, masarap din itong kainin at madaling lutuin. Maaari kang maghurno, mag-ihaw, o mag-steam ng kalabasa. Isama sa ibang gulay at meron ka ng pinakbet o sinabawang gulay. Halos walang katapusan ang mga paraan kung paano mo maihahanda ang kahanga-hangang kalabasa, prutas man ito o gulay.

Dapat Tandaan

Dapat tandaan na kahit ito ay maraming benefits, dapat parin itong kinokonsumo sa tamang dami. Ito ay lalong totoo kung sakaling may kaakibat ng ibang sakit ang pasyente, tulad ng sakit sa bato. Dapat rin maging maingat kung may iniinom na gamot tulad na pang-altapresyon o sakit sa puso tulad ng mga beta-blockers, ACE inhibitors, at diuretics.
Ang diyeta na balanse parin ang pinaka-importante para malabanan ang sakit. Kahit na maraming benepisyo ang kalabasa, hindi sapat na ito lang ang kainin.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://foodrevolution.org/blog/health-benefits-of-squash/

https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/healthyliving/squash-health-benefits

https://www.medicalnewstoday.com/articles/284479

Squash

https://www.consumerreports.org/healthy-eating/is-butternut-squash-good-for-you-a4054790410/

Kasalukuyang Version

11/03/2022

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Jaiem Maranan, RN MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Anu-Ano Ang Benepisyo Ng Pagsusuot Ng Sunglasses, Ayon Sa Doktor?

Epekto ng Iodine Deficiency, Alamin!


Narebyung medikal ni

Jaiem Maranan, RN MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement