Ang Gamma-Glutamyl Transpeptidase (GGT) ay tinatawag ding Gamma-Glutamyl Transferase. Ito ay enzyme na matatagpuan sa atay, apdo, pancreas, at mga bato. Makikita rin ito sa dugo o sa iba pang fluids ng katawan. Ngunit ano ang GGT Test? Ang Gamma-Glutamyl Transpeptidase (GGT) test ay sumusukat sa bilang ng Gamma-Glutamyl Transpeptidase enzymes na matatagpuan sa dugo. Ang GGT ay kumikilos bilang transport molecule na tumutulong sa pagdadala ng molecules sa buong katawan. Ito ay may malaking gampanin sa pagtulong sa atay na tunawin ang mga gamot at iba pang toxins. Ang mataas na lebel ng GGT sa dugo ay indikasyon ng pagkasira ng atay.
Ano Ang GGT Test? Bakit Ito Isinasagawa?
Ang atay ay may malaking gampanin sa produksyon ng mga protina sa katawan at sa paglalabas ng mga lason mula sa katawan. Ginagawa nito ang mahalagang gawaing tulungan ang katawan sa pagpoproseso ng mga fats. Maaaring irekomenda ng doktor ang Gamma-Glutamyl Transpeptidase (GGT) test kung nakararanas ng mga sintomas ng sakit sa atay. Ang test na ito ay ang kasalukuyang pinakaepisyenteng paraan upang ma-diagnose ang sakit o pagkasira ng atay. Ang dahilan sa pagkasira ng atay ay kadalasang alak o mga gamot.
Narito ang mga sumusunod na sintomas ng sakit sa atay.
- Pagduduwal
- Pananakit ng tiyan
- Paninilaw ng mga mata at balat
- Pangangati ng balat
- Kalawan ng ganang kumain
Ang test na ito ay karaniwang inirerekomeda upang malaman kung may anumang sakit sa atay o bile ducts. Kadalasan itong inirerekomenda kasama ng ibang tests upang maunawaan ang pagkakaiba ng mga sakit sa atay at buto.
Ano Ang GGT Test? Mga Kinakailangang Paghahanda
Ang pasyente ay maaaring sabihan ng doktor na iwasan ang pagkonsumo ng pagkain sa loob ng walong oras bago ang GGT test. Kung umiinom ng anomang mga gamot, halamang gamot, o supplements, ipagbigay-alam ito sa doktor. Maaaring sabihin din ng doktor na itigil o baguhin ang dosage ng pag-inom ng mga ito. Iwasan ang pag-inom ng alak sa loob ng 24 hanggang 48 oras bago ang test. Maging ang kaunting alak sa katawan ay maaaring makaapekto sa resulta.
Maaaring makapagpataas ng lebel ng GGT sa dugo ang Phenytoin at Phenobarbital. Sa kabilang banda, ang birth control pills at clofibrate ay maaaring makapagpababa ng lebel ng GGT sa dugo.
Ano ang GGT Test? Pag-Unawa Sa Resulta Nito
Ang normal na lebel ng GGT ay nagbabago-bago depende sa edad, kasarian, at mga medikal na konsiyon. Ang resulta ng GGT test ay sinusukat sa International Units kada Litro o IU/L. Para sa mga nakatatanda, ang normal range ng GGT ay 5 hanggang 30 IU/L. Ang mga bagong silang na sanggol ay may mataas na lebel ng GGT matapos isilang.
Kung ang resulta ay kinakitaan ng lebel ng GGT na higit sa 30 IU/L, ito ay indikasyon ng sakit sa atay. Kung mataas ang lebel, mas malubha ang pagkasira ng atay. Ang mga kondisyong maaaring makapagpataas ng lebel ng GGT ay ang viral hepatitis, cancer sa atay, at bara sa bile duct.
Mahalagang tandaang ang mataas na lebel ng GGT ay hindi tiyak na nangangahulugan ng pagkakaroon ng sakit sa atay. Sa ilang mga kaso, ito ay maaaring indikasyon ng congestive heart failure o diabetes.
Ang mataas na lebel ng GGT ay maaaring dahil sa mga sumusunod na medikal na kondisyon:
Nakatutulong ang GGT upang ma-diagnose ang sakit sa atay. Gayunpaman, hindi nito matutukoy ang sanhi ng sakit. Kung ang resulta ng GGT ay hindi normal, maaaring irekomenda ng doktor ang pagsailalim sa ilang karagdagang tests upang matukoy ang sanhi.
Ang pagkasira ng atay ay malubhang kondisyon at kung minsan ay nakamamatay. Magbigay-pansin sa mga maaagang senyales at sintomas ng pagkasira o sakit sa atay. Kung ito ay ma-diagnose sa maagang yugto, magiging mas madali ang pagsisimula sa gamutan.
Ipagbigay-alam sa doktor kung nakararanas ng anoman sa mga sintomas ng sakit sa atay. Makatutulong GGT test at ang iba pang tests upang ma-diagnose ang sakit, maging ang sanhi nito.
Ang pagsunod sa isang malusog na diet, pagtigil sa pag-inom ng alak at sa paninigarilyo ay ilan sa mga unang hakbang upang mapanatili ang balanseng lebel ng GGT. Kumonsulta sa doktor upang maunawaan ang sanhi ng resulta ng test, malaman ang mga opsyon ng gamutan, at maging ang mga pag-iingat na dapat gawin.
Ano Ang GGT Test? Kailan Ito Dapat Ulitin?
Ang lebel ng GGT tests ay maaaring bumaba. Maaaring ipaulit ang test kung naniniwala ang doktor na ang hindi normal na lebel ng GGT sa test ay resulta ng mga tiyak na gamot o alak. Bukod sa alak, ang nicotine ay maaari ding makaapekto sa lebel ng GGT.
Upang masuri ang partikular na medikal na kondisyon, maaaring ipaulit ng doktor ng GGT test makalipas ang ilang buwan. Sa pamamagitan nito ay makukumpirma ang paggaling at mababantayan ang pagiging epektibo ng gamutan.
Kung nakumpleto na ng pasyente ang alcohol rehabilitation sessions, maaaring irekomenda ng doktor ag GGT test nang may regular na intervals. Sa ganitong paraan, malalaman kung sumusunod ang pasyente sa mga tagubiling ibinigay sa sessions.
Kung ang pasyente ay labis na umiinom ng alak subalit tumigil kamakailan lamang, aabutin ng isang buwan upang ang lebel ng GGT ay maging normal.
Ano Ang GGT Test? Proseso Nito
Ang GGT test ay kasing simple ng blood test. Nakatutulong ito upang masukat ang lebel ng GGT sa dugo.
- Ang nurse o health care provider ay magtatali ng elastic band sa braso ng pasyente. Makatutulong ito upang manatili ang dugo sa braso at mas makita ang mga ugat.
- Kukuha ng sample ng dugo mula sa pasyente sa pamamagitan ng hiringgilya at kokolektahin sa isang vial upang suriin.
- Matapos kumuha ng sample ng dumugo, tatanggalin ng health professional ang elastic band at tatakpan ang tinurukang bahagi ng bulak at bandage upang maiwasan ang pagdurugo.
- Sa ilang mga kaso, maaaring magkaroon ng pasa na maaaring gumaling ng walang anomang gamot.
- Normal lamangang hindi malubhang paso at maaaring abutin ng ilang mga araw bago ito gumaling. Kung lumubha ang pasa, humingi ng medikal na tulong.
- Kung nahihilo, humingi ng medikal na tulong.
- Agad na ipagbigay-alam sa doktor kung may auomang bleeding disorders.
- Ang ibang mga panganib na may kaugnayan sa pagkuha ng dugo ay ang hematoma, impeksyon sa balat, at sobrang pagdurugo.
Sa mga bata, maaaring magsagawa ang doktor ng ‘heel stick collection’. Sa paraang ito, ang doktor ay magtuturok sa sakong ng sanggol gamit ang maliit na karayom upang kumuha ng sample ng dugo.
Matuto pa tungkol sa Mga Sakit sa Atay dito.