Hindi tulad ng karaniwang hepatitis, ang fulminant hepatitis ay isang mapanirang uri ng kondisyon na nakapipinsala at nakapagpapahina ng atay at liver cells ng tao. Bihira lang ito ngunit pwedeng mag-develop nang mabilis, madalas sa mga bata pa ang edad. Para sa mga bata, ang genetics at iba pang namamanang sakit ang maaaring dahilan sa likod nito. Alamin pa kung ano ang fulminant hepatitis.
Unawain Kung Ano Ang ibig Sabihin Kapag May Fulminant Hepatitis (FH)
Ano ang fulminant hepatitis? Kapag may fulminant hepatitis napapalitan ang mga cell ng atay ng scar tissues. Nauulit nang nauulit ang cycle na ito hanggang sa wala nang liver cells na available upang gawin ang gampanin nito. Matapos sirain ang mga cell ng atay, hindi lang nito ginagambala ang paggana ng atay, kundi maging ang iba pang tissue at organ system na malapit dito.
Mga Sanhi ng Fulminant Hepatitis
Ang pinakamadalas na sanhi ng fulminant hepatitis ay:
- Viral hepatitis infection (Maaaring Hepatitis A o B ngunit mas karaniwan sa mga may Hepatitis B)
- Acetaminophen (Paracetamol) overdose
- Natural ingredients o mga herb
- Exposure sa mga lason at iba pang kemikal
- Sobrang pag-inom ng alak
- Iba pang komplikasyon tulad ng ngunit hindi limitado sa autoimmune diseases, sepsis, metabolic disorders, at kahit ang cancer.
Sa kabila ng lahat ng nakalistang mga sanhi, mayroon ding mga pagkakataong hindi alam ang sanhi ng development ng liver failure.
Mga Sintomas ng Fulminant Hepatitis
Ang mga karaniwang sintomas na maaaring makita sa taong na-diagnose na may fulminant hepatitis ay:
- Jaundice (paninilaw ng balat, eyeballs, at bagang)
- Ascites (paglaki ng tiyan dulot ng sobrang dami ng fluid)
- Pagkaantok at kapaguran
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagkalito at iritasyon
- Edema (pamamaga ng mga binti at paa)
- Altered consciousness
- Body tremors (panginginig)
- Pagbabago sa kulay ng ihi at dumi (nagiging maitim na tsaa ang kulay ng ihi at mas maputla ang kulay ng dumi)
- Makating balat (na nauuwi sa pasa o mabilis na pagdurugo)
- Pagduduwal at pagsusuka
- Blood-clotting defects o pagdurugo
- Fluid build-up sa iba pang bahagi ng katawan tulad ng mga binti, braso, o mukha
Mga Komplikasyon ng Fulminant Hepatitis
Kapag matindi ang pinsala ng atay at hindi na kayang gawin ang trabaho nito, karaniwan itong nauuwi sa mga komplikasyon tulad ng mga sumusunod:
- Encephalopathy
- Cerebral edema (sobrang fluid sa utak)
- Seryosong mga impeksyon sa dugo
- Respiratory at urinary tract infections
- Kidney failure
Diagnosis
Agad na magsasagawa ng ilang mga test ang doktor tulad ng blood at urine tests, ultrasound, CT scan, liver biopsy, at iba pang upper gastrointestinal testings upang tingnan ang ugat na sanhi ng mga sintomas na lumitaw. Makatutulong ang mga test na ito sa mga doktor upang makagawa ng susunod na hakbang kung paano tutugunan ang kondisyon ng pasyente.
Treatment at Management
Kung madaling ma-target ang sanhi, maaaring madali itong magamot agad. Gayunpaman, hanggang sa kasalukuyan, wala pang iisa o eksaktong gamot na kayang gumamot at baguhin ang epekto ng liver failure.
Ang management ng doktor sa kondisyon ng pasyente ay bawasan ang pinsalang maaari nitong idulot sa atay at iba pang komplikasyon na maaaring lumitaw habang naggagamot. Ang mga taong na-diagnose nito ay ililipat sa intensive care unit (ICU) upang makapagbigay ng agarang pag-aalagang kailangan nila sa panahong nasa ospital.
Madalas, ang liver transplant ang nakikitang tanging option upang iligtas ang buhay ng tao mula nabanggit na failure. Gayunpaman, matagal makahanap ng donor at magpatuloy sa transplant surgery. Ang mga mas bata (nasa edad 30 pababa) ay mas madalas na gumagaling kumpara sa mga matatanda na may iba pang sakit.
Habang binabantayan ka, maaaring humiling ang mga doktor ng special diet para sa mga pasyente upang bawasan ang karne at sodium sa kanilang mga kinakain ngunit may sapat pa ring caloric intake para makapagpatuloy na may energy. Pwede ring baguhin ang gamutan upang mapanatiling malusog ang pasyente.
Key Takeaways
Ano ang fulminant hepatitis? Ang fulminant hepatitis ay isang kondisyon na pwedeng maging banta sa buhay. Bago lumitaw ang anumang senyales at sintomas, napakahalagang bawasan ang mga posibilidad na magkaroon nito sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya at tama. Uminom ng alak in moderation upang maiwasan din ang pagkakaroon ng liver failure.
Matuto pa tungkol sa Liver Diseases dito.