Ang potty humor (isang uri ng joke tungkol sa pagdumi o pag-ihi) ay maaaring ikatuwa ng mga bata at matatanda. Gayunpaman, kung nakararanas ka ng pagtatae, hindi ito nakakatuwa. Totoo ito lalo na kung bata ang nagtatae. Buti na lang, karamihan sa mga kaso ng mild diarrhea ay nalulunasan nang hindi na kailangang dalhin pa sa emergency room. Maraming simpleng solusyon, ngunit gaano kabisa ang saging para sa pagtatae?
Mga Epekto ng Pagtatae sa Katawan
Una, ang diarrhea o pagtatae ay nangyayari kapag tatlong beses kang naglabas ng matubig na dumi (stool) sa loob ng isang araw. Maaari itong maging acute (1-2 araw), persistent (2-4 na linggo), o chronic (4 o higit pang linggo).
Maraming dahilan kung bakit nagtatae ang tao. Minsan, dulot ito ng impeksyon o nakakain ng nakasama sa tiyan. Gayunpaman, maaari ding side effect ng ilang gamot at mga gastrointestinal disease ang pagtatae.
Karaniwang nawawala nang kusa ang acute diarrhea na hindi na kinakailangan ng gamutan. Para sa persistent at chronic diarrhea, mahalagang makipag-ugnayan sa inyong doktor upang matukoy ang pinakasanhi nito. Napakahalagang kumonsulta sa doktor lalo na kung nakararanas ka rin ng lagnat o nakakita ng dugo sa iyong dumi.
Sa lahat ng kaso ng pagtatae, pangunahing ipinag-aalala ang dehydration at pagkawala ng electrolyte. Higit pa sa tubig ang nawawala sa matubig na pagtatae. Mahalaga ang electrolytes sa pagpapanatili ng acid-base balance ng katawan at maging sa pangangalaga ng kalamnan (muscle) at nerve function. Kapag mas maraming electrolytes ang nawala, makararamdam ka ng panghihina o mahihirapan kang kumilos.
Saging para sa Pagtatae: Nakatutulong Ba Ito?
Ngayon, madalas na ibinibigay ang water at oral rehydration salts upang mapawi ang negatibong epekto ng pagtatae. Hindi nito talaga ginagamot ang sanhi ng pagtatae kung ito man ay viral o bacterial. Pinipigilan lang nito ang severe dehydration. Bilang karagdagan sa tubig at electrolytes, nawawala rin ang mga kinain at bitamina sa bawat pagdumi.
Malaki ang naitutulong ng saging para sa pagtatae dahil may taglay itong sugar, fiber, at maraming potassium na kailangang-kailangan ng katawan. Pinapawi ng potassium ang panghihina ng mga kalamnan at cramping. Kung walang saging, marami pang pwedeng pagpiliang pagkain na mataas sa potassium.
Kabilang dito ang:
- Broccoli
- Baka
- Beans at peas
- Melon
- Oranges
- Patatas at kamote
- Spinach
- Kamatis
- Yogurt
Dagdag pa, may taglay na potassium at iba pang minerals ang sports drinks at multivitamins. Gayunpaman, hindi maganda ang sports drinks sa mga nagtatae o may dehydration dahil may refined sugar ito.
Tungkol sa BRAT diet
Kung nakararanas ka ng pagtatae na may kasamang pagduduwal at pagsusuka, maaaring makatulong ang BRAT diet. Ang ibig sabihin ng BRAT diet ay bananas, rice, applesauce, at toasted bread. Ang pansamantalang diet na ito ay akma para sa mga taong nahihirapang kumain at tunawin ang kinakain na kailangan ng bland at easy-to-eat na pagkain.
Mahalagang tandaang hindi kompleto ang BRAT diet dahil halos carbohydrates lang ito. Ang protina at fat ay mahahalagang macronutrients na dapat isama sa lahat ng diet.
Bukod sa BRAT diet, nakapagpapasigla ng gana sa pagkain at nakapagpapanumbalik ng hydration ang pagkain ng soup.
Ang mga lokal na pagkain tulad ng arrozcaldo, sinigang, at lugaw ay maganda ring pagpilian. Gayunpaman, iwasan ang mga processed food at sobrang aalat na pagkain tulad ng instant noodles at delata. Mahirap tunawin sa tiyan ang mga processed food at makapagpapalala ng pagtatae o pagsusuka. Bagaman kinakailangan ang asin sa tamang rehydration, kung sobra naman ay nakapagpapalala ng dehydration.
Key Takeaways
Sa kabuoan, masarap, madaling mabili, at masustansya ang saging para sa dehydration. Hindi kayang gamutin ng saging lang ang pagtatae, ngunit kung isasabay sa tubig, electrolytes, at masustansyang diet, mas madali kang gagaling.
Makipag-usap sa iyong doktor kung lumala ang pagtatae mo o kung tumagal ng tatlong araw, lalo na kung nakararanas ka ng lagnat o may makitang dugo sa iyong dumi.
Matuto pa tungkol sa Pagtatae dito.