Ang chronic constipation ay isang kondisyon kung saan ang tao ay nahihirapang dumumi nang regular. Kung nakararanas ka nito, makatutulong itong 5 tips kung paano maiiwasan ang constipation o pagtitibi.
5 Tips kung Paano maiiwasan ang Constipation
Ang constipation ay isang nakakainis na problema na nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam o sakit. Kung nakararanas ka ng constipation, mas mabuting huwag itong balewalain. Kung mapabayaan, maaari itong mauwi sa mas seryosong komplikasyon.
Makatutulong ang 5 tips na ito upang makadumi ka nang mas madali at maiwasang magkaroon ulit ng constipation.
Kumain ng mas maraming fiber
Isa sa mga pinakamabisang paraan kung paano maiiwasan ang constipation ay sa pamamagitan ng pagdaragdag ng fiber sa iyong pagkain. May dalawang klase ng fiber. Ito ang soluble at insoluble fiber.
Ang soluble fiber ay tumutulong upang makakuha ng tubig mula sa ating bituka na nakapagpapalambot ng dumi. Sa kabilang banda, ang insoluble fiber ay tumutulong upang mas madaling makadaan ang pagkain sa ating digestive system.
Kabilang sa magandang pagkunan ng soluble at insoluble fiber ang mga prutas, gulay, grains, at mani. Taglay din ng mga pagkaing ito ang iba’t ibang bitamina at mineral na kailangan ng ating katawan upang manatiling malusog.
Kung nais mong maiwasan ang constipation, at mapabuti ang pangkalahatang kalusugan, unahin ang pagkaing mayaman sa fiber.
Uminom ng maraming tubig
Isa pang simple ngunit epektibong paraan kung paano maiiwasan ang constipation ay ang pag-inom ng maraming tubig. Kung mapapansin mo, nagiging mas tuyo ang dumi mo kapag hindi ka umiinom ng sapat na tubig, at maaaring magkaroon ka ng constipation. Nakatutulong ang tubig na mapalambot ang dumi, kaya’t mas madali na itong dumaan sa ating digestive tract.
Hindi mo kailangang uminom ng 8 basong tubig kada araw, dahil puwede ka rin namang makakuha ng tubig mula sa mga kinakain mo. Ang dami ng tubig na kailangan ng katawan ay nakadepende rin sa init ng panahon at antas ng pisikal na aktibidad na iyong ginagawa.
Ngunit sa pangkalahatan, kung constipated ka, subukang uminom ng mas maraming tubig sa maghapon. Hindi mo kailangang inumin lahat sa isang upuan. Tiyakin lamang na may tubig kang maiinom sa iyong tabi anumang oras. Bantayan din kung gaano karaming tubig ang iyong naiinom.
Manatiling physically active
Isa pang paraan kung paano maiiwasan ang constipation ay sa pamamagitan ng pananatiling aktibo at pag-eehersisyo. Hindi lamang nakatutulong ang pag-eehersisyo upang maging fit at malusog. Tumutulong din ito upang mapanatili ang regular na pagdumi.
Hindi mo kailangang magpunta sa gym o gumamit ng espesyal na kagamitan. Makatutulong ang paglalakad, jogging in place, o ang pag-akyat-baba sa hagdan sa loob ng ilang minuto upang maging aktibo ang katawan.
Kung nakaupo ka sa loob ng mahabang oras, mabuting tumayo at mag-unat, o sandaling maglakad sa paligid upang maiunat ang mga binti at mapanatiling gumagalaw ang katawan.
Sa ganitong paraan, mapapanatili mong fit at malusog ang katawan, at mapabubuti ang iyong pagdumi.
Subukang dumumi matapos kumain
Isang paraan upang maiwasan ang constipation ay ang regular na pagdumi. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagdumi matapos kumain.
Mas handa ang katawan na maglabas ng dumi pagkatapos kumain. Kaya’t kung nahihirapang dumumi, maaaring magandang ideya kung susubukang magpunta sa palikuran ilang minuto matapos kumain.
Makatutulong ito upang magkaroon ng regular na pagdumi, at makaiwas sa constipation.
Gumamit ng laxative na gamot
Huling paraan ang paggamit ng over-the-counter na laxative na gamot para sa constipation. Mahalagang sundin nang mabuti ang instruction sa pakete. Ang sobrang paggamit nito ay maaaring maging sanhi ng pagtatae. Palaging gumamit ng gamot ayon sa reseta ng doktor.
Gayunpaman, hindi ipinapayo ang madalas na paggamit ng mga laxative. Maaari kasi itong magdulot ng pinsala sa digestive system. Gumamit lamang nito kung talagang nahihirapan dahil sa constipation.
Matuto pa tungkol sa Constipation dito.