Ang paninilaw ng balat at mga mata ay sobrang kinababahala ng maraming tao, dahil maaari itong maging indikasyon ng problema sa atay. Bukod pa rito, pwede ka ring makaranas ng panginginig ng kalamnan, lagnat, maitim na kulay ng ihi, pagsakit ng tiyan, at pagkakaroon ng maputlang kulay ng dumi sa oras na magkaroon ka ng problema sa’yong atay.
Kaugnay ng mga nabanggit, makikita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa paninilaw ng balat at mata upang magkaroon ng ideya sa kung paano natin pwedeng harapin ang kondisyong ito.
Basahin mo ang artikulong ito para sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa paninilaw ng balat.
Bakit Naninilaw Ang Balat At Mga Mata?
Kilala rin bilang “jaundice” ang kondisyon kung saan nagkakaroon ng paninilaw ng balat at mata ang isang tao. Ayon rin sa iba’t ibang pag-aaral at artikulo pwedeng magkaroon ng paninilaw sa balat at mga mata ng tao kung naipunan ang katawan ng “bilirubin.” Ang bilirubin ay isang type ng kulay dilaw na dumi na kinakailangang ilabas ng ating katawan sa pamamagitan ng pagdumi o pag-ihi. Kaya naman sa oras na ang ating atay ay may problema, pwedeng hindi makalabas sa katawan natin ang bilirubin. Sapagkat kinakailangan na maiproseso muna ng ating atay ang bilirubin bago ito mailabas ng ating katawan.
Sinu-Sino Ang Mga Posibleng Magkaroon Ng Paninilaw?
Pwedeng maapektuhan ng paninilaw ng balat at mata ang mga matatanda at bagong panganak na sanggol. Subalit, kadalasang normal lamang ito sa mga sanggol dahil naninibago pa ang kanilang atay. Kapag hindi naman malubha ang paninilaw ng baby (infant jaundice), pwedeng bumalik nang kusa ang normal na kulay ng balat ng bata pagkatapos ng 1-2 linggo.
Gayunpaman, sa kaso ng matatanda, ang paninilaw ng kanilang balat ay madalas na palatandaan ng iba pang mga nakababahalang kondisyon o problema sa atay.