Anumang uri ng chest pain o pananakit ng dibdib ay hindi lang nakapagdudulot ng kawalan ng ginhawa, ito ay maaaring nakakaalarma. Ito ay dahil ang pananakit ng dibdib ay isa sa mga senyales na maaaring magkaroon ka ng atake sa puso. Gayunpaman, alam mo ba na ang kabag at heartburn ay nagdudulot din ng pananakit ng dibdib?
Basahin dito para malaman ang tungkol sa kung paano nagiging sanhi ng pananakit ng dibdib ang mga kondisyong ito.
Maaari bang maging sanhi ng pananakit ng dibdib ang kabag at heartburn?
Ang simpleng sagot ay oo. Ang kabag at heartburn ay maaaring maging sanhi ng pananakit ng dibdib.
Kung nakakaranas ka ng pananakit ng dibdib dahil sa kabag, ang pinakakaraniwang sintomas nito ay paninikip o tumutusok na uri ng kirot sa dibdib. Maaari ring makaranas ng mainit na pakiramdam na maaaring nagmumula sa iyong dibdib pababa sa tiyan.
Ang heartburn
Ang pananakit ng dibdib dulot ng heartburn ay magkatulad, pero may ilang pagkakaiba. Una ang heartburn ay maaari ding magdulot ng paninikip o tumutusok na sakit sa dibdib, kasama din ang mainit na pakiramdam sa dibdib. Gayunpaman, sa kaso ng heartburn, ang burning sensation o mainit na pakiramdam sa dibdib ay mas nangingibabaw, at kadalasang mararamdaman ito sa gitna ng dibdib, sa likod ng buto ng dibdib.
Ang dahilan, kapag nakakaranas ka ng heartburn, ang mga acid mula sa tiyan ay umaakyat sa esophagus mo. Karaniwan, pinoprotektahan ng mucus ang lining ng tiyan mo mula sa acid nito, ngunit ang esophagus ay walang ganitong proteksyon.
Nagreresulta ito sa burning sensation dahil ang esophagus mo ay exposed sa stomach acids. Maaari ding lumala ang sakit kung nakakaranas ka ng chronic heartburn. Ito ay dahil ang acid ay nagsisimulang makapinsala sa mga tisyu sa esophagus mo.
Ang pananakit ng dibdib ko ba ay dahil sa heartburn?
Kapansin-pansin na may mga kaso na hindi matukoy ng mga tao kung ang pananakit ng dibdib na nararanasan ay atake sa puso o kabag o heartburn. Ito ay dahil ang mga sintomas ay maaaring mag-overlap minsan, at maaaring mahirap matukoy ang eksaktong dahilan.
Gayunpaman, may ilang mga pahiwatig na dapat tandaan na magbibigay sa iyo ng ideya kung ano ito:
Burning sensation sa dibdib
Kung nakakaramdam ka ng matinding burning sensation, malamang na nakakaranas ka ng heartburn. Ito ay dahil sa epekto ng mga acid ng tiyan sa esophagus.
Kung nakakaranas ka ng atake sa puso o angina, ang sakit ay may higit na paninikip at parang hirap na hirap tumibok ang puso mo.
Ang isa pang palatandaan ay ang burning sensation ay karaniwang nagsisimula sa itaas ng tiyan at pagkatapos ay gumagalaw pataas sa dibdib mo.
Nakakaranas ng pananakit ng dibdib pagkatapos kumain ng mga trigger food
Ang ilang mga tao na nagdurusa sa gastroesophageal reflux disorder (GERD) at mga taong nakakaranas ng hyperacidity ay maaaring magkaroon ng ilang mga trigger sa pagkain. Ilang mga halimbawa ay mga dairy products, maasim na pagkain, maanghang na pagkain, at maging ang matatabang pagkain.
Kung nakakaranas ka ng pananakit ng dibdib pagkatapos kumain ng alinman sa mga pagkaing ito, malamang na nakakaranas ka ng heartburn, at hindi atake sa puso.
Nagdurusa ka sa GERD
Panghuli, kung ikaw ay dumaranas ng GERD, ang pananakit ng dibdib na iyong nararanasan ay maaaring dahil sa kondisyon mo. Kung may GERD ka, mas malamang na makaranas ka ng heartburn, at bilang resulta pananakit ng dibdib.
Ibig sabihin, ang posibilidad na ang pananakit ng dibdib mo dahil sa heartburn ay medyo mataas.
Key Takeaways
Mahalagang tandaan na kung sa tingin mo ay maaaring may mali, huwag mag-atubiling humingi ng medikal na atensyon. Mas mainam na magpasuri upang matiyak na wala kang anumang seryosong problema. Mas mabuting magkaroon ng kapayapaan ng isip, at maging ligtas sa halip na ipagsapalaran ito.