Ano ang molnupiravir? Ibinatay ang pangalan ng gamot na ito sa Mjölnir, ang tawag sa martilyo ni Thor sa mitolohiyang Norse. Sa buong mundo, ito marahil ang pinakaunang antiviral pill laban sa COVID-19. Ayon sa isang bagong pag-aaral, napabababa nito nang kalahati ang bilang ng mga naoospital at namamatay kung sa maagang bahagi pa lamang ng pagkakasakit ay ibinigay na sa mga pasyenteng lubhang nanganganib. Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa molnupiravir.
1. Ano Ang Molnupiravir? Ito Ay Dinebelop Ng Merck
Marahil ay interesado kang malaman na ang molnupiravir ay dinebelop ng Merck & Co. Ito rin ang pharmaceutical company na lumilikha ng Ivermectin, ang kontrobersyal na antiparasitic drug na pinaniniwalaan ng marami na epektibo laban sa COVID-19. Kaugnay nito, ang Merck ay naglabas ng pahayag na nagsasabing ang mga isinagawang pre-clinical studies ay hindi nagpapakita ng siyentipikong batayan upang gamitin ang Ivermectin laban sa SARS-CoV-2 infection.
2. Ano Ang Molnupiravir? Nagiging Epektibo Ito Sa Pamamagitan Ng Paglikha Ng Genetic Errors Sa Virus
Natuklasan ng mga mananaliksik na nagiging epektibo ang molnupiravir dahil lumilikha ito ng mga pagkakamali sa genetic code ng virus. Sa ganitong paraan, hindi nakapagrereplika ang virus. Kung walang replikasyon, o kung nabawasan ang replikasyon, marahil ay bababa ang viral load, iikli ang panahon ng pagkakasakit, at mababawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga malulubhang sintomas.
Sa isang bagong pag-aaral na isinagawa noong Agosto, kanilang hinati sa dalawang pangkat ang kanilang 775 kalahok na positibo sa COVID-19: isang grupo na nakatanggap ng placebo; ang isa ay nakatanggap ng molnupiravir.
Batay sa resulta, 14% ng mga nakatanggap ng placebo ay naospital at namatay. Habang, 7% lamang ng mga nakatanggap ng molnupiravir ang naospital at walang namatay.
Sa isa namang pag-aaral na may 202 kalahok, natuklasang ang antiviral ay epektibo sa pagpapababa ng viral load sa mga pasyente. Sa ikalimang araw ng gamutan, walang nakitang anomang virus sa mga kalahok na nakatanggap ng 400 hanggang 800 mg ng molnupiravir.
3. Ano Ang Molnupiravir? Ang Gamutan Ay Tumatagal Lamang Sa 5 Araw
Sa puntong ito, maaaring napapaisip ka: Kung gayon, paano inumin ang molnupiravir?
Kung maging maayos ang lahat sa pananaliksik na isinasagawa ng Merck, irereseta ng mga doktor ang molnupiravir sa mga pasyente, at mabibili ang gamot na ito sa mga botika.
Dapat sundin ng pasyente ang reseta ng doktor. Subalit sa kalahatan, kakailanganin ng kabuoang 40 pills. 4 na pills ang iinumin dalawang beses sa isang araw sa loob ng limang araw.
4. Naniniwala Ang Mga Eksperto Na Mas Mainam Ang Molnupiravir Kaysa Sa Remdesivir
Sa kasalukuyan, remdesivir lamang ang antiviral drug laban sa COVID-19. Subalit hindi ito kinatutuwa ng mga doktor.
Halimbawa ay ang isang imbestigasyon sa Norway na kinabibilangan ng 23 ospital. Sinaad na ang remdesivir ay “hindi nakaapekto sa tindi ng respiratory failure o sa inflammatory variables sa plasma o serum.” Ayon din sa isang malaking pag-aaral, ang remdesivir ay hindi nakapagpataas sa survival rate ng isang pasyenteng may COVID-19.
Sa kabilang banda, ang molnupiravir ay hindi lamang maaaring makapagpababa nang kalahati ang bilang ng mga naoospital at namamatay. Ito ay maaari ding gamitin ng mas nakararaming tao. Hindi tulad ng remdesivir na itinuturok sa pamamagitan ng intravenous fluid kadalasan tuwing naoospital, ang molnupiravir pills ay inirereseta nang maaga matapos ma-diagnose.
5. Pinaplano Ng Merck Na Gumawa Ng Molnupiravir Para Sa Mga Mas Mahihirap Na Bansa
Pinaplano ng Merck na makakuha ng Emergency Use Authorization mula sa US Food and Drug Administration sa lalong madaling panahon. Gayundin, pinaplano nilang gawin ang antiviral sa mga mas mahihirap na bansa.
Sa katunayan, pumasok na sa mga kasunduan ang Merck sa 8 generic drug manufacturers sa India sa pag-aasam na makapagsuplay ng gamot sa mahigit 100 mga bansa.
6. Dahil Sa Malaking Potensyal Ng Molnupiravir, Ipinahihinto Ng Mga Eksperto Ang Trials Nito
Isa pa sa mga magagandang bagay tungkol Molnupiravir ay may isang independent board ng mga eksperto na nagmungkahing itigil na ang trials nito. Ito ay dahil napatunayang ang mga benepisyo ng antiviral na ito ay kapanipaniwala. Gayundin, isinaad ng kompanyang ito na sumang-ayon ang FDA sa kanilang mungkahi.
Dagdag pa, ang pamahalaan ng US ay nagsagawa ng advanced order ng gamot na ito sa halagang 1.7 million USD.
7. Ang Molnupiravir Ay HINDI Pamalit Sa Bakuna
Sa huli, malaki man ang potensyal na benepisyo ng molnupiravir, wala pa ring pamalit sa bakuna.
Maaaring sa pamamagitan ng antiviral ay mapababa ang tyansa ng malubhang impeksyon, at ang bilang ng mga naoospital at namamatay. Subalit tandaang 100% itong nagagawa ng bakuna.
Dagdag pa, libre ang pagpapabakuna. Sa kabilang banda, marahil ang molnupiravir ay ibibigay lamang sa mga taong may mas mataas na tyansa na magkaroon ng malubhang impeksyon. At kung ang gamot na ito ay matagumpay na makakuha ng Emergency Use Authorization (EUA) sa Pilipinas, hindi sigurado kung magiging libre ito.
Key Takeaways
Ang molnupiravir ng pharmaceutical company na Merck ay marahil ang pinakaunang antiviral pill laban sa COVID-19. Natuklasan sa mga isinagawang bagong pag-aaral na napabababa nito nang kalahati ang bilang ng mga naoospital at namamatay. Sinaad din ng Merck na pinaplano nilang kumuha ng EUA sa lalong madaling panahon. Dagdag pa, plano nilang gumawa ng gamot na ito para sa halos 100 mga bansa.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.