Simula na naman ang panahon ng tag-ulan at kaakibat nito ang paglala ng kaso ng dengue sa Pilipinas. Sa katunayan, nakapagtala ang lungsod ng Zamboanga ng kabuuang 2,223 na kaso ng dengue mula pagpasok ng taon hanggang Mayo 28. Kabilang na rin dito ang 19 na namatay buhat ng naturang sakit.
Ang Paglala ng Kaso ng Dengue sa Zamboanga
Sa isang Facebook post noong Martes (Mayo 31), inihayag ng Zamboanga City Health Office (CHO) na namonitor nila ang 39 na hospital admission dahil sa sakit na dala ng lamok. Ngunit, sa kasamaang palad, 19 na indibidwal ang hindi umabot at namatay dulot ng virus.
Ang City Disaster Risk Reduction and Management Council, sa pamamagitan ng isang resolusyon noong Abril 8, ay nagdeklara ng dengue outbreak.
Batay sa kanilang datos, pitong barangay ang nakapagtala ng mahigit 100 kaso ng dengue mula noong Enero. Ito ang mga sumusunod na barangay:
- Sta. Maria – 138
- Pasonaca – 129
- Tetuan – 128
- Putik – 121
- San Roque – 119
- Mercedes – 117
- Tumaga – 110
Sa kabilang banda, ang iba pang mga barangay na unti-unti ang paglala ng kaso ng dengue ay kinabibilangan ng:
- Calarian – 89
- Divisoria – 67
- Guiwan – 67
- Cabatangan – 65
- Boalan – 64
- Tugbungan – 57
- Culianan – 54
- Talon-Talon – 51
Paano Pinamamahalaan ng Zamboanga ang Paglala ng Kaso ng Dengue?
Ayon sa pamahalaang lungsod, nakikipag-ugnayan na sila sa CHO upang mapangasiwaang mabuti ang pagsasagawa ng fumigation, misting, kasama ng clean-up drives at search-and-destroy activities sa mga lugar na may matataas na bilang ng kaso.
Dagdag pa rito, nabanggit din ang pagsasagawa ng “4S Strategy” upang maibsan ang paglala ng kaso ng dengue:
- Search and destroy mosquito breeding places (hanapin at sirain ang mga lugar kung saan namumuo at nagpaparami ang mga lamok),
- Secure self-protection from mosquito bites (panatilihin ang sariling kaligtasan mula sa mga kagat ng lamok).
- Seek early consultation when signs and symptoms of dengue occur (Agad na magpakonsulta kung napapansin ang pagkakaroon ng ilang mga sintomas ng dengue).
- Say yes to fogging (panatilihin ang pagsasagawa ng fogging).
Noong Lunes, iniulat ng Department of Health ang 6% na pagbaba sa bilang ng mga kaso mula Enero 1 hanggang Mayo 7. Sa kasalukuyan, mayroong 25,268 na kaso kumpara noong nakaraang taon na 27,010. Bukod sa Zamboanga, nagtala rin ang Dinagat Islands ng hindi bababa sa 165 na kaso ng dengue. Ayon sa Dinagat Provincial Health Office, ang bilang ay mas mataas ng 49% kumpara sa 81 na kaso lamang sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Mga Karagdagang Impormasyon Tungkol sa Dengue
Ang dengue ay tumutukoy sa isang viral infection na nakukuha ng mga tao sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok. Ang mga pangunahing vectors na naghahatid ng sakit ay ang lamok na Aedes aegypti. Ngunit, mayroon din ilang mga kaso na dulot ng Ae. albopictus. Ang mga lamok na ito ay mga vectors din ng chikungunya, yellow fever at Zika virus.
Laganap ang dengue sa mga tropikal na bansa kabilang na ang Pilipinas.
Mayroong apat na serotypes ang dengue virus: DENV1, DENV2, DENV3, at DENV4. Ang unang impeksyon sa isa sa apat na serotype ay karaniwang hindi malala o walang sintomas, habang ang pangalawang impeksyon sa isa sa iba pang mga serotype ay maaaring magdulot ng malubhang klase ng dengue.
Ito ay nagdudulot ng mataas na lagnat na may temperaturang 104F (40°C), at alinman sa mga sumusunod senyales at sintomas:
Maaaring magsimula ang mga sintomas kahit kailan, mula 4 na araw hanggang 2 linggo matapos makagat ng lamok. Karaniwang tumatagal ito ng 2 hanggang 7 araw. Ngunit, sa ilang mga kaso, lumalala ang mga sintomas at maaaring maging banta sa buhay. Ito ay tinatawag na severe dengue, dengue hemorrhagic fever o dengue shock syndrome.
May Lunas ba ang Dengue?
Walang tiyak na gamot o lunas para sa dengue fever. Ang mga mild na kaso ay pinangangasiwaan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig at pagkakaroon ng maraming pahinga. Maaari ring makatulong ang pain reliever na may paracetamol ay upang maibsan ang pananakit ng ulo.
Kumunsulta sa iyong doktor at humingi ng medikal na atensyon kung nakararanas ng malubhang sintomas.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.