Nagbabala ang awtoridad sa mga residente ng Mandaue Cebu City, matapos na magpositibo ang Mandaue River sa poliovirus.
Ayon sa mga ulat nagsagawa ng pagsusuri ang Mandaue City Health Office sa tubig ng ilog bago matapos ang 2022, matapos makakita ng fecal strain mula sa isang pasyente na posibleng sanhi ng poliovirus.
Sinabi ni Mandaue City acting vice mayor Nerissa Soon-Ruiz— na isa ring doktor na posibleng nagmula sa mga bahay ang dumi at napunta lamang sa ilog.
Bagama’t nagbigay ng babala ang authorities sa mga residente, sa kasalukuyan ay wala pa ring kaso ng polio sa lungsod.
Inabisuhan rin ang mga residente na huwag iinumin ang tubig na galing sa ilog dahil delekado ito para sa kalusugan.
“Kailangan pakuluan ang tubig dahil nandyan ang polio virus sa tubig sa ilog. Delikado bumalik ang polio,” pahayag ni Soon-Ruiz.
Para malaman ang iba pang mahahalagang detalye tungkol sa poliovirus sa Mandaue River, patuloy na basahin ang article na ito.
Hakbang ng Department of Health (DOH)
Ang balita tungkol sa poliovirus sa Mandaue River ay nagresulta ng takot sa maraming residente na malapit sa ilog. Kaya naman para maiwasan ang poliovirus, nagsagawa ang DOH ng nationwide supplemental immunization campaign upang bakunahan ang mga bata laban sa rubella, polio, at measles.
Batay rin sa ulat ng UNICEF, mayroong isang milyong zero-dose na bata sa Pilipinas. Kung saan pangalawa ang bansa sa pinakamataas sa East Asia at Pacific Region, at ang ikalima naman sa pinakamataas sa buong mundo.
Dagdag pa rito, bumaba rin ng 25% ang pananaw ng bansa sa kahalagahan ng mga bakuna para sa mga bata sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na maglalaan ng pondo para sa pag-hire ng Centers for Health Development ng vaccinators, risk communications at advocacy activities; at paghahatid ng mga bakuna at iba pang suplay para sa pagsasagawa ng kampanya.
Poliovirus sa Mandaue River, bakit naging mapanganib?
Maaari kang magkasakit ng polio kapag nagkaroon ka ng poliovirus— at ito ang dahilan kung bakit naging mapanganib ito.
Kadalasan na nakakapasok ang poliovirus sa bibig ng tao sa pamamagitan ng mga kamay, pagkain, at inumin na kontaminado ng poliovirus mula sa dumi ng tao. Kung saan inaatake nito ang spinal cord at nerves na kumokontrol sa mga kalamnan ng tao— partikular sa mga paa na humahantong sa pagkaparalisa at kawalan ng kakayahan na maigalaw ito. Sa mga malulubhang kaso maaaring maging sanhi ng kamatayan ang poliovirus.
Sintomas ng polio
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), karamihan sa mga taong infected ng poliovirus ay walang anumang visible symptoms. Gayunpaman nasa humigit-kumulang 1 sa 4 na tao (o 25 sa 100) na may impeksyon sa poliovirus ay nagkakaroon ng mga sintomas tulad ng mga sumusunod:
- pananakit ng lalamunan o sore throat
- lagnat
- pagkapagod
- pagduduwal
- sakit ng ulo
- pananakit ng tiyan
Dagdag pa ng CDC Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal ng 2 hanggang 5 araw, pagkatapos ay kusang nawawala— at ang smaller portion ng mga taong may impeksyon sa poliovirus ay nagkakaroon ng iba, o mas malubhang mga sintomas na nakakaapekto sa utak at spinal cord. Narito ang mga sumusunod:
- Meningitis
Impeksyon ng covering ng spinal cord at/o utak) na nangyayari sa humigit-kumulang 1–5 sa 100 tao na may impeksyon sa poliovirus, na nakadepende sa uri ng virus na nakuha ng tao.
- Paralysis
Hindi maigalaw ang mga bahagi ng katawan o nakakaramdam ng panghihina sa mga braso, binti, o parehong bahagi. Nagaganap ito sa humigit-kumulang 1 sa 200 tao hanggang 1 sa 2000 tao, depende sa uri ng virus.
Pag-iwas sa polio
Ang pagbabakuna ay isang mabisang paraan upang maiwasan ang polio— at ayon sa CDC may 2 uri ng bakuna na pwedeng gamitin bilang pang-iwas sa sakit na ito. Narito ang mga sumusunod:
- Inactivated poliovirus vaccine (IPV)
Ibinibigay ang bakuna na ito sa pamamagitan ng injection sa binti o braso, depende sa edad ng pasyente. Dagdag pa rito, ang IPV lamang ang ginagamit sa United States bilang bakuna sa polio mula noong 2000.
- Oral poliovirus vaccine (OPV)
Patuloy pa rin na ginagamit ito sa buong mundo bilang pang-iwas sa polio