Masayang ibinalita ni Zoey Taberna, 13, anak ng beteranong broadcaster na si Anthony Taberna, sa mga tao na siya ay cancer-free na. Sa kanyang Facebook post, idinetalye niya ang kanyang karanasan ng leukemia sa bata simula noong December 2019 kung kailan siya unang na-diagnose at mapasahanggang ngayon, kung paano niya ito nalagpasan.
Ang Kwento Ni Zoey Patungkol Sa Leukemia Sa Bata
Sinimulan ni Zoey ang kanyang karanasan sa pagbabahagi na siya ay na-diagnose ng leukemia noong December 2019. Mula noon, naging maayos naman ang pagsasagawa ng chemotherapy sa kanya. Ngunit, noong kasagsagan ng Disyembre ng nakaraang taon, biglang na lang siyang nakaramdam ng pananakit sa ilang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa kanyang mga doktor, matagal na dapat nawala ang mga cancer cells. Subalit, sa kasamaang palad, bumalik ang mga ito sa mas mapanganib at mas nakakamatay na anyo.
Dagdag pa niya, madalas na hindi niya maramdamang ang sakit sa maraming bahagi ng kanyang katawan. Nang dalhin siya sa ospital, nagsagawa sila ng mga tests at doon nalaman na mayroon siyang problema sa blood sugar levels. Ito ay mas mataas kaysa sa normal at tipikal, na maaaring sanhi ng mga steroids na kanyang iniinom na gamot at ang labis na pagkonsumo ng asukal.
Nang makuha nila ang mga resulta ng kanyang bone marrow aspiration, doon nila napagalaman na ang kanyang acute lymphoblastic leukemia ay naging acute myeloid leukemia. Dahil dito, mas nahirapan si Zoey na unawain kung bakit ito nangyayari. Ito ay marahil sinabihan siya ng kanyang mga doktor na napakabihira ng ganitong sitwasyon.
Ang Kanilang Paglipad Sa Singapore Para Sa Patuloy na Paggamot
Buhat ng pag-unlad ng kanyang kondisyon, inirekomenda ng mga doktor na ipatuloy ang paggamot sa Singapore. Kung kaya, ginawa ng kanyang mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya upang makalipad sa panahon ng pandemya.
Nabanggit ni Zoey sa kanyang paglalahad ang pangangailangan niyang sumailalim sa bone marrow transplant at dalawang chemotherapy cycle. Mabuti na lang at ang kanyang kapatid na si Helga ay naging perfect match para maging donor.
Nanatili sila roon ng halos anim na buwan para sa kanyang gamot. Inamin ni Zoey na natakot siya dahil sa mga epekto ng gamot sa kanya. Kabilang dito ang pagkalagas ng buhok, mga sores sa bibig, at palagiang pananakit ng ulo.
Gayunpaman, malaki ang naitulong ng suporta na kanyang patuloy na natatanggap mula sa kanyang mga mahal sa buhay. Kung kaya, nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga taong naging kanyang mga sundalo sa kanyang paglalakbay upang matagumpayan ang leukemia sa bata ito. Bukod pa rito, ang kanyang pananampalataya ay nagbigay din sa kanya ng lakas sa mahirap na panahong iyon.
Sa kanyang post, inamin din niya na akala niya hindi niya ito malalampasan ang leukemia sa bata
“Hindi ako magsisinungaling, maraming mga pagkakataon na akala ko ito ang katapusan ko, na ang aking buhay ay magtatapos sa 13 taong gulang,” wika niya.
Matapos ang 167 na mahahabang araw, nakauwi muli sila sa Pilipinas bitbit ang mabuting balita na cancer-free na si Zoey. Mangangailangan pa rin siya ng mga check-up at drug infusions paminsan-minsan, ngunit walng-wala na ito kumpara sa kanyang mga naranasan.
Si Zoey ay unang na-diagnose na may sakit sa bone marrow, na kalaunan ay nakumpirma na leukemia.
Mga Karagdagang Impormasyon Tungkol Sa Leukemia Sa Bata
Bagama’t bihira ang kanser sa mga bata, ang leukemia ang pinakakaraniwang anyo. Ang leukemia ay tumutukoy sa kanser na white blood cells (WBC) na siyang responsableng labanan ang mga impeksyon. Sa kondisyong ito, ang bone marrow (spongy material sa loob ng buto) ay gumagawa ng hindi normal na dami ng white blood cell. Ang mga abnormal na WBC na ito ay sumisiksik sa bone marrow at pumapasok sa daluyan ng dugo. Dahil dito, hindi nila mapoprotektahan ang katawan mula sa mga impeksyon.
Ang acute lymphocytic leukemia (ALL) at acute myeloid leukemia (AML) ang dalawang pangunahing uri ng leukemia sa bata.
Mga Sintomas Ng Leukemia Sa Bata Na Dapat Bantayan
Maaaring iba-iba ang mga sintomas sa bawat bata ngunit kadalasan ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Pamumutla ng balat
- Pagod, panghihina, o lamig
- Pagkahilo
- Sakit ng ulo
- Kapos o hirap sa paghinga
- Madalas o pangmatagalang impeksyon
- Lagnat
- Madaling magkaroon ng pasa o pagdurugo (tulad ng pagdurugo ng ilong o pagdurugo ng gilagid)
- Pananakit ng buto o kasukasuan
- Pamamaga ng tiyan
- Walang gana kumain
- Pagbaba ng timbang
- Namamagang lymph glands (nodes)
Ang mga sintomas ng leukemia ay maaaring katulad ng ibang mga kondisyon sa kalusugan. Kung kaya, siguraduhing kumunsulta sa iyong doktor kung nakararanas ang iyong anak ng anuman sa mga nabanggit.
Ang treatment sa leukemia sa bata ay nakaayon sa uri at mga salik na nakaapekto. Maaaring magsagawa ng chemotherapy, radiation therapy, targeted therapy, o stem cell transplants ang mga doktor kung ito ang pinakaangkop para sa iyong anak.
Malaki ang maitutulong ng agarang pagpapagamot para sa mahusay na prognosis. Bukod pa rito, nangangailangan din ng patuloy na follow-up care habang at pagkatapos ng paggamot.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.